Para sa marami sa atin, normal lang sa mga bata ang magkaroon ng bulutong. At kadalasan, hinahayaan lang ito ng mga magulang dahil kusa naman itong nawawala. Ngunit alam niyo ba na puwede itong magdulot ng tinatawag na ischemic stroke?
Ating alamin kung paano ito nangyari, at kung dapat bang mag-alala ang mga magulang dahil dito.
Simpleng bulutong ay puwedeng maging sanhi ng ischemic stroke
Masayahing bata ang 4 na taong gulang na si Sophie Fuller, mula sa UK. Ngunit dahil sa komplikasyon ng kaniyang bulutong, nagkaroon siya ng permanent brain damage, at napilitang matutong magsalita at maglakad muli.
Noong Hulyo ay nagkaroon si Sophie ng bulutong, o chickenpox. Akala ng kaniyang mga magulang na simple lang ang karamdaman ng anak, at ginawa nila ang regular na pag-aalaga sa batang may bulutong.
Isang araw, napansin ng tatay ni Sophie na si Edwin na nahulog si Sophie sa kama. Nang binuhat niya ang bata para ibalik sa kama, nagulat siya nang biglang nangisay ang bata.
Nakita ng nanay ang pangyayari, at noon din ay alam niyang nagkakaroon ng stroke ang kaniyang anak.
May panganib na magkaroon si Sophie ng pangalawang stroke
Dali-daling dinala si Sophie sa ospital, at sa kabutihang palad ay nasagip nila ang buhay niya. Ngunit malaki ang naging pinsala sa kanya ng nangyaring ischemic stroke.
Ayon sa MRI ay nagkaroon daw ng permanentent pinsala sa utak si Sophie, at naging manipis ang blood vessels sa kaniyang utak. Dahil dito, posible daw na magkaroon siya ng pangalawang stroke, kapag napabayaan.
Bukod dito, kinailangan ulit turuan magkalad si Sophie, at hindi na niya maigalaw ng maayos ang kaniyang kanang kamay at braso. Ngunit ang mahalaga ay ligtas siya.
Sa ngayon, sumasailalim pa rin sa therapy si Sophie, at kinakailangan niyang uminom ng pampanipis ng dugo upang makaiwas sa stroke. Natatakot pa rin ang kaniyang mga magulang na baka maulit ang nangyari kay Sophie, pero umaasa sila na makakarekober na ang kanilang anak.
Dapat bang mag-alala ang mga magulang sa ganitong stroke?
Matagal nang alam ng mga doktor na puwedeng maging sanhi ng stroke ang chickenpox. Ngunit ang dapat tandaan ng mga magulang ay napakabihira at napakaliit ng posibilidad na mangyari ito. Kaya’t walang dapat ipag-alala ang mga magulang.
Gayunpaman, mabuti na rin na bantayan ng mga magulang ang kanilang mga anak na mayroong bulutong. Ito ay para masiguradong wala silang kakaibang nararamdaman, at nakakainom sila ng gamot.
Nakakatulong rin ang pagbibigay ng chickenpox o varicella vaccine sa mga bata, upang hindi na sila magkaroon ng bulutong.
Source: Daily Mail
Basahin: Mga newborn puwedeng magkaroon ng stroke!