Kaso ng karahasan sa tahanan o domestic violence, mas dumami habang naka-community quarantine ang ilang bahagi ng bansa. Isa sa mga kaso nito ang nangyari sa call center agent na si May Ann Bautista Meregillano. Si May binuhusan ng mainit na tubig ng kaniyang kinasama. Pinaghihiwa rin ang kaniyang ulo at iba pang bahagi ng kaniyang katawan.
Babaeng biktima ng pang-aabuso
Sa pinaka-latest na episode ng Kapuso Mo Jessica Soho nitong Linggo sa GMA ay itinampok ang kuwento ni May. Ang dating maganda at may makinis na kutis na si May puno ng paso ang ulo at katawan. Maiksi na rin ang dati niyang mahabang buhok. May mga sugat ang kaniyang ulo at iba pang bahagi ng katawan. Ang may gawa nito kay May, ang lalaki na kaniyang kinakasama na ama rin ng kaniyang anak.
Kuwento ni May, nangyari ang karahasan sa tahanan nila na ito nito lamang Setyembre 7 na kung saan umuwi ng lasing ang kinakasama niya noong si Sandy. Natutulog umano siya noon subalit nagising siya sa tunog ng electric kettle na pinagpapakuluan ng tubig ni Sandy. Tinanong ni May kung para saan ito, ang sagot ni Sandy ay para sa mga daga sa kanilang bahay. Kinabahan na raw noon si May lalo pa’t tumatawa umano si Sandy na animo’y demonyo. Ilang sandali ang masamang pakiramdam ni May ay nagkatotoo. Si May at kaniyang mga anak ay tinutukan ni Sandy ng kutsilyo at pinagtangkaang sila’y papatayin.
Binuhusan ng mainit na tubig at pinaghihiwa ang ulo
“Tinutukan niya kami ng kutsilyo, ako tsaka iyong panganay kong anak. Gigil na gigil siya. Kagat-kagat niya pa iyong labi. ‘Huwag kayong sisigaw kung hindi papatayin ko kayo!”
Ito ang pagkukuwento ni May. Maya-maya ay kinuha umano ni Sandy ang takureng may mainit na tubig at ibinuhos ito kay May.
“Ang ginawa ko, tumalikod ako. ‘Yung kamay ko pinangsalo ko sa ulo ko. Iyon iyong nabuhusan ng kumukulong tubig. Inubos niya lahat. Sobrang nanghina ako doon sa hapdi.”
Hindi pa nakontento dito si Sandy at inatake pa rin si May.
“Hindi ako makasigaw hanggang sa hinihiga niya ako. Pinuputol niya iyong buhok ko. Sabi niya, ‘maganda ka, ’di ba? Maganda ka?’ Tas hinihiwa-hiwa niya iyong ulo ko.”
Dahil sa nangyari, si May ay nagtamo ng second degree burns. Ngunit, si Sandy ay nakatakas noong gabing nangyari ang insidente at hindi pa napapanagutanan ang kaniyang ginawa.
Paulit-ulit na pananakit
Ayon kay May, hindi ito ang unang pagkakataon na nasaktan siya ni Sandy. Minsan na rin umano siyang sinampal nito na sa sobrang lakas ay dumugo ang kaniyang labi. Ang isyung ipinupukol at ikinagagalit umano ng kinakasama sa kaniya ay ang hinala nito na siya umano ay may ibang lalake.
“Sobrang sakal ko na. Lagi niya ko tinatadtad ng text. Bigla niyang sisilipin kung sino man iyong ka-chat. Parang may tendency itong tao na ito na manakit kasi sobrang seloso niya.”
Gustuhin man ni May na hiwalayan si Sandy, sila ay may anak. Ngunit pati umano ang anak nila ay minsan ding pinaghinalaan ni Sandy na hindi sa kaniya.
“Inutusan niya iyong nanay niya na ipa-DNA test iyong bata kasi hindi niya daw anak iyon. Sabi niya pokpok daw ako.”
Ang ugaling ito ni Sandy, ayon kay May ay malayong-malayo sa ipinakita nito sa kaniya noong bago pa sila. Ngunit ngayon ay natuto na siya at mayroon siyang mensahe sa iba pang babae na nakakaranas ng karahasan sa tahanan na tulad niya.
“Para sa mga babaeng katulad ko o dinanas din iyong pagmamalupit ng mga kinakasama nila, huwag po kayong mahiyang magsalita at humingi ng tulong kasi maraming taong tutulong sa inyo. Krimen ito. Huwag kayong matakot kasi nandiyan ang batas, nandiyan ang Diyos. Tutulungan nila tayo.”
Ito ang mensahe ni May na sa ngayon ay patuloy na nagpapagaling para maitaguyod ang kaniyang mga anak. Habang si Sandy ay pinaghahanap ng batas dahil sa paglabag niya sa RA 9262 o Anti-Violence Against Women and Their Children Act. Siya rin ay nahaharap sa kasong frustrated murder.
Kanino puwedeng humingi ng tulong ang mga biktima ng karahasan sa tahanan
Ang karahasan sa tahanan o domestic violence sa mga bata at kababaihan ay paglabag sa Republic Act 9262 o ang Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004. Ito ang batas na pumuprotekta sa karapatan ng mga bata pati na mga kababaihan mula sa iba’t ibang klase ng pang-aabuso o karahasan. Tulad ng pisikal na karahasan, sekswal na karahasan, sikolohikal na karahasan gaya ng pananakot pati na ang pinansyal na karahasan o hindi pagsusustento. Ang sinumang lumabag sa batas na ito ay maaaring makulong at magmulta ng hanggang sa P300,000.00.
Para agad na matugunan ng batas na ito ang isang biktima ng pang-aabuso ay kailangan niya lang magpunta sa kanilang barangay. Dahil dito ay maaari siyang mabigyan ng barangay protection order o BPO.
Ano ang Barangay protection order?
Ayon sa R.A. No. 9262, ang BPO ay iniisyu upang maproteksyonan ang isang babae at batang biktima mula sa isang mapang-abusong tao. Sa ilalim ng utos na ito ay maaaring bigyang proteksyon ang biktima mula sa pananakot at pananakit ng taong akusado. Ito man ay physical, verbal, sexual o economical na uri ng pang-aabuso.
Para makakuha ng BPO ay kailangang magpunta ang aplikante sa barangay na kaniyang kasalukuyang tinitirahan. Maliban sa biktima o nakakaranas ng pang-aabuso ay maaari ring maghain ng BPO ang mga taong malalapit sa kaniya. Tulad ng kaniyang magulang, lola o lolo, pinsan, tiya o tiyo o kaya naman ay isang social worker na may kaalaman tungkol sa kaniyang kaso. Ang kailangan lang ay may hindi bababa sa dalawa na magpapatunay na valid ang reklamo. At dahilan kung bakit hindi ito magagawa ng biktima ng mismong pang-aabuso.
Maaari ring deretsong mag-report ng kaso ng pang-aabuso sa Philippine National Police. Ang kailangan lang ay tumawag sa PNP Women and Children Protection Center 24/7 AVAWCO Office na may numerong (02) 8532-6690.
Source:
BASAHIN:
Barangay Protection Order para sa mga abusadong asawa o karelasyon