Sa unang tingin, mukhang normal na 14-year old na estudyante si Veronica. Ngunit napag-alaman ng Kapuso Mo, Jessica Soho na mayroong pa lang mabigat na dinadala ang dalaga—ang kaniyang kambal na hindi nabuo.
Ayon sa nanay ni Veronica na si Nanay Flora, noong buntis siya, kutob na niya na kambal ang pinagbubuntis niya. Pinangalanan na nga niya ang dalawa. Ngunit sa kasamaang palad, si Veronica lamang ang nabuhay.
Hindi kasi nabuo ng maayos ang kakambal ni Veronica sa sinapupunan ni Nanay Flora. Dumikit ito sa kaniyang katawan. Makikita sa kaniyang dibdib ang bahagi ng dalawang kamay na mayroong tig-dalawang daliri na mayroong ding mga kuko. Mayroon ding mukhang hita na nakadikit malapit sa kaniyang tiyan na tila mayroong buntot. Ang nakapagtataka pa ay tila mayroong muscles ang bahagi na ito. Madalas daw na may lumalabas na fluid sa pusod ni Veronica, minsan may kasama itong dugo.
Nang ipanganak si Veronica, pinagpayuhan na raw sila na ipatanggal ang kambal na hindi nabuo. Ngunit dahil sa kakulangan ng pera, hindi ito nagawa.
Ang kundisyon ng pagdidikit ng kambal na hindi nabuo sa buhay na kambal ay tinatawag na “parasitic twin.” Ayon sa BabyMed, nangyayari ito kapag dumidikit depektibong kambal (parasite) sa kaniyang kambal para “mabuhay” o mag-survive. Nangyayari ang kundisyon na ito sa isa sa bawat 1 million na pinapanganak. Sa kaso ni Veronica, tanging mga kamay at hindi makilalang parte lamang ng kaniyang kambal ang dumikit sa kaniya.
Ayon sa Kapuso Mo, Jessica Soho, pinayuhan ulit si Veronica ng mga duktor na magpatingin at tanggalin ang mga limbs sa kaniyang dibdib. Ngunit kailangan niya ng malaking halaga upang magpasuri at magpa-opera. Hiling ng dalaga na matulungan siya sa kaniyang pagpapagamot.
Sa isang post, nilagay ng Kapuso Mo, Jessica Soho ang mga detalye kung paano matutulungan si Veronica na kasalukuyang naninirahan sa bayan nila sa Iligan.
Kambal ba ang ipinagbubuntis mo? Sabi ng mga eksperto, mas safe daw ipanganak ang kambal ng 37 weeks. Basahin dito.