May abusadong asawa o karelasyon? Sinasaktan pati ang mga anak? O kaya naman ay may kilalang babae at mga anak nito na nakararanas ng karahasan?
Mababasa sa artikulong ito:
Hindi mo na kailangang magpunta sa korte para humingi ng agarang proteksyon mula sa kaniya. Dahil mayroong Barangay Protection Order o BPO na maaaring mag-protekta sayo.
Ano ang isang protection order?
Ang protection order ay isang utos sa ilalim ng RA 9262 para maprotektahan ang isang babae o ang kaniyang anak laban sa karahasan. Ito ay tinutukoy sa Section 5 ng nasabing batas.
Ang relief na ibinibigay ng protection order ay naglalayong protektahan ang biktima mula sa karagdagang karahasan, o kaguluhan sa kaniyang buhay upang ang biktima ay makapamuhay ng matiwasay at payapa.
Anu-ano ang iba’t ibang klase ng proteksyon order?
- Barangay Protection Order
- Temporary Protection Order
- Permanent Protection Order
Sa article na ito, mas pagtutuunan natin ng pansin ang Barangay Protection Order:
- Ano ang Barangay Protection Order o BPO?
- Paano kumuha nito?
- Ano ang parusa sa paglabag ng isang BPO?
Ano ang Barangay protection order o BPO?
Ayon sa Section 4 ng A.M. No. 04-10-11-S, ang barangay protection order ay tumutukoy sa protection order na iniisyu ng punong barangay o isang barangay kagawad. Ito ay isang kasulatan na nag-uutos sa isang abusadong asawa, karelasyon o kapamilya na tumigil sa paggawa ng kahit anong acts of violence laban sa kaniyang pamilya partikular na sa mga babae at mga bata.
Habang ayon naman sa R.A. No. 9262, o mas kilala sa tawag na “Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004”, ang BPO ay iniisyu upang maproteksyonan ang isang babae at batang biktima mula sa isang mapang-abusong tao. Sa ilalim ng utos na ito ay maaring bigyang proteksyon ang biktima mula sa pananakot at pananakit ng taong akusado. Ito man ay physical, verbal, sexual o economical na uri ng pang-aabuso.
Sino ang pwedeng maghain ng isang protection order?
Maaaring magfile ng protection order ang mga sumusunod:
- Biktima
- Magulang o guardian ng biktima
- Mga ascendants, descendants o collateral relatives sa loob ng ikaapat na antas ng sibil ng consanguinity o affinity
- Opisyal o social worker ng DSWD o mga social worker ng local government units (LGUs)
- Women and children’s desk officials
- Punong Barangay or Barangay Kagawad
- Lawyer, counselor, therapist o healthcare provider of the petitioner
- Hindi bababa sa dalawang (2) concerned responsible citizen ng lungsod o munisipalidad kung saan nangyari ang karahasan laban sa kababaihan at kanilang mga anak; at may personal na kaalaman sa pagkakasalang ginawa
Paano makakakuha ng BPO?
Para makakuha ng BPO ay kailangang magpunta ang aplikante sa barangay na kaniyang kasalukuyang tinitirahan. Dito siya ay sasagot ng isang Barangay Protection Order form.
Sa aplikasyon ay kailangang nakasaad ang address o tirahan ng akusado. Pati na ang petsa at oras ng aplikasyon at ang mga hinihiling na proteksyon. Ito ay kaniyang lalagdaan at susumpang totoo o ipanonotaryo. At saka ito patutunayan at aasikasuhin ng punong barangay na kung saan niya hinain ang aplikasyon.
Sa oras na wala ang punong barangay ay maaring humalili ang kagawad sa pagsasagawa ng aksyon na ito. Ngunit kailangan nakasaad sa mismong order na wala ang punong barangay, kung kaya’t ang kagawad ang nag-isyu nito.
Ang BPO ay kailangang iisyu sa mismong araw ng aplikasyon nito. Kung saan ito ay agad na epektibo at valid ng hanggang 15 araw. Binibigyan nito ng sapat na oras ang biktima upang makapag-isip sa susunod nitong plano patungkol sa kaso.
Ano ang susunod na gagawin pagkatapos magfile ng Barangay Protection Order Form?
Sa puntong ito, tutulungan ng barangay ang biktima sa paghain ng Temporary Protection Order o Permanent Protection Order sa pinakamalapit na korte.
Ang temporary protection order ay isang uri ng protection order na inisyu ng korte sa paghahain ng aplikasyon at pagkatapos ng ex-parte na pagpapasiya ng pangangailangan nito. Maaari rin itong mailabas sa panahon ng pagdinig, motu proprio o sa mosyon.
Samantala, ang permanent protection order ay isang protection order na inilabas ng hukuman pagkatapos ng paunawa at pagdinig.
Kung walang Family Court o Regional Trial Court, ang aplikasyon ay maaaring ihain sa Municipal Trial Court, Municipal Circuit Trial Court o Metropolitan Trial Court.
Maaari naman i-renew ang BPO ng ilan pang beses sa pamamagitan ng pag-ulit ng naunang proseso.
Wala ring dapat bayaran sa pagkuha ng BPO. Maliban nalang sa notaryo na madalas ay ginagawa sa labas ng barangay.
BASAHIN:
Kids’ emotional abuse: The 5 signs you could be missing
Masakit magsalita ang partner? 11 warning signs na maaaring verbal abuse na ito
6 Tips to prevent substance abuse in your family
Paano iseserve sa respondent ang BPO?
