Kidnapping ng bata na kumakalat sa social media, isa daw fake news!
Kidnapping ng bata sa ka-Maynilaan
Kung madalas kang gumagamit ng social media, malamang ay nakabasa ka na ng isa sa mga post tungkol sa kidnapping ng bata sa iba’t-ibang parte ng Maynila. Ang pangingidnap daw ay ginagawa ng mga taong sakay na puting van. At ang sinasabing dahilan sa paggawa nito ay upang kunin at ibenta ang mga lamang-loob ng mga taong nakikidnap nila.
Mayroon pa ngang larawan at video ng mga batang biktima daw ng pangingidnap. Sa, mga larawan at video ay makikitang may sugat at peklat sa tiyan ang mga bata na patunay daw na sila ay tinanggalan ng internal organs sa bahagi na ito ng kanilang katawan.
Kaya naman dahil dito ay maraming netizens lalo na ang mga magulang ang nag-aalala sa kaligtasan ng kanilang anak sa daan. Ngunit, ayon sa PNP hindi daw dapat mag-panic ang mga magulang at kabataan. Dahil ang balita daw na kumakalat sa social media tungkol sa kidnapping ng bata ay fake news at walang katotohanan.
“Nais po natin na pabulaan ang mga kumakalat na mga fake news na ito. Wala po itong basehan at hindi validated.”
Ito ang naging pahayag ni Philippine National Police Spokesperson Brig. Gen. Bernard Banac sa isang panayam.
Babala ng PNP
Sinuportahan naman ang pahayag na ito ni Sen. Ronald dela Rosa na dating hepe ng PNP. Ayon sa kaniya, wala daw dapat ikatakot ang publiko. Dahil noong siya pa ang hepe ng PNP ay napabalita rin ang kidnapping ng bata ngunit napatunayan itong walang katotohanan.
“Huwag silang matakot dyan. Mga isolated cases yan. Merong apparently, merong commonality sa mga pangyayari na yan pareho silang inabduct magbabarkada ba yan.”
Ito ang naging pahayag ni Sen. Dela Rosa na ginamit na halimbawa ang napabalitang mga kabataang nawawala sa Pasay City. Dagdag pa niya ay may lead na ang PNP sa kung anong nangyari sa mga ito at patuloy parin ang ginagawang imbestigasyon ng kapulisan.
Samantala, kaugnay parin ng kumakalat na kidnapping ng bata news sa social media ay nagbigay babala ang PNP sa mga nagpapakalat nito. Mabuti daw na itigil na ang pagsheshare nito sa social media. Ito ay para matigil na ang panic o takot na dinudulot nito sa publiko. At sa oras na may napag-alamang bata na nawala ay i-report agad ito sa mga pulis para maaksyonan.
Dagdag na babala pa ng PNP, ang sinumang mapatunayang nagpapakalat pa ng fake news na ito ay maaring maharap sa paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012 na may kaukulang multa at parusa.
Tips para maiwasang maging biktima ng kidnapping ang iyong anak
Para naman maiwasang maging biktima ng kidnapping ang iyong anak ay narito ang ilang tips na maari mong gawin at pagkatandaan.
- Mag-set ng boundaries sa mga lugar na pupuntahan ng iyong anak. At huwag siyang hahayaang magpunta sa mga matatao at pampublikong lugar na siya ay nag-iisa at walang kasama.
- Huwag iiwan ang iyong anak sa stroller o sa loob ng sasakyan ng nag-iisa lalo kung kayo ay nasa abas ng inyong bahay o nasa pampublikong lugar.
- Pumili ng yaya o babysitter ng iyong anak na kilala at iyo ng mapagkakatiwalaan.
- Iwasang pasuotin ng mga damit na may nakasulat na pangalan niya ang iyong anak. Dahil ang mga bata ay mabilis magtiwala sa sinumang alam ang pangalan nila.
- Paalalahanan ang anak na huwag makikipag-usap sa hindi niya kilala. O tumanggap ng kahit anong bagay mula sa mga ito ng hindi mo nalalaman.
- Ipasaulo sa anak ang kaniyang buong pangalan, address at iyong contact number para ikaw ay agad na makontak sa oras na may mangyari sa kaniya.
- Turuan ang anak na sumigaw ng tulong at tumakbo sa oras na may manakit o gumamit ng pwersa laban sa kaniya tulad ng pagpilit sa kaniyang sumama.
- Paalalahanan din ang anak na sa oras na may lumapit na sasakyan papunta sa kaniya at hindi niya ito kilala ay agad na lumayo at dumistansya.
- Ituro at ipakilala sa kaniya ang mga taong maari niyang puntahan tulad ng inyong kapitbahay sa oras na may hindi maganda o may nagtakang manakit sa kaniya.
- Sa ngayon ay dapat mo ding bantayan ang mga activities na ginagawa ng iyong anak sa social media. Dahil ito ang isa sa mga paraan ngayon ng masasamang loob na humanap ng bago nilang biktima.
Source: ABS-CBN News