Karla Estrada may napakahalagang payo at paalala sa mga anak.
Mababasa sa artikulong ito
- Karla Estrada as a mom to her kids.
- Ang mahalagang payo at paalala ni Karla Estrada sa mga anak niya.
Karla Estrada bilang isang ina
Image from Karla Estrada’s Facebook account
Si Karla Estrada ang pinakabagong personalidad na na-interview ng host na si Toni Gonzaga sa kaniyang programang Toni Talks. Doon ay ibinahagi ng aktres at host ding si Karla Estrada ang karanasan niya bilang isang ina.
Kuwento ni Karla, hindi niya makakalimutan ang tagpo na malaman niyang buntis siya sa panganay na anak na si Daniel Padilla. Ito ay ang anak nila ng aktor ring si Rommel Padilla. Dahil sa irregular ang kaniyang regla ay nalaman niyang buntis siya noong ito ay anim na buwan na.
“Ang saya-saya ko. Mayroon akong pag-aalala pero mas na-imagine ko ‘yong itsura. Ang hirap i-explain ‘yong feeling.”
Ito umano ang pakiramdam niya noong malaman niyang buntis siya kay Daniel. Natuklasan niya ito sa gitna ng papapasikat palang niyang pangalan sa mundo ng showbizness, at habang sinusubok na ang relasyon nila noon ni Rommel na hindi na niya masyadong nakikita.
Pero itinuloy ni Karla ang pagbubuntis. Siya rin ay nagkaroon ng relasyon sa tatlo pang lalaki na kung saan siya rin ay nagkaanak. Si JC ang pangalawa niyang anak ay anak nila ng Pearl of the Orient vocalist na si Naldy Padilla.
Habang si Magui ay anak niya sa politician na si Mike Planas, at si Carmella ay anak niya sa naging non-showbiz boyfriend na ayaw niya ng isapubliko pa.
Kuwento ni Karla, hindi naging madali ang pinagdaanan niya sa pagpapalaki sa apat niyang mga anak. Dahil maliban sa mga naririnig niyang negatibo dahil sa magkakaibang mga ama ng mga ito ay naging mahirap rin talaga ang pamumuhay nila.
“Ginapang talaga. I was really tested. Hindi lang sa panganganak pati ‘yong pangaraw-araw saan ka kukuha.”
Ganito kung paano isalarawan ni Karla Estrada ang pinagdaanan sa pagpapalaki sa apat na anak niyang sina Daniel, JC, Magui at Carmella.
Pero magkaganoon man ang sitwayon nila, sabi ni Karla hindi niya ipinaramdam sa mga anak na kawawa sila. Sa halip ay inilagay niya sa mga isip ng mga ito na matutong maging maparaan at madiskarte sa buhay para hindi umasa.
Payo ni Karla sa mga anak pagdating sa pakikipag-relasyon
Image from Karla Estrada’s Facebook account
Pagdating sa pakikipagrelasyon ay ginamit ding inspirasyon ni Karla ang mga pinagdaanan niya sa pagpapa-alala sa mga anak.
“Hindi naman ako naniniwala na sa paghihiwalay isa lang lagi ‘yong may diperensya. Kaya lang sinabi ko sa mga anak ko na kapag hindi na kayo masaya mag-impake na kayo. Dahil walang saysay ang pag-i-stay.”
Sa payo niyang ito ay natanong siya pabalik ng mga anak, kung bakit niya nakuhang magtiis sa mga tatay nila. Ito ang nasagot ni Karla.
“Hindi masama dahil wala namang one-night stand sa mga ama ninyo. Taon naman ang binilang ng pinagsamahan namin.
Sa mga panahon na iyon nakikipaglaban ako na maging maayos anak. Pero talagang hindi para sa akin iyon and ayoko ng makita ninyo pa.”
Kaya kahit iba-iba man ang naging ama ng mga ito, marami man siyang narinig na negatibo mula sa ibang tao sabi ni Karla ang pagbubuntis at pagpapalaki sa mga anak ang pinaka-tamang bagay na ginawa niya.
“Ang tinuloy ko ang mga anak ko. Sa gitna ng walang kasiguraduhan kung paano sila bubuhayin ay hindi ko sila pina-abort. Because that time I was very young.”
“Dahil alam ko ‘yong core ko na mabuti akong tao at magiging mabuti akong ina. Kahit magtulak ako ng kariton hindi sila magugutom.”
Dagdag pa niya, nagpapasalamat siya sa pagdating ng mga anak dahil ang mga ito ay bunga ng pagmamahalan niya at ng kanilang mga ama.
“Alam kong nagmahal lang ako. Hindi ito parang hindi ko alam kung sino ang ama, hindi ito one-night stand. There was a relationship and there was love at may nabuo dun sa pagmamahalan na ‘yon. So ‘yon lagi ‘yong sinasabi ko sa mga anak ko,” sabi pa ni Karla.
BASAHIN:
Kylie Padilla: “Mahapdi sa aking puso na hindi ko na ‘yon makikita, mai-enjoy na buo kami”
Mensahe at paalala ni Karla sa lahat ng mga anak
Image from Karla Estrada’s Facebook account
Kung mayroon nga umano isang paalala o mensahe si Karla sa lahat ng mga anak ay ito ang masasabi niya.
“Dapat maging bukas tayo, dapat marunong tayong makinig. Dahil hindi tayo laging tama. Kailangan mo pa bang madapa ng paulit-ulit para masabi mong tama pala ‘yong nanay ko.”
“Lahat ng magulang ay hindi ginustong mapariwara ang anak. Kung hindi ka marunong makinig sa magulang mo magkakamali at magkakamali ka.”
Ito ang sabi pa ni Karla Estrada.
Source:
Toni Gonzaga’s YouTube Channel