Alam niyo bang ang napakamahal na mga konsultasyon at bakuna sa pribadong klinika at ospital ay libre lang sa Barangay Health Center ninyo?
Hindi ko naisip alamin noon kung nasan man lamang ang Barangay Health Center namin. Nang ipinanganak ko ang panganay ko, nakita ko kung gaano kamahal ang pagpapabakuna, lalo na sa unang taon kaya’t kinailangan kong maghanap ng ibang alternatibo sa pribadong doktor namin. Noon ko nakausap ang isang kaibigan ng ate ko na nagkataong kapitbahay namin. Siya ang nagturo sa akin na pumunta sa Barangay Health Center kung kailangan ko ng libreng bakuna para sa anak kong sanggol pa lang. Libre daw—pero ang tanong ko, ligtas ba? Kapagka libre kasi, baka may kapalit, baka hindi maayos. Negosyante at hindi naman hirap sa buhay ang kaibigan ng ate ko, pero sabi niya, doon na niya talaga dinadala ang mga anak niya dahil nga sa hirap ng buhay, kailangang maghanap ng iba’t ibang paraan para makatipid, dahil may mga bagay pang pagkakagastusan mo para sa mga bata at hindi mo makukuha ng libre.
Sa paglipas ng panahon, mas lalong nagiging maigting ang paghikayat ng Department of Health sa mga kababayan na bisitahin ang mga pasilidad sa kanilang mga barangay, dahil maraming mga serbisyong mapapakinabangan ng kanilang pamilya. Hindi kasi alam ng maraming pamilya na may mga libreng serbisyo ang naghihintay sa Barangay Hall lang. Sa Oriental Mindoro, halimbawa, pinangunahan ni DOH – Mimaropa Regional Director Eduardo C. Janairo ang paglulunsan ng High Impact Five Health Caravan na binansagang “Kalusugang Tuloy-Tuloy Para sa Pamilyang Pinoy (KTP3)”, para malaman ng publiko kung anong-ano at saan-saan makukuha ang mga serbisyong pangkalusugan.
Libre ang Serbisyong Medikal
Ang pangunahing serbisyo ng mga Health Centers sa ating barangay ay nakatuon sa maternal care, infant care, at kalusugan ng mga batang 5 taong gulang pababa, ayon kay Kagawad Arthur Bolaño, Jr. ng Sampaloc, Manila. Mayrong 896 barangays sa kalakhang Maynila pa lamang, na may highly-trained doctors at medical staff para maghatid ng serbisyo sa mga residente, lalo na sa mahihirap na barangay. Hinihikayat ng Local Governments na magpunta sa mga Barangay Health Centers sa halip na sa mga pampublikong ospital para sa mga minor injuries at iba pang basic medical needs, para mabawasan ang pagdagsa ng pasyente sa mga pampublikong ospital.
Narito ang ilang serbisyong ibinibigay sa BHC:
Para sa mga bata:
- Bakuna para sa mga batang 0 hanggang 12 buwang gulang. Mayrong Integrated Vaccination (bakuna) Program: pneumoccoal at flu, pang-measles, mumps, rubella , OPV, hepatitis B, at chicken pox.
- Mayron din measles-rubella immunization para sa mga batang lagpas 1 taon.
- Regular na check-up at bitamina para sa mga batang hanggang 5 taong gulang.
Para sa mga kababaihan:
- Maternal Care, tulad ng pre-natal at post-natal check-up para sa mga buntis at bagong panganak. May pregnant health at nutrition education din. Libre din ang mga bitamina ng buntis tulad ng Folic Acid, Calcium at Ferrous sulfate.
- Bakuna para sa cervical cancer para sa mga kababaihan.
- Libre ang PT o pregnancy tests, birth control pills o tablets at injectable birth control.
- Sa Lungsod ng Makati, may libreng Ultrasonography para sa mga buntis sa ika-5 at ika-9 na buwan ng pagbubuntis.
- Libreng panganganak sa mga Lying-in Clinics (para sa Normal Deliveries). Ang newborn screening ng bagong panganak na sanggol ay may minimal na bayad, kung hindi miyembro ng PhilHealth.
- Libreng mga bitamina para sa mga ina pagkapanganak.
Para sa buong pamilya:
- Medical check-up para sa lahat ng miyembro ng pamilya, kahit anong edad. Libre din ang mga gamot sa lahat ng sakit.
- Impormasyon, edukasyon at mga gamot para sa Family Planning: may libreng bilateral tubal ligation (BTL), intrauterine contraceptive device (IUD) insertion at vasectomy.
- Preventive dentistry para sa lahat ng miyembro ng pamilya. Maaaring magpatingin sa dentista, at libreng bunot kapag, lalo na kapag may mga Medical Mission o programang pang barangay.
- May mga panahon na inilalalan para sa mga espesyal na programa tulad ng pagtuturo ng adolescent reproductive health, blood testing (glucose, uric acid (UA), cholesterol), nutritional at physical activity counselling, bloodletting/typing, HIV testing at Operation “Tuli.”
- Serbisyong medikal para sa mga Senior Citizens, tulad ng check-up at mga gamot, kasama ang blood chemistry o tests para sa dugo, para malaman kung mayron pang mga sakit na hindi nalalaman ng mga matatanda.
- Handa rin ang mga Health Centers sa pagtuturo at serbisyong pangkalusugan para sa pagkontrol ng pagkalat ng HIV (Human Immune Virus) at ng AIDS (Acquired Immunodeficiency Syndrome). Libre din ang HIV Testing sa mga provincial hospitals at social hygiene clinic. Kapag may mga okasyonal na programa, namimigay din ng mga pregnancy kits at teen kits para sa pagtuturo ng health education sa mga kabataan.
Kailangan lang magparehistro ang pamilya sa Barangay Health Center, dala ang mga ID at Residence Certificate. Kailangang maipakita ang patunay na nakatira ka sa Barangay na iyon.
Sources:
https://www.makati.gov.ph/portal/uploads/staticmenu/docs/health_services_and_programs.pdf
www.manila.gov.ph
Department of Health www.doh.gov.ph
Photos from: wikimedia commons
READ: Mga benepisyo pagkapanganak mula sa SSS at Philhealth