Lahat ng ina—saan mang sulok ng mundo nanggaling at anumang lahi—ay kahanga-hanga namang talaga.
Mababasa sa artikulong ito:
- Anim na katangian ng isang ina
6 katangian ng isang ina na likas sa mga Pinoy
Hindi madaling maging ina, pero ang kasaysayan, mga pinagdaanan at kasalukuyang nararanasan ng mga inang Pinoy ang dahilan kung bakit kahanga-hanga silang talaga.
Ito ang 6 na katangian ng isang ina na likas sa mga Pilipino
Katangian ng isang ina | Image from Unsplash
1. Una ang pamilya niya, kaysa kahit ano o sino.
Siya ang tinatawag na “ilaw ng tahanan” dahil siya ang nagdadala daw ng ilaw sa isang tahanan.
Corny para sa iba, pero para sa milyong pamilyang Filipino, totoo ito. Si Nanay pa rin ang inaasahan kapag may problema sa eskwela, sa bahay, at sa mga anak. Prayoridad ng isa ina ang kaniyang pamilya, kahit pa sa modernong panahon ngayon, at kahit pa sa mga modernong Filipina.
Kahit pa halos lahat na ng mga nanay ay nagtatrabaho na para matustusan ang pangangailangan ng mga anak at makatulong sa asawa, may oras pa rin si Nanay na magluto, maglaba, at mag-aruga sa mga anak.
Sa panahon ngayon ng realidad ng OFW at pangingibang bansa para kumita ng mas malaki at makapagbigay ng mas mabuting kinabukasan sa mga anak, marami na ang inang nagsasakripisyo na mawalay sa anak pansamantala. Tinitiis ang hirap sa ibang bansa, para sa pangarap na maayos na buhay ng mga anak at pamilya.
BASAHIN:
Ang iyong maling pag-aakala sa tamang pagpapalaki ng iyong anak
6 healthy tips kung paano disiplinahin ang batang mainitin ang ulo
Pinapalo ko ang anak ko, ito nga ba ang tamang disiplina sa mga bata?
Higit sa lahat, sisiguraduhin niyang bawat miyembro ng pamilya niya ay mabibigyan ng kailangan—kahit wala na siya, basta meron ang mga anak at asawa. Hindi siya gagastos para sa sarili, dahil uunahin muna niya ang iba.
2. Siya ang manager ng lahat.
Kung magaling siyang manager sa opisina, mas magaling siyang manager sa bahay.
Parang lahat yata ng babaeng Filipina ay pinalaking marunong mag-aruga at mag-asikaso sa lahat ng aspeto ng tahanan—pamamalengke, pagluluto, budget sa baon ng mga bata at lahat ng bagay tungkol sa eskwela, pati pagbabayad ng mga bills ng bahay, at marami pang iba.
Lahat na yata ng bagay ay alam niya, kaya’t siya ang tanungan ng lahat tungkol sa problema man o pati na sa pamamasyal ng pamilya.
3. Sa pagluluto niya ipapakita at ipapadama ang pagmamahal niya.
Katangian ng isang ina | Image from Unsplash
Kahit pa hindi magaling o marunong magluto, aaralin niya ang paboritong ulam ng anak at asawa para lang mapagbigyan ang hilig nila.
Lalo na sa mga Pilipinong lumaki na sa ibang bansa, ang pagluluto ni Nanay ng pagkaing Pinoy ang paraan niya para hindi makalimot sa kulturang Filipino ang mga anak.
4. Strikto, pero dahil lang ito sa lubos na pagmamahal sa mga anak.
Lahat na lang yata ay napapansin—at, oo, pinapakialaman. Para sa mga anak, lalo na pag teenager, ito ang pakiramdam.
Hindi ka titigilan sa pagsasabing ayusin ang kuwarto, magtapon ng basura, maghugas ng pinggan, tumulong sa bahay, tigilan ang pagse-cellphone, at kung anu-ano pang makikita niya.
Pero kapag sinuring mabuti, dala lamang ito ng matinding pagmamahal at pag-aasikaso sa kanila ng nanay nila. Siguro napanood na ng marami si Jokoy, ang stand-up comedian na Filipino-American at laking Amerika, na napakaraming kuwento tungkol sa nanay niyang Filipina.
Napaka-istrikto, ngunit nakakatawa dahil kung babalikan nga naman, lahat ng paghihigpit ay dahil lamang sa gusto ni Nanay na lumaki tayong maayos, mabait at may respeto sa kapwa.
Kaya nga sa kabila ng mga kuwento ni Jokoy, pinakita at pinakilala din niya sa lahat ang nanay niya. Doon nakita ng lahat kung paanong ang pangungulit at pagalit na paninita nito sa anak habang lumalaki ay tanda lamang ng paglalambing at pag-aalala nito.
5. Walang kasing-sayang kasama, at game na game lalo kapag may kasiyahan.
Palagi siyang seryoso at busy kapag nag-aasikaso sa lahat, pero hindi niya nakakalimutang magbiro, ngumiti at tumawa ng malakas, kahit na napakaraming iniisip na problema.
Katangian ng isang ina | Image from Dreamstime
Marunong maglibang si Nanay—kumakanta, sumasayaw, nagsu-Zumba, pati badminton, kaya niya.
Pagkatapos magluto kapag may party, naka-apron pa ay sumasabak na sa videoke. ‘Di kaya naman ay handang sumali sa mga parlor games.
6. Laging tumatawag o nagtatanong kung kumusta ka.
Kahit walang okasyon, kahit kakatanong lang niya nung umaga, tatabi pa rin siya sa yo o magtetext kung kumusta ka na.
Hanggang sa paglaki, ang tanong niya ay: Kumusta ka na, anak? Okay ka lang ba?
Marahil kailangan lang niya talagang malaman kung ano na ang nangyayari sa yo. Kahit malaki ka na, kahit may asawa ka na. Kahit araw araw naman kayo nagkikita.
Likas kay nanay ang masigurong walang malalim na problema kang pinagdadaanan, na hindi niya alam.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!