Matapos makitang may mga pasa sa braso ang aktres na si Janella Salvador, inamin niya na ito raw ay dahil sa kaniyang onscreen partner na si Elmo Magalona.
Dagdag pa ni Janella na hindi daw ito ang unang beses na nangyari ang pananakit. Bakit nga ba siya sinaktan ni Elmo? At ano ang dahilan ng pananakit ng aktor?
Janella Salvador, umaming sinaktan ni Elmo Magalona!
Nagsimula ang mga pangyayari nang makita sa isang interview na mayroong mga pasa sa braso at binti si Janella. Dito na nagsimula ang mga haka-haka na si Elmo Magalona raw ang nananakit sa dalaga.
Bukod dito, inakusahan ng ina ni Janella Salvador na si Jenine Desiderio ang ina ni Elmo na si Pia Magalona na binayaran daw nito ang isang blog para pagtakpan ang anak.
Sinabi pa ni Jenine sa isang fan na “We’ve been quiet kahit anak ko na tinulak palabas ng van at nahulog sa kalye. Pero para baligtarin pa kami, ibang usapan na yan.”
Nagulat ang mga fans ni Janella at Elmo at sinabing huwag daw magsabi ng mga ganoong salita ang ina ni Janella.
Inamin din ni Janella Salvador ang pananakit sa kaniya ni Elmo
Di nagtagal ay nagsalita na si Janella tungkol sa isyu at inamin na sinaktan nga siya ni Elmo. Aniya, nangyari daw ang pananakit nang sila ay nasa isang party.
Nakainom daw ang aktor, at sinaktan nito si Janella dahil sila ay nagtatalo. Dahil sa pananakit, sinampal daw niya ang aktor at umamin din si Janella na siya raw ay nakainom din.
Dagdag pa niya na hindi raw iyon ang unang beses na sinaktan siya ng binata. Nangyari na daw ang pananakit ilang buwan na ang nakalipas at sinabi pa raw ni Elmo na hindi niya matandaan ang kaniyang ginawa. Pinatawad naman daw siya ni Janella at sinabing huwag na itong uulitin.
Humihingi si Janella Salvador ng tulong sa isang psychiatrist
Dahil sa nangyari, nagsimulang pumunta sa psychiatrist si Janella upang humingi ng tulong. Aniya, si Elmo din daw ay humihingi ng professional help sa isang psychiatrist at umaasa siya na matutulungan ang problema ng binata.
Sabi ni Janella na gusto lamang daw niyang malaman ng mga tao ang katotohanan, at ayaw niyang sinisiraan ang kaniyang ina. Wala daw siyang intensyon na siraan si Elmo, at gusto lang niyang mag-focus sa kaniyang sarili.
Dagdag pa ni Janella, “For two years, I focused on Elmo and myself. This time, I am giving more attention to myself. He hurt me and I cannot, can never tolerate that.”
Ano ang dapat gawin kapag sinaktan ka ng iyong asawa?
Normal lang sa mga mag-asawa ang makipag-away o makipagtalo sa isa’t-isa. Ngunit kahit kailan, hindi dapat ito umabot sa pisikalan.
Hindi tama na saktan ng isang babae ang kaniyang asawa, at lalong lalo nang hindi tamang saktan ng isang lalake ang kaniyang asawa. Ito ay tinatawag na domestic violence, at wala itong mabuting naidudulot sa mga mag-asawa.
Ngunit madalas, hindi agad nakakapagsalita ang mga babaeng sinasaktan ng kanilang asawa. Dala na rin ito siguro ng takot, pagkahiya, at pagkaawa sa sarili, at pag-aalala sa mga anak.
Kung ikaw ay biktima ng domestic abuse, huwag mag-atubiling humingi ng tulong at tumawag sa hotline ng NBI Violence Against Women and Children Desk (Tel. No.: 523-8231 to 38 / 525-6028).
Kung ikaw ay natatakot, puwede ka ring humingi ng tulong sa isang mapagkakatiwalaang kamag-anak, o kaibigan.
Kapag ikaw naman ay nakakita ng ebidensya ng domestic abuse tulad ng mga di maipaliwanag na pasa, pagkabalisa ng biktima, pagiging takot sa asawa, at biglang inilalayo ang usapan pagdating sa pananakit ng kaniyang asawa, huwag magdalawang isip na tumulong.
Minsan ang kinakailangan lang ng mga biktima ay ang suporta at kasiguraduhan na sila at ang kanilang mga anak ay magiging ligtas. Puwede ka ring tumawag sa NBI hotline kung sa tingin mo ay may kakilala kang biktima ng domestic abuse.
Tandaan, lahat ng bagay ay nadadaan sa mabuting usapan. Huwag hayaang uminit ang ulo at umabot sa pananakit ang mga pagtatalo.
Basahin: You could be a victim of financial abuse in marriage without even knowing it