Kasal o live in? Hindi pa rin ba alam kung ano sa dalawa ang gusto mo? Sa pagbabasa ng artikulong ito ay baka matulungan kang makapili at makapagdesisyon na.
Mababasa sa artikulong ito:
- Ang mga benepisyo ng kasal.
- Kailan masasabing handa ka ng maikasal.
Kasal o live in?
Isa ito sa madalas na itinatanong ng mga mag-partner sa modernong mundo na mayroon na tayo ngayon. Lalo pa’t kaliwa’t kanan ang paghihiwalayan.
Tila naging normal na sa lipunan ang pagkasira ng isang pagsasama dahil sa third-party. O kaya naman sa individual differences ng isang magkasintahan na kanila lang nare-realize sa oras na sila ay kasal na o nakabuo na ng pamilya.
Kaya naman maliban sa pag-iisip na ang kasal ay gastos lang ay marami na ang nawawalan ng tiwala sa kahalagahan nito sa isang relasyon. Lalo pa’t sinasabi na ito ay hindi isang garantiya na magiging pangmatagalan o hindi kaya naman ay magiging masaya o maayos ang isang pagsasama.
Pero taliwas dito ang resulta na natuklasan ng ilang pag-aaral. Halimbawa na lamang ang pag-aaral na ginawa ng researcher at professor na si Morten Blekesaune. Ang kaniyang pag-aaral ay pinamagatang, “Is Cohabitation as Good as Marriage for People’s Subjective Well-Being?”
Sa pamamagitan ng pagsusuri sa dating nakalap ng British Household Panel Survey o BHPS na ginawa noong 1997 hanggang 2009, narito ang ilan sa natuklasang benepisyo ng kasal ni Blekesaune.
Benepisyo ng kasal
Photo by Jeremy Wong from Pexels
1. Mas stable ang relasyon ng mga kasal kaysa sa mag-live in lang.
Ang paliwanag ni Blekesaune dito ay dahil ang kasal ay may kaakibat na legal at mas malalim na interpersonal commitment. Kaya naman nag-iisip muna ng mabuti ang mag-asawa bago maghiwalay.
Hindi tulad ng magka-livein lang na walang pinanghahawakang papel o walang inaalalang legal implications na maaaring harapin sa oras na sila ay maghiwalay.
2. Mas happy ang makasal kaysa sa mag-live in lang.
Kaugnay pa rin ng naunang nabanggit na benepisyo ng kasal, mas mataas umano ang tiyansa na makaranas ng depressive symptoms ang mga magka-live in lang. Ito ay dahil sa pag-aalala o pagkukwestyon nila sa dedikasyon ng kanilang partner sa kanilang pagsasama.
3. Less willing na mag-invest sa relasyon at ma-associate sa kanilang mga social networks ang mga magka-live in lang.
Maiuugnay pa rin ito sa stability na ibinibigay ng kasal kumpara sa live-in lang. Kaya naman mas committed ang magkarelasyon na mag-invest sa kanilang pagsasama.
Ganoon din ang mag-spend ng time sa parehong social networks at activities. Pati na ang paghahati sa responsibilidad sa loob ng bahay at pag-aalaga ng kanilang mga anak. Ang resulta nito ay mas nagiging productive kumpara sa live-in lang ang mag-asawang kasal.
Base naman sa analysis na ginawa ng Pew Research sa National Survey of Family Growth o NSFG noong 2019 tungkol sa benepisyo ng kasal ay ito ang kanilang natuklasan.
BASAHIN:
5 paraan kung paano makikitungo sa palasigaw na asawa
Bakit may lumalanding asawa? Ito ang 7 posibleng dahilan niya
STUDY: 5 benepisyo ng pagpapakasal sa kalusugan
4. Mas secured at mas may tiwala sa kanilang partner ang magkarelasyon na kasal na.
Mula sa survey na ginawa sa 10,000 Americans ng taong 2002 at 2013 hanggang 2017, ay may malaking diperensya sa ipinapakitang trust level sa kanilang partner ang mga couple na kasal kumpara sa live-in lang.
Tulad na lamang sa mas pinagkakatiwalaan ng mga couple na kasal na ang kanilang asawa na maging responsable sa paghawak ng pera. Saka hindi gagawa nang makakasira sa kanilang pagsasama ang asawa nila.
5. Nagbibigay ng mas stable na environment sa pagpapataguyod ng mga anak ang magkarelasyong naikasal na.
Base pa rin sa pag-aaral, 53% ng mga participants ng survey ang naniniwalang mas makakabuti sa pagpapalaki o pagtataguyod ng mga anak ang mga couple na kasal na. Sapagkat mas stable ang environment na mayroon sila at commitment sa kanilang pagsasama.
6. Mas satisfied ang mga couples na kasal kaysa sa live-in lang.
Image from Pexels
Isa pang natuklasang benepisyo ng pag-aaral, ay ang pagiging mas satisfied ng mga couples na kasal sa lahat ng aspeto ng kanilang pagsasama at relasyon.
Tulad na lamang sa parenting, household chores, work-life balance, communication at kanilang sex life. Ito ay dahil pa rin sa commitment na ibinibigay ng mag-asawa sa kanilang relasyon.
Pero kailan nga ba dapat maikasal ang isang magkarelasyon? O kailan masasabing ikaw ay handa na sa big step na ito sa kanilang relasyon?
Kung nagpaplano ng maikasal sa iyong kasintahan, ilan ito sa mga signs o palatandaan na dapat ay nararamdaman mo o nakikita sa relasyon ninyo.
- May dahilan ka kung bakit gusto mong maikasal. Ito ay dahil sigurado ka ng ang partner mo, ang gustong makasama ng pangmatagalan.
- Hindi ka lang basta nai-excite sa ideya ng kasal pati na sa pagplapano ng iyong dream wedding. Kung hindi handa ka ng harapin ang panibagong role na gagampanan bilang asawa. Kalaunan ay ang pagiging ilaw o haligi ng tahanan sa pagbuo ng isang pamilya.
- May malalim na kayong relasyon ng iyong partner o lubos ninyo ng kilala ang isa’t isa.
- Pinagkakatiwalaan mo ang iyong partner.
- Tanggap mo kung sino ang iyong partner at hindi mo ninanais na baguhin kung sino man siya.
- Nareresolba ninyo ng magkasama ang mga problemang dumarating sa inyong relasyon.
- Gumagawa kayo ng long-term plans ng magkasama.
- Ang iyong pamilya at kaibigan ay gusto o kilala ang iyong partner.
- Hindi mo ma-imagine ang buhay mo na wala ang iyong partner. Masaya ka na isipin na panghabang-buhay ay makakasama mo siya.
Photo by Prime Cinematics from Pexels
Ang pagpapakasal ay isang seryosong bagay o hakbang na gagawin ng sinuman sa kaniyang buhay. Sapagkat maaaring magdulot ng malaking pagbabago sa mga bagay na nakasanayan na.
Isa itong gift para sa isang magkarelasyon. Pero hindi naman ito maaring gamiting basehan ng kalidad ng isang pagsasama. Hangga’t masaya at may maayos na relasyon ang magka-partner, may kasal man o wala may benepisyo silang makukuha sa bawat isa.
Source:
Psychology Today, Pew Research
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!