Ibinahagi ni John Arcilla kung gaano niya kamahal ang kaniyang parents at siblings sa interview ni Ogie Diaz sa aktor. Nabanggit din ni John Arcilla sa nasabing interview ang kagustuhang magkaroon ng sarili niyang family.
Mababasa sa artikulong ito:
- John Arcilla nais magkaroon ng sariling family: Kayang-kaya pa!
- Labis ang dalamhati sa pagkamatay ng bunsong kapatid
John Arcilla nais magkaroon ng sariling family: Kayang-kaya pa!
Nakapanayam ni Ogie Diaz sa kaniyang YouTube channel ang award-winning actor na si John Arcilla. Sa naganap na interview ay ikinuwento nito ang mga natanggap na pagbabanta mula sa netizens na na-carried away sa pagganap niya sa karakter na si Hipolito. Kontrabida ito sa teleseryeng Ang Probinsyano.
Noong una raw ay aminado ang aktor na nate-tense siya sa mga death threat na natatanggap dahil hindi niya alam kung paano sagutin ang mga ito. Hindi niya rin daw malaman kung nagbibiro lang ba ang mga tao at nagalingan lang talaga sa pag-arte niya sa role. Kalaunan ay blino-block na lang daw niya ang mga nagpapadalad ng di magandang mensahe.
Naitanong din sa interview kung may plano ba si John Arcilla na magkaroon ng sariling family. 56 years old na si John Arcilla at ngayo’y wala pang wife at kids.
Sagot ni John Arcilla, “Oo naman. Tsaka kayang-kaya pa naman.”
Pangarap din naman daw ni John Arcilla na magkaroon ng sariling family kaya lang daw, dahil sa dami ng responsibilidad ay parang natatakot na siya.
“Tsaka sa age bracket ko no. Parang nagdadalawang isip na rin ako. Although, gusto ko pa rin. Walang problema. Hindi naman ako baog eh.”
Naikwento rin ni John Arcilla na noon ay muntik na siyang magkaroon ng sariling family. Nagkaroon daw siya ng dalawang seryosong relasyon na parehong muntik humantong sa pagbuo ng family. Pero aniya, hindi ito natuloy dahil may mga desisyon na hindi niya kayang kontrolin.
“Siguro may ibang plano sa akin ang Diyos,” saad ng aktor.
Labis ang dalamhati sa pagkamatay ng bunsong kapatid
Lumuluhang ibinahagi ni John Arcilla kung gaano siya nagdalamhati sa pagkamatay ng siblings at tatay niya.
Una raw ay pumanaw ang ama nang dahil na rin sa katandaan. Sinundan ito ng kuya niya na mayroong sakit na diabetes na pinalala umano ng COVID-19.
“’Yon yung kuya ko na wala akong naging negative na karanasan sa lahat. Kumbaga sobrang mahal na mahal ko. Lahat naman ng kapatid ko mahal na mahal ko,” aniya.
Pero ang labis umano na nagpaluha sa kaniya ay ang pagkasawi ng bunso niyang kapatid dahil sa COVID-19 pandemic.
Nasa Ilocos daw siya nang panahon na iyon. At nakukumusta lamang ang kapatid at mga anak nito sa pamamagitan ng pagtawag sa telepono.
Bago raw nasawi ang bunsong kapatid ni John Arcilla ay tumawag pa ito sa kaniya para sabihing pinagaling na ito ng pag-ibig. Magdamag daw nitong niyakap ang mga anak na positibo rin sa virus. Pagkatapos ay ipinabatid kay John Arcilla na mahal na mahal siya nito.
“Siguro para sa akin, isa ‘yon sa mga pinakamasarap na naramdaman ko. Kasi after niya sabihin sa akin ‘yon kinaumagahan tumawag sa akin ang anak niya,” nalulungkot na saad ng aktor.
Nang tumawag daw ang pamangkin ay agad siyang nagbigay ng instructions sa mga ito kung ano ang dapat gawin. Dinig na dinig sa kabilang linya ang komosyon na nagaganap at damang-dama niya raw ang labis na emosyon.
Pagbaba niya raw ng telepono ay napahawak na lang siya sa hamba ng pinto dahil hindi niya alam ang gagawin.
“Bunso ‘yon e. Alam ko sa bunso, ako mauuna.”
Lumuluhang saad ni John Arcilla.
Masayahin at life of the party pa man din daw ang kaniyang bunsong kapatid.
Ipinahayag din ni John Arcilla sa nasabing interview ang labis na pagmamahal sa kaniyang family.
“Naranasan kong umiyak. Nakita ko sa pamilya ko ‘yong mga bagay na masasakit. At nakita ko rin ‘yon sa pamilya ko ‘yong mga bagay na masasaya,” pahayag ng aktor
Aniya, hindi sila perpektong pamilya. Hindi man umano humantong sa pagkakaroon ng broken family ay totoong marami rin silang sakit na ininda bilang pamilya. Kagaya umano ng ibang pamilya may mga away at iba pang bagay na pinagmumulan sakit.
“Pero within that family sobra kaming magmahalan pero sobra din ‘yong masasakit na nararanasan,” aniya.
Bago matapos ang panayam ay nag-iwan din ng mensahe si John Arcilla sa mga aspiring artist. Ipinaalala nito na ang mga artista ay dapat na catalyst ng pagbabago. Malinaw din daw dapat sa mga artista na mayroon silang mahalagang gampanin sa bayan at sa mundo.
“Kasi ang reyalidad sa mundo may mga masasakit na kasaysayan. So, dapat akapin natin ‘yon na hindi lang tayo laging masaya. Gusto rin natin maka-touch ng human lives. Gusto rin natin makapag-liberate ng mind ng tao,” saad ni John Arcilla.