Nahuli ng mga awtoridad ang isang babaeng di-umano’y kidnapper ng mga bata. Muntik na raw nitong tangayin ang isang 10-taong gulang na bata mula sa Paranaque, pero sa kabutihang-palad ay napigilan agad ito.
Kidnapping sa Pilipinas: 10-anyos nasagip ng mga kapitbahay
Ayon sa biktima, nasa labas lang raw siya nang bahay nang biglang lapitan ng suspek na si Lilibeth Bustamante. Mahigpit raw na hinawakan ng suspek ang kamay niya, at pilit siyang hinahatak.
Sinabi sa kaniya ng suspek na nagpapasama raw ito sa kung saan mayroong nagbebenta ng load sa cellphone. Sa kabutihang palad ay napansin ng isang kapitbahay ang nangyayari, at agad na tinawag ang atensyon ng biktima. Tinanong raw nito kung sino ang babaeng humahatak sa kaniya, at dahil dito tumakas na ang suspek.
Nagtulong-tulong naman ang mga magkakapitbahay upang mahuli ng mga tanod ang suspek, na kumakain raw sa karinderya na pag-aari ng tiyahin ng biktima.
Kumapit lang raw siya sa patalim
Ayon sa suspek, hindi raw siya ang sumubok na mangidnap ng bata. Aniya, lookout lang daw siya para sa sindikato.
Napilitan lang raw siyang kumapit sa patalim dahil wala raw trabaho ang kaniyang asawa. Dagdag pa niya, ang mga target raw nila ay mga batang 12-anyos pataas, at binebenta ang mga ito sa casa, o kaya sa cybersex den.
Bukod dito, ang grupo raw nila ay nagkukunwaring mga nagpapautang. Ngunit front lang raw ito sa ginagawa nilang pandurukot ng mga bata. Magsasampa naman ng mga patong-patong na kaso ang pamilya ng biktima laban sa suspek.
Protektahan ang mga bata laban sa kidnapping
Ngayon ay tila sunod-sunod ang mga nababalitaan nating kaso ng kidnapping sa Pilipinas. Kaya’t mahalagang gawin ng mga magulang ang lahat ng kanilang makakaya upang mapanatili ang kaligtasan ng kanilang mga anak. Heto ang ilan sa mga hakbang na magagawa ng mga magulang:
- Siguraduhing natatanaw parati ang mga anak, lalo na sa pampublikong lugar.
- Makakatulong na pagsuotin ng makulay o matingkad na damit ang bata para madali itong makita sa mataong lugar.
- Huwag pabayaang gumala ang mga anak nang mag-isa. Siguraduhing parati silang may kasamang bantay.
- Magdala ng pito at gamitin ito para tumawag ng atensyon para humingi ng tulong.
- Siguraduhing alam ng bata ang mga importanteng impormasyon katulad ng pangalan niya, pangalan ng magulang, address, at numero ng telepono.
- Kapag nasa labas, turuan silang kumilala ng mga katiwa-tiwalang mga tao na puwede nilang lapitan sakaling sila ay mawala, tulad ng mga pulis at guard.
- Ituro sa kanila ang lugar na puwede nilang puntahan, tulad ng bahay ng kamag-anak o kaibigan.
- Kapag nasa mall, ituro sa kanila kung nasaan ang mga information counters.
Heto naman ang tips para sa mga bata:
- Ituro na hindi masamang sumigaw o humiyaw kapag nararamdaman nila na sila ay nasa panganib.
- Kailangan malaman nila kung paano tumawag ng pansin at magsalaysay ng pangyayari sa mga nakakatanda sa kanilang paligid.
- Tulungan silang magkaro’n ng kumpiyansa sa sarili. “Ang batang may kumpiyansa ay ang batang ligtas,” ayon kay Ernie Allen ng National Center for Missing and Exploited Children. Sa kanilang pag-aaral, ang mga batang nakakatakas sa tangkang pag kidnap ng bata ay ang mga batang nagsisisigaw at nagsisisipa—mga bagay na hindi nagagawa ng mga mahiyain. Hindi rin daw madaling impluwensiyahan at lokohin ang mga batang may kumpiyansa sa sarili.
Source: ABS-CBN News
Basahin: Huli ng CCTV kung gaano kadali at kabilis ma-kidnap ang bata
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!