Madalas na sinasabi na ang kalinisan sa katawan ay ang unang hakbang para sa magandang kalusugan. Napaka-importante ng personal hygiene mas lalo na sa kababaihan dahil nagkakaroon ang mga ito ng discharge at regla. Kaya naman dapat gumamit at magpalit ng malinis na underwear araw-araw.
Kung hindi pahalagahan ang kalinisan sa katawan, maraming sakit ang puwedeng makuha. Ito ang masaklap na leksyon na natutunan ng isang dalaga sa China nang hindi siya magpalit ng panty nang mahigit sa isang buwan.
Sintomas ng sakit
Ilang buwan nang hindi maganda ang pakiramdam ni Fang Fang, isang 23-taong gulang na babae galing sa Wuhan, Hubei sa China. Hindi nito mawari kung bakit siya nagiging masakitin. Noong una kaya pa niyang indahin ang sakit, ngunit matapos ang ilang araw, hindi na niya nakayanan ang pananakit ng tiyan. Pinayuhan na siya ng kaibigan na pumunta ng ospital para magpatingin.
Nang i-check-up, nagulat ang mga duktor dahil may mga sugat si Fang sa kaniyang ari na nasa pre-cancerous stage na. Kinailangan niyang sumailalim sa operasyon para magamot ang mga malala niyang mga sugat.
Naguguluhan ang mga duktor kung paano siya nagkaroon si Fang ng ganitong mga sugat sa kaniyang ari dahil hindi ito madalas na nakikita sa mga batang babae. Kung mayroon mang mga ganito, karaniwan sa mga matatanda na menopause na.
Masusing tinanong ng mga manggagamot si Fang sa mga puwedeng dahilan kung bakit siya nagkagano’n. Dito nila nalaman na hindi maalaga ang pasyente sa kalinisan sa katawan.
Panty na paulit-ulit
Umamin si Fang na hindi siya madalas magpalit ng underwear. Kadalasan inaabot ng mahigit isang buwan bago siya magpalit ng panty. Dagdag pa niya na dalawang linggo bago naman siya magpalit ng bra.
Sa ulat ng AM370, inamin din niya na kinakatamaran daw kasi niyang maglaba ng underwear.
“Medyo tamad akong maglaba. Bihira lang akong naglalaba ng damit. Kapag nagkakaroon ako ng regla, inuulit ko pa rin suotin ang panty ko nang isang buwan. Nililinisan ko lang ito ng tissue,” pahayag ni Fang.
Napag-alaman din ng mga duktor na hindi rin healthy ang lifestyle ni Fang. Madalas siyang nagpupuyat, naninigarilyo, at umiinom ng alkohol, kaya nakadagdag din ito sa kaniyang malubhang karamdaman.
Dahil sa extreme na kaso na ito, ipinapaalala ang kahalagahan ng kalinisan sa katawan.
Gaano kadalas kailangan labahan ang underwear?
Ang bra ay kailangan palitan at labahan matapos ang maximum na tatlong gamit (kung hindi man mas madalas). Ang panty naman ay kailangang palitan at labahan matapos gamitin. Mas madalas nilalabahan ang panty dahil mas maraming mikrobyo na napupunta rito na maaaring magdulot ng sakit katulad ng urinary tract infection (UTI), pneumonia, impeksyon sa dugo, pati na rin thrush.
Ayon sa mga mananaliksik, may natitirang 1/10 ng isang gramo na poop sa underwear matapos tumae.
Sa pag-aaral naman ni Dr. Charles Gerba, isang professor of microbiology sa University of Arizona, kapag naglalaba ng underwear sa washing machine, nagpapakalat ito ng 100 million E. coli (mikrobyo na nakukuha sa poop) sa tubig na pinaglabahan—na puwedeng manatili hanggang sa susunod na labahin.
Ang tamang paglalaba ng underwear
- Ang pinaka-safe na paraan ay laba sa kamay.
- Kung walang panahon na labahan ito ng de kamay, puwedeng gumamit ng washing machine. Siguraduhin lang na ihiwalay ang mga underwear sa mga damit.
- Parating patuyuin sa araw ang mga underwear para mapatay lalo ang mga bacteria.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!