Kung ikaw ay may nobyo o nobya ngayon at napag-uusapan na ang inyong magiging future, maaaring naitanong niyo na sa inyong mga sarili kung live in muna ba bago ang kasal. Panigurado ay narinig niyo na rin ito sa ilang kamag-anak o malapit na kaibigan. Kasal vs. live in, ano ba ang tamang desisyon?
Mababasa sa artikulong ito:
- Benepisyo ng kasal ayon sa pag-aaral
- Mga pros and cons ng pagsasama bago ikasal
- Opinyon ng mga magulang sa ating TAP community
Sa tradisyunal na pananaw, pagkatapos ng ligawan at pagkakaintindihan ng magkasintahan, nagpapakasal muna bago sila magsama sa iisang bahay.
Ngunit iba na ang panahon ngayon. Para sa modernong kaisipan, walang masama kung magli-live in muna ang babae at lalaki bago sila ikasal para mas makilala nila ang isa’t isa.
Pero ano nga ba talaga ang mas makakabuti sa pagsasama? Alamin natin mula sa pag-aaral at opinyon ng ibang magulang.
Kasal o live in: ayon sa pag-aaral
Ayon sa pag-aaral na pinamagatang, “Is Cohabitation as Good as Marriage for People’s Subjective Well-Being?” mas marami pa ring benepisyo ang pagiging kasal kaysa sa pagsasama lang ng isang magkasintahan.
Sa pamamagitan ng pagsusuri sa dating nakalap ng British Household Panel Survey o BHPS na ginawa noong 1997 hanggang 2009, narito ang ilan sa natuklasang benepisyo ng kasal mula sa pag-aaral na isinagawa ni Morten Blekesaune.
Mas stable ang relasyon ng mga kasal kaysa sa mag-live in lang.
Ayon kay Blekesaune, ang kasal ay may kaakibat na legal at mas malalim na interpersonal commitment, kaya naman nag-iisip muna ng mabuti ang mag-asawa bago magpasyang maghiwalay.
Hindi tulad kung magka-livein lang, wala silang pinanghahawakang papel o walang inaalalang legal implications na maaaring harapin sa oras na sila ay maghiwalay.
Mas masaya ang mga couples na kasal kaysa sa live-in lang.
Isa pang natuklasang benepisyo ng pag-aaral – ang pagiging satisfied ng mga mag-asawa sa lahat ng aspekto ng kanilang pagsasama at relasyon.
Tulad na lamang sa pagiging magulang, paghahati sa mga gawaing bahay, pagtatrabaho, komunikasyon at maging sa kanilang sex life. Ito ay dahil pa rin sa commitment na ibinibigay ng mag-asawa sa kanilang relasyon.
Mas secured at mas may tiwala sa kanilang partner ang magkarelasyon na kasal na.
Mula sa survey na ginawa sa 10,000 Americans ng taong 2002 at 2013 hanggang 2017, ay may malaking diperensya sa ipinapakitang trust level sa kanilang partner ang mga couple na kasal kumpara sa live-in lang.
Mas pinagkakatiwalaan ng isang tao ang kanyang asawa na maging responsable sa paghawak ng pera dahil itinuturing niyang pera nila ito. Gayundin, hindi gagawa ang isa ng bagay na makakasira sa kanilang pagsasama nilang mag-asawa.
Nagbibigay ng mas matatag na pundasyon sa pagpapataguyod ng mga anak ang magkarelasyong naikasal na.
Base pa rin sa pag-aaral, 53% ng mga participants ng survey ang naniniwalang mas makakabuti sa pagpapalaki o pagtataguyod ng mga anak kapag kasal na ang mga magulang dahil mas stable ang environment na mayroon sila at may commitment sa kanilang pagsasama.
Kasal vs live in – ayon sa mga TAP parents
Tinanong rin namin ang opinyon ng ating TAP parents sa theAsianparent Community sa tanong na “Agree ba kayo na mag live-in muna bago ikasal?”
