Matapos mai-rescue mula sa isang child trafficking syndicate ang 1-week-old na baby, ay napag-alaman ng pulisya na ginagamit raw ang Facebook sa pagbebenta ng mga sanggol.
Sa halagang 10,000 pesos lamang ay posible na raw bumili ng isang sanggol sa mga sindikatong ito.
Child trafficking syndicate, nagbebenta ng baby sa FB
Ayon kay Ronald Aguto, chief ng cybercrime division ng NBI, nalaman raw nila ito nang silipin ang FB account ng isang magulang na nagbenta ng kaniyang anak.
Dito raw nakita ang mensahe na nagpasalamat ang operator ng page sa mga magulang, sa pagbebenta niya ng kanilang anak. Sa pagkakataong ito, halagang 40,000 raw ang binigay para sa bata. Ngunit kahit halagang 10,000 lang raw ay puwede nang makabili ng sanggol.
Base sa sinabi ng ina ng sanggol, naisipan raw niya itong gawin nang malaman niyang siya ay nagbubuntis. Ayon naman sa ama ng sanggol, sumang-ayon siya sa plano, dahil na rin daw sa kahirapan.
Sa isa pang kaso ng child trafficking, napag-alaman na ginamit raw ng 2 suspek ang Facebook page na Babies Welcome Home sa pagbebenta ng sanggol.
Dito raw ay nag-usap ang mga suspek, at sinubukang magbenta ng sanggol sa airport sa halagang 30,000 pesos.
Kailangan pigilan ang child trafficking
Isa sa pinakamalaking problema sa bansa ang child trafficking, at human trafficking. Isa rin ang Pilipinas sa may pinakamaraming kaso ng human trafficking sa buong mundo. Maraming dahilan kung bakit nangyayari ang human trafficking, at hindi ito simpleng problema.
Pero may magagawa tayo upang labanan at sugpuin ito. Heto ang ilang mga puwedeng gawin:
- Huwag matakot mag-report o magsumbong kung sa tingin mo ay mayroong nagaganap na human o child trafficking.
- Mag-volunteer sa mga grupo na nilalabanan ang child trafficking.
- Magpakalat ng kaalaman at impormasyon tungkol sa human trafficking.
- Tumulong sa mga paaralan at mga initiative na sumusuporta sa edukasyon. Isa sa pinakamalaking dahilan ng human trafficking ang kawalan ng edukasyon at ang kahirapan.
- Bantayang maigi ang iyong mga anak, at huwag silang hayaan na magpunta sa kung saan-saan na mag-isa lang.
Source: Philippines Lifestyle News
Basahin: 3-Buwang gulang na sanggol, tinangkang ibenta sa halagang 30,000!
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!