Iya Villania may pakiusap sa mga magulang matapos magkaroon ng HFMD ang anak na si Primo.
Pakiusap ni Iya Villania sa mga magulang
Sa isang IG post ay nakiusap si Iya Villania sa ibang mga magulang na siguraduhing healthy ang mga anak sa tuwing maglalaro sa enclosed play areas. Hindi lang para sa kapakanan ng kanilang anak kung hindi para pati narin sa ibang bata.
Ito ang panawagan ni Iya Villania matapos magkaroon ng HFMD o Hand, Foot and Mouth Disease ang panganay na anak nila ni Drew Arellano na si Primo.
Hand, Foot and Mouth Disease o HFMD
Ang Hand, Foot and Mouth Disease ay isang nakakahawang sakit na madalas na tumatama sa mga batang 5 taong gulang pababa.
Naihahawa ang HFMD ng sinumang mayroon nito sa pamamagitan ng close contact. O kaya naman ay sa pamamagitan ng paghawak ng laruan, doorknob o kahit anumang bagay na kung saan maaring maiwan ang virus at makuha ng ibang bata.
Ang mga sintomas nito ay lagnat, sore throat at mga rashes, blisters o sugat sa bibig, binti, paa, kamay at puwet ng bata.
Hindi ito isang seryosong sakit na dapat ikabahala, ngunit ang sugat na dulot nito ay nagbibigay ng hindi komportableng pakiramdam sa mga bata.
Dahil sa pinagdaanan ng anak ay hiningi ni Iya ang dasal ng netizens para sa mabilis na pag-galing ni Primo. At pati narin ang hindi mahawa ang baby brother nito na si Leon sa sakit.
Sa pinakalatest na IG story ni Iya at sa hindi maiiwasang pagkakataon ay nagkaroon rin ng HFMD si Leon. At ayon kay Iya ay 3x na mas malala pa ang rashes nito kaysa kay Primo. Habang unti-unti naman ng gumagaling at umaayos ang lagay ng panganay niyang anak.
Paano nalulunasan ang HFMD?
Ang Hand, Foot and Mouth disease ay kusang ring nawawala matapos ang 7 hanggang 10 araw ng pagkakaroon nito. Walang gamot na iniinom para mapagaling ito o kaya naman ay bakuna para maiwasan ito.
Pero para sa pananakit na dulot ng sugat ay maaring uminom ng ibuprofen o acetaminophen ang mga bata. Maari ding gumamit ng numbing mouth sprays.
Makakatulong naman ang cold treats gaya ng popsicles, yogurt at smoothie para maibsan ang pananakit sa kanilang lalamunan o sore throat.
Ang anti-itch lotion naman tulad na calamine ay makakatulong para sa pangangati na dulot ng mga rashes.
Nakakahawa ang HFMD sa unang 7 araw na tumama ito sa isang bata. Ngunit maaring manatili sa kaniyang katawan ang virus ng ilan pang araw o linggo hanggang tuluyang mawala ang sintomas nito.
Maari rin itong maihawa sa pamamagitan dumi o laway ng batang mayroon nito.
Paano maiiwasan ang HFMD?
Para naman mabawasan ang tiyansa ng isang bata na mahawa at magkaroon ng HFMD ay dapat gawin ang sumusunod:
- Ugaliing hugasan ang mga kamay ng madalas gamit ang sabon at tubig ng hindi bababa sa 20 seconds.
- I-disinfect ang dirty surfaces at soiled items.
- Iwasan ang close contact tulad ng kissing, hugging at sharing ng eating utensil o cups sa taong infected nito.
Kaya parents siguraduhing always healthy ang inyong little one. Hindi lang para sa kaniyang proteksyon ngunit pati narin sa iba pang bata na makakasalimuha niya.
Sources: CDC , WebMD , Inquirer
Basahin: Hand Foot and Mouth Disease (HFMD): Gabay para sa mga magulang
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!