Kahapon ay nag-viral ang balita tungkol sa isang lola na di umano’y nangidnap ng dalawang bata. Dahil dito, nahuli ang matanda, at ikinulong ng mga pulis dahil raw sa tangkang kidnapping sa Marikina.
Ngunit ayon sa isang netizen, inosente raw ang matanda. Dahil lola niya raw na mayroong dementia ang kanilang nahuli.
Kidnapping sa Marikina: Inosente raw ang matanda
Ayon sa post ng netizen na si Peter WalkerdelaRosa Lao, noong isang raw pa raw nilang hinahanap ang kaniyang lola. Kaya’t nagulat na lamang sila nang makitang inireport sa balita na kidnapper raw ang kaniyang lola.
Sinabi ni Peter, “E pag kinausap mo nga malalaman mo na may problema na sya sa pag-iisip. Opo, may dementia sya. Yung nagreklamo akala mo naman nawalan ng anak. Andyan na, may medical certificate pa na pinakita pero ayaw nyo pa rin maniwala. Di na kayo naawa sa matanda!!”
Nagbahagi rin siya ng ilang mga patunay tulad ng medical certificate na nagpapakitang mayroon ngang problema sa pag-iisip ang kaniyang lola.
“Sa mga makakakita ng post regarding sa lola ko, pls pa help i-report. Let’s help stop spreading fake news and lies,” aniya.
Nakausap na rin ni Peter ang opisina ng barangay kung saan inireklamo ang kaniyang lola. Ngunit ang pahayag lang nila ay puntahan raw nila ang PNP para maisaayos ang nangyari.
Sinubukan rin namin kunin ang panig ng apo, upang magtanong ng iba pang mga detalye. Pero hanggang ngayon ay hindi pa siya nagre-reply sa aming mga tanong.
Unang naibalita ang pangyayari sa Philippine Daily Inquirer, at sa ABS-CBN News.
Sa kasalukuyan ay wala pang update ang kapulisan at ang barangay tungkol sa kalagayan ng matanda. Pero kung totoo nga na inosente siya, sana ay agad na mapalaya na dahil nakakaawang makitang nasa kulungan ang isang inosenteng lola.
Hindi rin naman natin masisisi ang mga magulang na nagreklamo, dahi sunod-sunod nga ang mga naibalitang kaso ng kidnapping sa Metro Manila. Nakakatakot nga naman ang ganitong insidente, kaya’t lalong maingat at natatakot ang mga magulang para sa kaligtasan ng kanilang mga anak.
Ngunit dahil na rin sa naibalitang ito, mahalaga rin na maging maingat ang mga tao pagdating sa mga inaakusahan nila. Bagama’t alerto ngayon ang mga kapulisan at magulang sa kaso ng kidnapping, hindi naman ito dahilan upang hindi magsiyasat kung inosente ba talaga o hindi ang mga suspek.
Mahalagang mag-ingat ang mga magulang
Sa panahon ngayon, hindi biro ang mga naibabalitang kaso ng mga kinikidnap o kaya nawawalang mga bata. Kaya mahalagang gawin ng mga magulang ang lahat ng kanilang makakaya upang masiguradong ligtas ang kanilang mga anak.
Heto ang ilang mga mahahalagang payong dapat tandaan:
- Huwag pabayaan na magpunta sa kung saan-saan ang iyong anak.
- Palagi silang bantayan, at siguraduhin na nakikita mo sila kapag sila ay naglalaro sa labas.
- Turuan silang tumakbo o lumayo kapag nilalapitan ng mga taong hindi nila kilala.
- Mahalagang umiwas sila sa pakikipag-usap sa mga taong kahina-hinala.
- Turuan silang humingi ng tulong sa mga tao sa paligid, o kaya sa mga pulis kung sila ay subukang kidnapin.
- Nakakatulong rin ang pag-iingay, o kaya ang paggawa ng komosyon kapag sila ay kinukuha upang mapansin ng mga tao sa paligid ang nangyayari.
- Alamin palagi kung nasaan ang iyong anak, at hangga’t-maaari ay dapat mayroon silang kasamang tao na kanilang mapagkakatiwalaan.
Basahin: 70-anyos na babae, tinangkang mangidnap ng dalawang bata
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!