Pagkatapos ng ex parte BPO, ang Punong Barangay o Barangay Kagawad ay personal na maghahatid ng kopya nito sa respondent o mag-uutos sa sinumang opisyal ng barangay na isakatuparan ang personal na serbisyo nito.
Ito ay itinuring na “served” kapag natanggap ito ng respondent o ng sinumang nasa hustong gulang na nakatanggap ng BPO sa address ng respondent.
Kung sakaling ang respondent o sinumang nasa hustong gulang sa tirahan ng respondent ay tumangging tumanggap ng BPO, ito ay dapat ding ituring na “served” sa pamamagitan ng pag-iwan ng kopya ng BPO sa nasabing address sa presensya ng hindi bababa sa dalawang (2) saksi.
Ano ang itsura ng isang Barangay Protection Order Form?
Maaaring basahin ang isang primer sa Barangay Protection Order Form dito.
Kailangan pa bang ipatawag ang akusado sa pag-iisyu ng BPO?
Dahil sa ang BPO ay maaaring isagawa ex parte o base lamang sa reklamo ng aplikante ay hindi na kailangan pang ipatawag ang akusado sa pag-iisyu nito. Kaya naman mahalaga na sa aplikasyong ipapasa ay kumpleto ang detalye tungkol sa akusado at reklamo.
Maaari namang humingi ng tulong sa sinuman ang aplikante sa pagsasagawa ng aplikasyon ng BPO. Partikular na sa mga opisyal ng barangay. Bagamat ipinagbabawal na mamagitan sila sa magka-bilang panig tungkol sa isyu at reklamo.
Binibigyang halaga rin ng batas ang aplikasyon para sa BPO. Kaya naman maaring ipagpaliban ang iba pang gawain sa barangay upang maibigay lang ito sa taong nangangailangan nito.
Samantala, maliban sa biktima o nakakaranas ng pang-aabuso ay maaring maghain ng BPO ang mga taong malalapit sa kaniya. Tulad ng kaniyang magulang, lola o lolo, pinsan, tiya o tiyo o kaya naman ay isang social worker na may kaalaman tungkol sa kaniyang kaso. Ang kailangan lang ay may hindi bababa sa dalawa na magpapatunay na valid ang reklamo. At dahilan kung bakit hindi ito magagawa ng biktima ng mismong pang-aabuso.
Parusa sa paglabag ng BPO
Pagkatapos ma-isyu ng BPO ay kailangang mag-secure ng kopya nito ang aplikante. Samantalang, may kopya rin na dapat ibigay sa akusado na ang mga opisyal na ng barangay ang bahalang maghatid.
Kung sakali namang ang akusado ay lumabag sa BPO, ay maaaring mag-file ng reklamo tungkol dito sa punong barangay na nag-isyu ng order.
Bilang parusa ay maaaring makulong ng hanggang 30 araw ang akusado. At maaari ring maiakyat ang BPO sa regional trial court o RTC sa kung saan ito ay magiging isang legal na kaso ng kailangang dinggin.
Sa puntong ito ay maari namang humiling ng TPO o temporary protection order sa husgado ang biktima. O kaya naman ay PPO o permanent protection order sa oras na napatunayang guilty sa akusasyon ang akusado.
Iba pang tungkulin o maaaring maitulong ng barangay sa mga biktima ng karahasan
Samantala, maliban sa pagbibigay ng BPO ay may iba pang maaaring gawin ang mga barangay sa biktima ng karahasan. Ito ay ang mga sumusunod:
- Agarang pagtugon sa hiling na tulong ng mga biktima ng karahasan.
- Pag-kumpiska ng mga deadly weapons na taglay ng akusado.
- Pag-aresto sa hinihinalang nananakit kahit wala pang warrant of arrest. Basta’t nakita niya itong ginagawa o kaya naman ay may personal siyang kaalaman tungkol dito.
- Samahan ang biktima ng pang-aabuso sa pagpunta sa bahay na maaring naroon ang akusado. Kung siya ay may kailangang kuning kagamitan o mahahalagang dokumento.
EMERGENCY/HOTLINE NUMBERS:
Narito ang ilang numerong maaari niyong tawagin upang sumangguni patungkol sa Violence Against Women cases.
POLICE/INVESTIGATION ASSISTANCE
- PNP Hotline: 177
- Aleng Pulis Hotline: 0919 777 7377
- PNP Women and Children Protection Center
- 24/7 AVAWCD Office: (02) 8532-6690
LEGAL ASSISTANCE
- Public Attorney’s Office (PAO)
- Hotline: (02) 8929-9436 local 106, 107, or 159 (local “0” for operator)
- (+62) 9393233665
REFERRAL SERVICES
-
Inter-Agency Council on Violence Against Women and their Children
- Mobile numbers: 09178671907 | 09178748961
-
PNP-Women and Children Protection Center (WCPC)
-
NBI-Violence Against Women and Children Desk (VAWCD)
- (02) 8523-8231 to 38
- (02) 8525-6028
-
Philippine Commission on Women (PCW)
- (02) 8736-5249
- 8736-7712
- 8736-4449
Source:
Batas Natin, PCW, Project Jurisprudence, Academia.edu, Family and Community Healing Center, H.org Legal Resources, Go Supra
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!