Tuwing Disyembre, malaki ang mga nagiging gastusin ng mga tao. Mula sa mga pang regalo, pang handa, o maging pang travel para sa mga out-of-town trips kasama ang pamilya. Mayroon mang 13th month pay o mga bonus, minsan ay paring kulang parin o sakto lang. Para mapaghandaan ang susunod na taon, alamin ang ipon tips para makaipon ng P400,000 sa isang taon.
5 ipon tips para madagdagan ang iyong ipon!
1. Magtakda ng goal
Bakit ka nag-iipon? Gusto mo ba ng sariling bahay? Ikaw ba ay nag-iipon para sa pag-aaral ng iyong mga anak? Ano man ang rason mo sa pag-iipon, ito dapat ay ang personal na rason mo para ramdam mo talaga ang halaga nito. Ito ang bagay na pipigil sa iyo na magastos ang maiipon mong halaga. Hindi ka mate-temp na gamitin ang maiipon mo para sa ibang bagay na maaaring mas hindi mahalaga.
2. Itigil ang mga di magagandang kasanayan
Isa sa mga hindi napapansin na malaki ang epekto sa pag-iipon ay ang mga bisyo. Kabilang sa mga ito ang sigarilyo, pag-inom, pagsusugal, at iba pa. Maaaring maisip na maliit na halaga lang naman ang nagagamit para dito. Subalit, ang maliit na halaga na ito ay nagiging malaki kung halos araw-araw ginagastos.
Isa sa mga hindi napapansin ng mga tao na humahadlang sa kanilang pag-iipon ay ang pagkain. Hindi masamang kumain ng masasarap, sa totoo mas mapapagastos pa kung hinahayaan ang sarili na magutom dahil sa mga masasamang epekto na maaari nitong idulot sa kalusugan. Ganunpaman, hindi makakabuti sa iyong pag-iipon ang araw-araw na pagkain sa mga restaurant, pagbili ng milk tea, o pagpapa-deliver ng pagkain.
Ang pangungutang din at paggamit ng credit cards ay isang kaugalian na dapat iwasan. Makakabuti lamang ito kung gagamitin sa investment o kaya naman para sa emergency. Subalit, kung gagamitin lamang para sa bisyo o luho, maaaring mas hindi maka-ipon dahil sa interes na kasama nito.
stock photo
3. Makatotohanang budget
Gumawa ng budget na naka-set para sa mga pangangailangan ng inyong pamilya at sa araw-araw. Iwasan ang paggawa ng budget kung saan pinipilit ang sobrang liit na pera sa araw-araw ngunit hindi naman pala sapat. Hindi rin makakabuti ang paglalaan ng malaking halaga sa mga bagay na hindi naman talaga kakailanganin.
Makakabuti na sa simula pa lamang ay mag-set na ng itatabi para sa ipon. Mula dito, i-budget ang matitira para sa mga mahahalagang gastos na kailangang bayaran tulad ng kuryente, tubig, pagkain at pamasahe. Kung mayroon pang matitira, maaari itong itabi para sa mga biglaang gastos, bakasyon o kahit sa pagtreat sa pamilya.
4. Dagdagan ang income streams
Karamihan sa mga Pilipino ay naka-depende ang pera sa kita mula sa trabaho. Ganunpaman, minsan ay hindi ito sapat. Dahil dito, maaaring humanap ng ibang paraan para madagdagan ang income streams. Ito ang isa sa mga pinakamabuting paraan para lumaki ang naiipon.
Maraming iba’t ibang paraan para madagdagan ang kita. Maaaring kumuha ng sideline, magtayo ng maliit na negosyo, o kaya naman ay magkaroon ng investment.
5. Stick to your goals
Ano man ang paghihirap sa pag-iipon, maaaring masayang ang mga ito kung mawawalan ng gana na ipagpatuloy ito. Sa tuwing naiisip na galawin ang ipon, isipin munang mabuti kung ito ba ay talagang kailangan o hindi naman. Ito ba ay luho lamang o talagang kailangan? Kontrolin ang sarili at huwag magpadala sa mga maaaring makita sa paligid na tutukso sa iyo para lumihis sa goal mo ng pag-iipon.
Hindi madali ang pag-iipon. Ganunpaman, kapag alam mo sa iyong sarili kung gaano kahalaga ang rason mo sa pag-iipon, makakaya mo ito. Sana ay makatulong ang mga ipon tips na ito upang madagdagan ang iyong ipon sa susunod na taon.
Basahin din: #TipidTips para hindi mabaon sa utang ngayong darating na pasko
Source: KSFamilyTV
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!