Siguro nangyari na sa’yo ito. Kayo ng asawa mo ay nasa labas, o kaya naman ay nasa bahay lang at nagrerelax. Nang bigla na lang tanungin ka ng asawa mo tungkol sa isang pagkakamali na nagawa mo ilang taon na ang nakalipas. Bakit ba niya inuungkat ang nakaraan?
Dapat ka bang magalit?
Dapat ka bang humingi ng tawad muli?
Bakit nga ba inuungkat ang nakaraan?
Baka may pinagdadaanan ang iyong asawa
Hindi madali para sa isang tao ang makalimot. Siguro ay nasaktan mo dati ang iyong asawa o may nagawa kang malaking kasalanan.
Isa sa mga dahilan kung bakit inuungkat ng asawa mo ang nakaraan, ay dahil baka mayroon siyang pinagdaraanan. Posibleng may problema siya na pilit niyang iniiwasan. O kaya baka mayroong bumabagabag sa kaniyang isipan. Kaya’t ang una niyang naaalala ay ang iyong naging pagkakamali dati pa.
Importanteng huwag ito maging mitsa ng gulo sa buhay ninyong mag-asawa. Mahalagang maging mahinahon at kausapin ng maayos ang iyong asawa. Alamin kung bakit niya ito natandaan, at kausapin siya at alamin kung baka may mabigat na pinagdaraanan ang iyong asawa.
Posibleng wala pang closure
Isang posibilidad rin ay hindi pa nagkakaroon ng closure ang iyong asawa. Sa mga ganitong problema, mahalaga ang intindihin ang nararamdaman niya. Wag kang magalit, o mainis, o makipag-away, lalong-lalo na kung matindi ang iyong nagawang pagkakamali.
Posibleng may nangyari kamakailan sa inyong dalawa na nagpaalala sa kanya ng iyong pagkakamali. Baka ikaw ay may nasabi, o nagawa na nagbigay ng pagdududa sa kanya. Kahit ano pa man ang dahilan, mahalagang pag-usapan ninyo ito.
Pwede itong dahil sa depression o anxiety
Isa pang dahilan ng ganitong klaseng ugali ay ang depression, o anxiety. Posibleng nakakaramdam ng anxiety ang iyong asawa, kaya’t naalala niya ang ganitong mga bagay.
Ito rin ay posibleng sintomas ng depression. Mahalagang kausapin mo ang iyong asawa upang malaman kung may bumabagabag sa kanyang isipan. Tandaan, hindi nito ibig sabihin na may galit sa iyo ang iyong asawa.
Ano ang pwedeng gawin?
Ang pinakamainam na gawin sa ganitong pangyayari ay kausapin ng mahinahon ang iyong asawa. Pairalin ang rational thinking, at huwag basta-basta maging padalos-dalos.
Tandaan, hindi makakabuti sa inyong dalawa kung parehas mainit ang inyong mga ulo.
Kung magtuloy-tuloy pa ang problema, huwag matakot lumapit sa isang doktor o espesyalista para magpatingin. Hindi masama ang magpakonsulta sa isang therapist o psychiatrist upang malaman ang sanhi ng inyong problema.
Source: Psychology Today
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!