Handa ka na ba, Mommy? Narito na ang sagot sa inyong katanungan na kailan pwede makipagtalik pagkatapos manganak.
Naging mahirap o madali man ang iyong pagbubuntis at panganganak, bilang nanay, masasabi mong napagtagumpayan mo na ito. Ang tanong, handa ka na bang sumubok ulit?
Kailan ba tuluyang nakaka-recover ang katawan ng isang babae matapos manganak? Kailan uli siya pwedeng makipagtalik ulit?
Tinanong namin si Dr. Maureen Laranang, isang OB-Gynecologist mula sa Makati Medical Center para sa tanong ng maraming kababaihan: kailan pwede makipagtalik uli ang isang babae pagkatapos niyang manganak?
Talaan ng Nilalaman
Kailan pwede makipagtalik pagkatapos manganak?
Pagdating sa mag-asawa, isang mahalagang usapin ay ang sex. Bukod sa ginagawa ito para bumuo ng pamilya, para sa mga mag-asawa, ito rin ay isang paraan para maging malapit sa isa’t isa.
Bagama’t ang mga unang linggo o buwan matapos manganak ng isang babae ay nakasentro sa pagpapagaling at pag-aalaga sa kanilang sanggol. Kailangan ding pag-usapan ng mag-asawa kung kailan sila magtatalik ulit.
Ayon kay Dr. Laranang, wala namang eksaktong panahon o oras para masabing handa na ang isang babae na makipagtalik uli. Nakadepende ito sa kaniyang kagustuhan at kung sa palagay niya ay kumportable na siyang makipagtalik uli sa kaniyang partner.
“Walang specified time talaga kung kailan kayo pwedeng mag-contact kasi it is based on the desire and comfort ni Mommy,
Kailangan talaga very comfortable na si Mommy, wala nang pain, wala nang dugo, at naghilom na rin ‘yong sugat.”
Kailan ba kadalasang nakaka-recover at naghihilom ang sugat ng isang babaeng kapapanganak lang?
Ayon sa doktora, sa mga babaeng nanganak sa pamamagitan ng normal delivery, kadalasan ay isang linggo ang kaniyang recovery period para maghilom ang kaniyang sugat.
“Also in this period kailangan talaga na magkaroon ng sapat na pahinga si Mommy,” paalala ni Dr. Laranang.
Mas matagal naman ang recovery period ng mga inang sumailalim sa cesarean delivery o CS.
“Kapag cesarean delivery kasi, since this is a major operation, mas matagal iyong recovery niya compare mo with normal.
Iyong mga patients namin na naadmit is usually admitted within 48-72 hours for observation tapos kung wala namang complication, dinidischarge na namin sila. Within one week naghihilom na rin ang sugat nila, actually maganda na iyong paghilom.”
Mapa-normal man o CS, ang karaniwang recovery period para masabing ayos na uli ang katawan ng isang babae at naghilom na ang kaniyang mga sugat ay 6 na linggo.
Epekto ng pagpapadede sa ovulation ng isang ina
Pero bukod sa paghilom ng sugat at pag-recover ng katawan ni Mommy, marami pang bagay ang dapat isaalang-alang bago makipagtalik uli ang isang ina.
Handa na ba kayo kung sakaling mabuntis ka ulit? At kung sakaling ayaw niyo pang sundan si baby, ano ang dapat niyong gawin para maiwasan ang pagbubuntis?
Isa sa mga bagay na nakakalito sa mga nanay ay ang sinasabing hindi sila mabubuntis kapag pinapadede nila ang kanilang sanggol. Mayroon bang katotohanan ito?
Para lubusang maintindihan ito, dapat muna nating malaman kung kailan bumabalik ang period ng isang babae. Ganoon din kung kailan siya nagsisimulang mag-ovulate ulit.
Lactation amenorrhea
Ayon kay Dr. Laranang, ang bilis ng pagbalik ng ating period ay nakadepende kung ang ina ay nagpapadede o hindi. Kapag ang nanay ay hindi nagpapadede o kaya naman nagmi-mix feed o magkahalong breastfeeding at formula ang ibinibigay sa kaniyang sanggol, maari nang bumalik ang kaniyang regla 8 linggo matapos niyang manganak.
Pero kung tuluy-tuloy naman ang kaniyang pagpapadede o exclusively breastfeeding siya sa kaniyang sanggol. Pagkatapos ng 6 na buwan pa siya magsisimulang mag-ovulate at datnan uli. Ito ang tinatawag na lactation amenorrhea.
