May kasabihan na may mga bagay na “harangan man ng sibat, kumulog man at kumidlat,” hindi na talaga mapipigilan. Para kina Jeff delos Angeles at Jobel Bañares, kahit walang humpay ang hagupit ng Bagyong Karding ay hindi sila mapipigilan sa kanilang pag-iisang dibdib. Kaya naman kahit na may tubig na sa loob ng simbahan, kinasal sa baha ang dalawa!
Baha? Bahala na!
https://www.facebook.com/florenznicoletrisha/videos/2574980015908141/
“Kahit na bumaha o umulan, walang makakapigil sa akin,” pahayag ni Jobel sa panayam niya sa AFP. “Isang beses ka lang ikakasal, ipo-postpone mo pa ba? Papakasalan ko ang lalaking mahal ko.”
Paliwanag ni Jobel na labis nilang pinaghandaan ang kasal at ayaw na nilang mag-asawa na ma-stress pa ulit sa pag-reschedule kaya itinuloy na lang nila ito. Bukod pa sa parati naman daw talagang binabaha sa lugar nila.
PHOTO: Tere Bautista Bañarez
Kaya naman kahit na umayaw na ang bridal car na dapat ay magdadala sa kanila sa simbahan noong Sabado, Agosto 11, sumakay na lang si Jobel ng bangka para makarating sa Santo Rosario Church sa Hagonoy, Bulacan. Dagdag pa ni Jobel na laking gulat niya na marami pa rin ang dumalo sa kanilang kasal kahit na masungit ang panahon.
Dahil hanggang loob ng simbahan ang tubig, tinanggal ng bride, groom, at mga entourage ang kani-kanilang mga sapatos at nag-tsinelas na lang. Ang iba ay nagyapak na lang.
PHOTO: Tere Bautista Bañarez
Sa isang video na in-upload ng tita ni Jobel na si Tere Bautista Bañarez, makikita ang pag-martsa ni Jobel sa gitna ng brown na tubig baha.
“Nabasa ang gown ko kaya bumigat, pero inisip ko na lang na kunyari naglalakad ako sa red carpet,” ani Jobel.
Suot ang kaniyang magarang damit, lumusong si Jobel at naglakad papuntang altar kung saan naroon si Jeff, ama ng kaniyang dalawang anak. Naging double celerbation pa nga ito dahil bininyagan na rin ang 5-buwang gulang na baby ng mag-asawa na si Baby Ayesha.
PHOTO: Tere Bautista Bañarez
“Tunay na memorable ang kasal namin. Masayang-masaya ako. Naging lesson na rin para wala nang what ifs.”
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!