Ayon sa cybersecurity company na Kaspersky, dapat raw tutukan ng mga magulang ang internet safety sa bahay. Ito ay bukod sa pagkakaroon ng mga sites na hindi safe o angkop sa mga bata, posible rin daw mainfect ng mga virus ang computers kapag nagpupunta sa iba’t-ibang mga website.
Internet safety, dapat gawing priority
Base sa isinagawa nilang research, nasa 82.46% raw ng mga virus attacks noong December 2018 ay nakatuon sa mga home users, o sa mga gumagamit ng computer sa bahay.
Bukod dito, 33% raw ng mga gumagamit ng internet sa bansa ay nasa edad 0-14, at 19.6% naman ay nasa edad 15-25. Ibig sabihin, halos kalahati ng internet users sa bansa ay mga kabataan.
Dahil dito, mahalagang tutukan ng mga magulang kung paano ginagamit ng kanilang mga anak ang internet. Mas bahagi na ng buhay ng mga kabataan ngayon ang internet, kaya’t dapat ay gawin itong safe upang makaiwas sa mga virus, o kaya mga sites na hindi pambata.
Importante rin na maging maalam sa paggamit ng internet ang mga magulang. Ito ay upang masabayan nila ang kanilang mga anak, at upang mas maunawaan ang ginagawa ng mga bata online.
Ano ang magagawa ng mga magulang?
Heto ang ilang mga tips para sa magulang pagdating sa pagiging safe online:
Manage
Mahalaga raw na i-manage ng mga magulang ang screen time ng kanilang mga anak. Dapat ay puwede lang nila itong gamitin sa mga specific na oras, at hindi kung kailan nila nais gumamit ng gadget. Nakakatulong ito para magkaroon pa ng oras sa ibang activities ang mga bata, at hindi lang nakatutok sa kanilang mga gadget.
Meaningful
Ang pangalawang tip ay dapat gawing meaningful o may halaga ang paggamit ng screen time. Bagama’t okay lang mag-games, hindi dapat puro games ang inaatupag ng mga bata sa gadget. Mas mabuti kung nagagamit ito para sa school work, o kaya ay nagagamit ng mga bata upang sila ay matuto.
Model
Mahalaga rin na magsilbing model ang mga magulang pagdating sa screen time. Ito ay dahil ginagaya ng mga bata ang habits ng kanilang mga magulang, kaya’t importanteng ipakita ng mga magulang na responsable sila sa paggamit ng mga gadgets.
Monitor
At huli, mahalagang i-monitor ng mga magulang ang ginagawa ng kanilang mga anak online. Ito ay upang gabayan sila, at hindi mapunta sa mga websites o lugar sa internet na hindi angkop para sa mga bata.
Sa pamamagitan ng mga tips na ito, masisiguradong magiging mas healthy ang paggamit ng mga gadgets, at hindi masyadong malululong sa gadgets ang mga bata.
Source: Manila Times
Basahin: Sindikato, ginagamit raw ang FB para magbenta ng baby