Kasambahay law COVID-19: Kasambahay leave benefits, ilang araw nga ba entitled mag-leave si yaya? At ano ang dapat mong gawin para maging COVID-19 free pa rin ang iyong bahay habang wala siya.
Kasambahay law COVID-19
Mahalaga ngayong may COVID-19 pandemic na panatilihing malinis ang ating bahay para sa buong pamilya. Pero mahalaga rin at naaayon sa batas na kailangan ring mag-leave at magpahinga ni yaya upang magkaroon ng oras sa kaniyang sarili at pamilya.
Sa katunayan sa ilalim ng Republic Act No. 10361 o Domestic Workers Act na mas kilala sa tawag na kasambahay law ay may kasambahay leave benefits din sila tulad ng sa mga propesyonal na empleyado.
Kasambahay leave benefits
Ayon sa DOLE o Department of Labor and Employment, ang mga kasambahay ay dapat o entitled na magkaroon ng isang araw na leave o day-off linggo-linggo. Ang set-up nito ay nakadepende sa pag-uusap o kasunduan ng kasambahay at ng kaniyang amo.
Maliban sa weekly day-off, sila ay dapat ring nakakapagpahinga o may rest period ng 8 oras araw-araw. At kung isang taon na silang nagseserbisyo sa isang pamilya o employer ay entitled na silang mabigyan ng annual service inventive leave na 5 araw na may bayad. Ang 5 days leave na ito ay hindi maaring maidagdag sa mga susunod na taon kung hindi magagamit. At hindi rin ito maaring i-convert sa cash kung pipiliin nilang huwag gamitin.
Mahalaga rin na mapa-rehistro o mapabilang ang mga kasambahay sa mga programa ng gobyerno tulad ng SSS, PhilHealth at Pag-IBIG. Ito ay upang makatanggap rin sila ng mga benepisyo mula sa mga nabanggit na ahensya. Ang kontribusyon sa mga nasabing ahensya ay dapat sagot na ng employer ng kasambahay kung siya ay sumusweldo ng mas mababa sa P5,000 kada buwan. Pero kung ang sweldo niya ay higit pa sa nabanggit na halaga ay dapat na siyang makihati sa binabayarang premium ng employer niya sa mga nasabing ahensiya.
Mula sa nabanggit na kasambahay leave benefits, bagamat mahirap ay kailangang bigyan ng oras si yaya para makapaghinga at gawin ang mga gusto niya. Kung ang pagpapanatili ng order at kalinisan naman ng inyong bahay ang iyong inaalala ay narito ang mga tips para panatilihing COVID-19 free ang iyong bahay habang wala si yaya.
Paano mapapanatiling COVID-19 free ang inyong bahay habang wala si yaya?
Ayon sa UNICEF, ang unang paraan upang mapanatiling COVID-19 free ang inyong tahanan ay sa pamamagitan ng pag-oobserve ng proper personal hygiene. Ito ay magagawa sa pamamagitan ng sumusunod na paraan:
Personal hygiene
- Iwasang hawakan ang iyong mukha lalo na ang iyong mata, ilong at bibig.
- Ugaliin ang paghuhugas ng kamay gamit ang sabon at tubig sa loob ng 20 segundo o higit pa. Kung walang sabon at tubig, ay maaring gumamit ng sanitizer na nagtataglay ng 70% alcohol. Ang paghuhugas ng kamay ay dapat gawin sa tuwing aalis at uuwi sa bahay. Pati na sa tuwing maghahanda ng pagkain, maglalagay ng make-up sa mukha at maglalagay ng contact lenses at iba pa.
- Kung uubo o babahing ay dapat takpan ang ilong at bibig. Maaring gumamit ng panyo, tisyu o siko upang magawa ito. Kung gagamit ng tisyu ay agad na dapat maitapon ito sa basurahang may takip at saka maghugas ng kamay.
Sunod na dapat gawin ay panatilihing malinis ang loob ng inyong bahay sa pamamagitan naman ng sumusunod na paraan:
Paglilinis sa loob ng bahay
- Linisin o i-disinfect ang mga lugar o gamit sa bahay na madalas na nahahawakan. Tulad ng mga mesa, doorknobs, switch ng ilaw, telepono, keyboards, laruan, banyo, gripo, at lababo.
- Sa pagdidisinfect ng mga gamit at surfaces sa bahay ay gumamit ng 0.5% bleach solution o 7 kutsara [100 mL] bleach sa 1 litrong malinis na tubig.
- Kung madumi ang surface sa bahay ay dapat linisan muna ito gamit ang sabon at tubig. Saka ito i-disinfect gamit ang produktong nagtataglay ng 70% alcohol o bleach. Sa ngayon, ang paggamit ng suka ay hindi inirerekumendang panlinis laban sa COVID-19 pandemic.
- Para sa mga gadgets, ay ipinapayong gumamit ng disinfecting wipes upang masigurong malinis rin ang mga ito.
- Sa paglilinis ay dapat ding siguraduhin na nakasuot ng gloves at sinusunod ang tamang paraan ng paggamit ng produktong ginagamit.
- Mahalaga rin na may proper ventilation sa loob ng iyong bahay habang naglilinis o kaya naman ay nakasuot ng mask. Ito ay upang hindi mo malanghap ang mga dumi at germs sa paligid mo.
Paglilinis ng damit
Mahalaga rin na panatilihing malinis ang mga damit. Lalo pa’t ayon sa mga pag-aaral ay maaring kumapit dito ang COVID-19 virus ng ilang araw. Gawin ito sa pamamagitan ng sumusunod:
- Kung aalis at uuwi ng bahay ay dapat agad na magpalit ng damit.
- Madalas na magpalit ng mga bed sheets at towels na ginagamit.
- Labhan ang mga damit gamit ang sabon at mainit na tubig kung maari. Ang mga damit ay dapat ring maarawan o matuyo ng maigi.
- Dapat ding labhan o disinfect ang mga laundry bag. O kaya naman ay gumamit ng disposable laundry bags.
- Kung pipiliing ipalaba ang mga damit ay i-observe ang physical distancing kung lalabas ng bahay. Ugaliin rin ang pagsusuot ng mask.
Paghahanda ng pagkain
Narito naman ang mga dapat gawin upang masigurong COVID-19 free ang inihahandang pagkain:
- Agad na tanggalin at itapon ang packaging ng mga pagkaing binili sa labas.
- Para sa mga pagkaing nasa loob ng lata ay maari itong punasan nalang ng disinfecting wipes.
- Dapat ding agad na hugasan ang mga prutas at gulay sa running water o dumadaloy na tubig.
- Gumamit ng magkakaibang chopping boards sa paghahanda ng lulutuing karne o isda.
- Lutuin ang mga pagkain sa inirerekumendang init.
- Ilagay sa ref o freezer ang mga perishable items. Dapat ding bigyang pansin ang expiry dates ng mga ito.
- Gumamit ng malilinis na plato at utensils sa pagkain.
- Maghugas ng kamay ng hindi bababa sa 20 segundo bago kumain.
Siguraduhing malusog ang iyong pamilya
- Subukang umiwas sa pag-inom ng alak at huwag manigarilyo.
- Kumain ng masustansya pagkain at iwasang kumain ng mga pagkaing sobrang tamis, maalat, at mataba.
- Uminom ng maraming tubig ng hindi bababa sa 1.5 litro araw-araw.
- Magkaroon ng sapat na 7-8 oras na tulog araw-araw.
- Magpapawis o mag-ehersisyo ng hindi bababa sa 15 minuto araw.
Source:
Basahin:
Dapat may 13th month din ang iyong kasambahay, paalala ng DOLE