Alam ng bawat ina ang kahalagahan ng wastong nutrisyon sa pagbubuntis, partikular ang pag-inom ng folic acid at vitamin D supplements sa pagsisimula pa lang ng pagdadalantao.
Ngunit lingid sa kaalaman ng nakakararami, mahalaga din ang iodine sa kalusugan ng ina at development ng fetus. Kaya naman marami ang hindi nagbibigay-pansin dito at nagkakaroon ng iodine deficiency habang buntis.
Ano nga ba ang epekto nito sa mga nagdadalantao at ano nga ba ang dapat gawin upang maiwasan ito?
Epekto ng iodine deficiency habang buntis
Ang mga kababaihan ay nanganganib na magkaroon ng iodine deficiency habang buntis at maaaring maapektuhan ang brain development ng kanilang fetus ayon sa isang pag-aaral sa Menzies Institute for Medical Research ng University of Tasmania sa bansang Australia.
Sinuri sa pag-aaral ang iodine levels ng 250 buntis. Lumalabas na marami sa kanila ang hindi nagbibigay-pansin sa iodine dahil hindi nila alam ang benepisyo ng iodine sa kalusugan.
“Our study showed that even though the general population is now considered iodine sufficient — through the iodization of bread — pregnant women are not going to get enough through that,” sabi ni Dr. Kristen Hynes, leader ng nasabing pag-aaral sa Menzies Institute for Medical Research.
“Only those women who are supplementing prior to pregnancy seem to be able to maintain iodine levels sufficient for brain development of the fetus. We think that’s all about bringing up the thyroid stores to a level that will be sustained throughout pregnancy,” ani Dr. Hynes.
Lumabas rin sa pag-aaral na ang mga batang ipinanganak ng mga nanay na may iodine deficiency habang buntis noon ay lumaking may problema sa learning abilities sa kalaunan.
“Children whose mothers had inadequate iodine levels during pregnancy had NAPLAN (National Assessment Program – Literacy and Numeracy) scores that were below the Tasmanian average, not closer to the national average,” dagdag ni Dr. Hynes.
Ano ang kahalagahan ng iodine sa katawan ng tao
Ang iodine ay isang kemikal na elemento na nagpapanatili ng sapat na level ng essential micronutrients sa katawan ng tao, partikular sa mga nagdadalantao.
Ginagamit ito ng ating thyroid glands upang makapaglabas ng sapat na hormones na kailangan sa brain development ng mga fetus. Responsable ang iodine sa malusog na metabolismo, development at paglaki ng fetus ayon sa UK Iodine Group.
Malaki rin ang ginagampanan ng iodine upang mabigyan ng proteksyon ang mga fetus laban sa ilang environmental harms gaya ng labis na dami ng nitrates sa inuming tubig at kemikal mula sa sigarilyo. Pinangangalagaan din nito ang endocrine system ng ating katawan.
Bagaman maraming pagkain ang mayaman sa iodine, kinakailangan pa rin ng mga iodine supplements upang masustena ang pangangailangan nito sa mga nagdadalantao.
Mga pagkaing mayaman sa Iodine
Upang maiwasan ang iodine deficiency habang buntis, narito ang ilang pagkain na dapat isama sa diet ng mga nagdadalantao.
1. Seaweeds – ito ang isa sa mga pagkaing mayaman sa iodine at antioxidants. Mababa rin ang calorie level nito na mabuti para sa mga buntis na may problema sa blood sugar.
2. Cod Fish – mas kilala ito sa tawag na bakalaw, ang cod fish ay mayaman sa iodine. Mababa rin ang fat content nito na mainam sa mga may altapresyon.
3. Hipon – ang hipon ay mayaman sa vitamin B12, selenium at phosphorus at mayroon ding taglay na iodine. Ipinapayo ng mga doktor na maging mahinay sa pagkain ng hipon dahil maaari itong makapagpataas ng blood pressure kapag napasobra.
4. Tuna – nagtataglay ng iodine at omega-3 fatty acids ang tuna na nakakapagpababa ng panganib sa pagkakaroon ng heart disease sa kalaunan. Bagaman mas mababa ang iodine content ng tuna kumpara sa cod fish, ang 3 ounces ng tuna ay naglalaman ng 17 micrograms ng iodine o 11% ng recommended daily intake.
5. Dairy products – para sa mga allergic sa seafoods, maaaring uminom o kumain ng mga dairy products dahil mayroon din itong iodine.
6. Iodized salt – matagal nang ikinakampanya ng ating Department of Health ang paggamit ng iodized salt sa ating mga pagkain kaya dapat lamang na iodized salt ang gamitin.
7. Itlog – bukod sa protina, mayaman rin sa iodine ng pula o egg yolk ng itlog. Ang isang medium size na itlog ay kadalasang naglalaman ng 24 micrograms ng iodine o 16% ng daily value na kailangan sa ating katawan.
Komunsulta sa isang dietician upang magabayan sa mga pagkaing mayaman sa iodine upang maiwasan ang pagkakaroon ng iodine deficiency habang buntis.
Source: ABC.net, The Guardian, WebMD, Healthline
Images: Shutterstock
BASAHIN: 10 prenatal vitamins na rekomendado ng mga OB-GYN
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!