95 katao ang sumagot sa nasabing tanong. Habang 53 sa kanila ang pabor sa konsepto ng live in bago ikasal, ang natitira naman ay hindi sumang-ayon at nanindigan na dapat ikasal muna bago magsama. May mga sumagot rin ng “depende” at hindi alam ang pipiliin.
BASAHIN:
Pakikipagkaibigan sa ex, narito kung bakit hindi ito makakabuti sa isang relasyon
“Agree ba kayo na mag live-in muna bago ikasal?”
Narito ang ilang naging komento na pabor sa live in:
“For me it’s yes, ’cause you can see the real attitude of your partner before you get married.”
“For me, agree ako na mas okay siguro kung magsama muna. Kasi makikilala mo lang ang isang tao kung makakasama mo siya mula pagising sa umaga hanggang pagtulog sa gabi. At kung ‘di man mag-work ang relasyon niyo, madali lang kumalas basta ‘wag lang magkakaroon muna ng anak.”
“Yes. But, for a shorter period of time only because planning of wedding would be easier if both of you discuss it face to face. I stand for my opinion only.” “Nag-live in muna kami ni hubby bago kinasal. I think there’s nothing wrong with that! Mas makikilala mo pati agad ugali ni partner since nasa isang bahay na lang kayo.”“Yes. Para malaman mo muna ‘yung totoong ugali ng partner mo. Mahirap kasi pag kinasal ka tapos doon mo lang malalaman ‘yung ugali niya. Tapos ‘di kayo nagkasundo. Sayang lang ‘yung pinangkasal niyo kung sa hiwalayan din ang bagsak.”
“Yes. Sabi nga nila hindi mo raw totally makikilala ang tao hangga’t ‘di mo nakakasama sa bahay.”“As a woman, I agree to this. Of course depende pa rin ‘yan sa belief ng person pero ‘pag ‘di pala kasi okay ang partner mo mahirap na makaalis ‘pag kasal na.”
Narito naman ang ilang naging komento sa side ng kasal at iba pang aspeto:
“In my opinion, basta they can support and provide for each other and love another, wala nang paki ang iba kung kasal ang couple o hindi.”
“In my opinion, it will depend sa tingin mong worth mo bilang babae, as for me mas magandang itaas ang standard para I know kung sinong lalake na handang lagpasan ang standard ko and that’s the person I deserve. I don’t settle in a relationship na in the end hindi pa sigurado or yung tinatawag na trial and error.”
“Depende sa upbringing ng pamilya ‘yan. There are conservative people and andyan naman ‘yung mga modern. Kung galing sa conservative family ang isang couple, malamang sa malamang, kasal muna dapat, pero kung nahawaan na ng modern mentality ang isang couple, then live in muna.”“NO po. Wala kasing blessing galing kay Lord and sa parents. Ang pag-uugali naman malalaman mo naman at mapapag-aralan ‘yan kapag nasa iisang bubong na kayo, and mas plus points pa kung matagal kayong mag bf/gf kasi lalabas na rin doon ang ugali ng partner mo.”
Sa kabila ng mga pag-aaral at opinyon ng ibang tao, may mga pagsasama pa rin na nagsisimula sa kasal pero nauuwi sa hiwalayan. Mayroon rin namang mga pamilya na hindi kasal ang mga magulang pero masaya at kuntento sila sa piling ng isa’t isa.
Ating tatandaan na sa huli, nasa magkasintahan pa rin ang desisyon ng kanilang pagsasama. Mas alam nila ang magiging takbo ng kanilang relasyon at kung paano ito hahawakan. Respeto, tiwala at pagtanggap ang kailangan ng bawat isa upang maging matagumpay ang pagsasama.
I-download lang ang theAsianparent App upang makasali o malaman ang mga talakayan tungkol sa baby, pamilya, asawa o iba pang usapin sa buhay may-pamilya!
Karagdagang ulat mula kay Irish Mae Manlapaz