Ano nga ba ang habol ng isang babae kung tahasan na siyang iniwan ng nakabuntis sa kaniya? May legal action ba na maaari niyang gawin?
Mas karaniwang alam ng marami na may batas para protektahan ang asawa at anak na iniwan ng tatay kung ang mga magulang ay legally married. Pero ano ang habol ng isang ina na iniwan ng kaniyang kinakasama o kasintahan, habang siya ay nagbubuntis pa lang?
Di ba’t responsibilidad ng mga magulang na suportahan ang kanilang mga anak? Ang isang ama ay may legal na obligasyon na magbigay ng suporta sa kaniyang anak, kahit pa hindi sila kasal ng ina ng bata. Kahit pa nga hindi gamit ng bata ang apelyido niya o hindi siya nakalagda sa Birth Certificate ng bata, may mga paraan para mapatunayan ang paternity. Kaya’t may habol ang bata.
Ano ang dapat gawin kapag ikaw ay iniwan ng nakabuntis?
Ayon kay Atty. Macam, kailangang mapatunayan ang paternity para makapaghabol ang isang unmarried woman na iniwan ng nakabuntis. Mabuti kung aakuin ng lalaki ang paternity at agarang magpiprisinta ng suporta bago pa man ito maipanganak. “But if not, kakailanganing mapatunayan ng babae ang paternity sa korte para magawaran ng child support ang bata.”
Maraming paraan para mapatunayan ang relasyon ng bata sa kaniyang ama, sa ilalim ng Family Code at Rules of Court. Nakasaad sa Article 172 ng Family Code na pwedeng patunayan ang relasyon ng anak sa tatay o nanay sa pamamagitan ng final judgment/decision ng korte na nagpapatunay ng relasyon, bukod pa sa pag-amin ng magulang sa public document o kasulatan.
“Sa madaling salita, mayrong karapatan ang unmarried pregnant woman to claim support or seek acknowledgment of paternity of her unborn child,” pagdidiin ni Atty. Macam. Pero ang sinasabing “rights” o karapatang ito ay nakasalalay sa kung ang bata ay ipapanganak ng buhay, at kung may pormal o legal na acknowledgement ng tatay na anak nga niya ang bata. Dagdag ni Atty., dapat tandaan na ang established paternity at filiation (relasyon ng anak sa magulang), ang nagbibigay ng karapatan sa isang bata na gamitin ang apelyido ng kaniyang ama, pati na ang mabigyan ng financial support at successional rights.
Maaaring maghain ng Petition for Establishing Paternity and Filiation ang babaing iniwan ng nakabuntis, at mag-request ng Motion for DNA Testing. Ang korte na ang mag-uutos sa sinasabing tatay ng bata na sumailalim sa court-ordered DNA test para mapatunayan ang paternity. Saka pa lang ito mabibigyan ng established paternity at legal rights, tulad ng child support, paliwanag ni Atty. Macam.
Legitimate claim of abandonment
Ang pag-abanduna o abandonment ay ang pag-iwan ng magulang sa anak at pagputol ng anumang komunikasyon. May nakatakda ang batas na haba ng panahon ng pag-iwan para masabing ito ay kaso na ng abandonment. Ito ay abadonment kung ang obligasyon ng magulang ay naputol o natigil na rin at hindi na naibigay sa anak.
Kung walang established paternity, at ang ina ay iniwan ng nakabuntis sa kaniya, hindi ito “abandonment”. Walang legal na obligasyon ang biological father sa bata kung walang pinirmahan at katunayan na inaangkin niya ang paternity o na siya ang tatay ng bata.
Nakasaad sa Article 166 ng Family Code ang mga salik na tinitingnan upang hindi kilalanin ng ama ang sinasabing anak nito. Isa na dito ang physical impossibility o kapag napatunayang imposibleng may maganap na pagtatalik sa panahon na sinasabing nabuo ang bata.
Sa pagkakataong may established paternity na, may karapatan ang mag-ina na humingi ng financial-child support mula sa tatay ng bata. Kung sa paglaon ay abandunahin ng ama ang bata, o ititigil ng tatay ang suporta, maaaring dalhin ito sa korte para maituloy ang suporta, o matanggal ang parental rights niya.
Sa isang banda, ang isang unwed mother na iniwan ng nakabuntis ay may mas malawak na karapatan patungkol sa pagdedesisyon tungkol sa kaniyang anak na inabanduna, kaysa sa isang ina na kinasal at hiniwalayan ng asawa. Ang isang legitimate claim of abandonment ay makakapagbigay ng mas malawak pang karapatan para sa kaniyang anak.
May kahabaan ang proseso, kaya’t kailangang ihanda ng babae ang sarili na masuportahan ang bata at tustusan ang lahat ng pangangailangan nito ng walang tulong ng lalaking nang-iwan. Dahil siya ang siguradong magulang ng bata, ang nanay ang may primary obligation sa bata, habang hindi pa napapatunayan ang paternity.
Lahat ng naipaliwanag ni Atty. Macam ay payo lamang at paglilinaw sa mga katanungan para sa artikulong ito. Sa anumang usaping legal, kailangang kumunsulta ng personal sa isang abogado para mapag-aralang mabuti ang isang partikular na kaso.
SOURCE: Atty. Mia Macam, attorney-at-law
Basahin: Pag-amin ng isang misis: Nang mahiwalay ako sa asawa, naging kabit ako.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!