Dalawang araw matapos mapirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang batas, minamadali na ngayon ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang paggawa sa implementing rules and regulations o IRR ng Expanded Maternity Leave Law. Ito ay upang maipatupad na ang batas sa lalong madaling panahon.
IRR ng Expanded Maternity Leave Law
Sa isang panayam kay DOLE Secretary Silvestre Bello III, sinabi nitong pabibilisin nila ang paggawa ng IRR ng Expanded Maternity Leave Law mula sa regular na 90 days ay sisikapin nilang mapabilis ito sa 45 days na lamang.
“Usually given 90 days, pero we don’t intend to fully utilize the 90 days. Baka in 45 days, we will come up with it… We will expedite the IRR,” sabi ni Secretary Bello.
Ang implementing rules and regulations o IRR ay kailangan sa bawat batas na nalilikha upang masiguro ang guidelines sa pagpapatupad nito. Ito ang patakaran na inilalatag batay sa isang batas. Karaniwang nagtatalaga ng isang ahensya na gagawa dito at mangangasiwa sa tamang implementasyon sa batas.
Ang DOLE, kasama ng Social Security System (SSS) at Civil Service Commission (CSC), ay naatasan ng batas para gumawa ng IRR.
Ang mabilis na paggawa sa IRR ng Expanded Maternity Leave Law ay makatutulong upang makuha na agad ng mga buntis na empleyado ng mga pribadong kumpanya at mga ahensya ng gobyerno ang dagdag na benepisyong ito.
“The law is always prospective but it can be retroactively applied if it is favorable to women,” sabi ni Secretary Bello.
“Lahat ng nanganak, ‘yung mga manganganak, they will be covered kahit wala pang IRR. Definitely in the IRR, it will be retroactively implemented,” dagdag niya.
Benepisyo ng Expanded Maternity Law
Ang bagong batas ay magbibigay ng 105 araw o 3 buwan na paid maternity leave at maaari pang i-extend ng dagdag na 30 araw na unpaid leave. Saklaw nito ang mga pribadong kumpanya at mga ahensya ng gobyerno.
Pinapayagan rin ng batas na ito ang dagdag na araw sa paternity leave ng mga ama, mula sa 7 araw ay gagawin na itong 14 araw o dalawang linggo.
Para naman sa mga solo parents na ina, magkakaroon sila ng karagdagang 15 araw sa kanilang 105 paid leave.
Ikinatuwa naman ng isa sa mga may akda ng Expanded Maternity Leave Law na si Senador Risa Hontiveros ang pagkakapasa sa naturang batas.
“Isang malaking tagumpay para mga kababaihang Pilipino at ating mga pamilya ngayong araw sa pagsasabatas sa wakas ng expanded maternity leave law,” sabi niya sa isang panayam sa Senado.
“Mas may panahon ngayon si nanay na magpahinga pagkatapos magbuntis at manganak, mas may panahon i-establish ‘yung exclusive breastfeeding, mas may panahon din si tatay at ‘yung buong pamilya mag-bond kay baby,” dagdag niya.
Source: Philippine Daily Inquirer
Images: Shutterstock
BASAHIN: Extended maternity leave, puwede nang makuha ng mga working moms
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!