Paliwanag ni Dr. Laranang,
“Ang mechanism nito, kaya hindi tayo nagreregla agad ay dahil sinusupress niya yung hormones na nagrerelease for ovulation. Ito ay isang form ng natural contraception.”
Bagamat kinumpirma ng doktora na epektibo ang lactation amenorrhea para hindi mabuntis ang isang babae, mayroon pa ring mga bagay na maaaring makaapekto sa bisa nito.
Ayon sa Healthline, mas epektibo ang ganitong paraan kung:
- ang iyong baby ay 6 na buwan pababa
- ikaw ang exclusively breastfeeding; direkta sa ‘yong dumedede si baby at hindi gumagamit ng feeding bottles, pacifier at iba pang pagkain
- nursing on-demand, o kahit anong oras ay pwede magdede si baby
- nagpapadede pa sa gabi
- kapag nagpapadede ng higit sa 6 na beses sa isang araw
- nagpapadede ng higit sa 60 minuto sa loob ng isang araw
Tandaan na maaari itong magbago, lalo na kapag ang iyong anak ay natutulog na ng diretso sa gabi at nagsimulang kumain ng solids.
Hindi pa handang mabuntis ulit?
Kaya naman kung ayaw niyo pang masundan si baby, mas makakabuti kung gumamit ng ibang paraan ng contraception. Maliban sa pagpapadede sa iyong sanggol.
Ayon kay Dr. Laranang, gaya ng ovulation at pagdating ng iyong period, ang paggamit ng oral contraceptives o pills ay depende rin sa iyong gagamiting klase ng pills at kung ikaw ay nagpapadede o hindi.
Kung nagpapadede at gagamit ng progestin-only pills, maaari mo na itong simulang gamitin agad pagkatapos mong manganak. Subalit kung ikaw naman ay nagpapadede at gagamit ng combined oral contraceptives (na mas popular dito sa atin), maaari mo itong simulan pagkatapos ng anim na buwan.
Sa mga nanay na hindi nagpapadede, pwede nang simulan ang combination pills 3 hanggang 4 na linggo matapos manganak. Para naman sa mga nagmi-mixfeed, pwede kang magsimula ng iyong oral contraception 6 na linggo matapos manganak.
Para makasiguro, tanungin ang iyong OB-gynecologist kung anong contraceptive method ang dapat mong subukan at kung kailan mo ito pwedeng simulan.
Paalala ni Dr. Laranang,
“On the 6th week ng panganganak nila ay kailangan naman nilang bumalik para pagusapan naman iyong family planning method na kailangan nila.”
Pagitan ng sunod na pagbubuntis
“Sundan na ‘yan!” Madalas na biro sa mga bagong panganak o sa mga mag-asawang may bagong baby. Pero alam ng lahat ng babaeng nabuntis at nanganak na hindi ito ganoon kadali.
Dahil sa bukod sa kailangan mo munang alagaan nang mabuti ang iyong sanggol. Kailangan din ng iyong katawan na maging handa ulit sa pagbubuntis.
Gayundin, ayon sa mga pag-aaral, mas malaki ang posibilidad na magkaroon ng premature birth at mga komplikasyon sa iyong pagbubuntis at panganganak kung masyadong maiksi ang pagitan ng iyong pagdadalang-tao.
Ano nga ba ang pinakamainam na pagitan ng pagbubuntis?
“Generally, ang birth spacing ay dapat at least 2 years. Ito rin iyong spacing na kung saan kailangan mong ibuhos sa baby mo sa pagpapalaki, sa pag-aalaga.
And also para sa mga health complications nga tulad ng may diabetes, highblood. Ito rin iyong time for healing para ma-treat ka and also ma-prepare ka rin for next childbirth,” paliwanag ng doktora.
Dagdag pa niya, para sa mga nanay na sumailalim sa CS, makakabuting magkaroon ng pagitan ng 18 buwan para masigurong naghilom na talaga ang sugat na natamo sa operasyon.
Talagang napakaimportante ng pagtatalik para sa mag-asawa, kaya naman mahalagang pag-usapan ito pagkatapos manganak ng babae.
“Inaadvise rin namin sa kanila na dapat maintindihan rin ng husband nila ang kalagayan ni mommy. So importante dito iyong communication ng husband and the wife,” ani Dr. Laranang.
Kapag naghilom na ang sugat ng panganganak at handa na si Mommy. Hindi lang pisikal kundi pati emosyonal, walang dahilan para hindi siya makipagtalik ulit.
Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.