Kinidnap ng yaya ang isang 5-buwang gulang na sanggol na babae sa Taguig. Ito ay ginawa ng yaya habang mahimbing na natutulog ang kaniyang mga amo na magulang ng sanggol. Ayon sa ina ng sanggol, ang yaya ay anim na araw palang na nagtratrabaho sa kanila. At ito ay nakilala lang nila sa isang Facebook group.
Sanggol na kinidnap ng yaya
Sa kuha ng CCTV malapit sa bahay ng mga magulang ng biktima ay makikita ang yayang kinilalang si Kristine Joy Salik na may kargang sanggol habang naglalakad palabas sa isang eskinita. Ang CCTV footage ay kuha nito lamang Miyerkules ng umaga. Ito rin ang huling beses na nakita ng mga magulang ng sanggol ang kanilang anak na si Baby Taylor.
Kwento ng ina ni Baby Taylor na si Princess Jean Perrin, gusto sana nilang itabi ng kaniyang mister ang kanilang anak sa pagtulog matapos ang magdamag nilang pagtratrabaho. Ngunit, nag-presinta daw ang yaya nitong si Kristine na huwag nalang at aalagaan nalang niya ang sanggol. Nakatulog ang mag-asawa. Matapos ang tatlong oras ay nagising sila na wala na umano ang kanilang anak pati na ang yaya nito. Hindi narin matawagan ang cellphone ng yaya. At deactivated na ang Facebook account nito na naging daan para makilala siya ng mag-asawa. Dito na nagpunta sa barangay ang mag-asawa para humingi ng tulong.
Hindi tunay na pangalan at dokumento ang gamit ng yaya
Sa ginagawang imbestigasyon ng mga pulis lumalabas na maaring hindi tunay na pangalan ng suspek ang gamit nito. Dahil ng i-trace ang mga impormasyon at address na nakasaad sa TIN ID at barangay clearance ng suspek ay wala umanong nakakakilala rito.
Labis naman ang pagsisisi ng ina ng biktima sa nangyari. Dahil sa nakuha lang nila ang yaya sa isang Facebook group na nag-rerefer ng mga kasambahay. Kaya naman dahil sa karanasan, ito ang payo ni Princess sa mga magulang pagdating sa pagkuha ng yaya ng mga anak nila.
“As much as possible huwag na po. Kung pwede po huwag muna silang mag-trabaho, maging hands on mommy nalang po. Kapag nakakasalita o nakakalakad na doon nalang ipaalaga sa taong kakilala o kamag-anak si baby. Dahil kapag hindi pa nakakapagsalita si baby, mahirap. Napakahirap.”
Ito ang pahayag ni inang si Princess sa panayam ng theAsianparent Philippines team sa kaniya.
Latest update tungkol sa pagkawala ng sanggol
Samantala, pinabulaanan din ni Princess ang kumakalat na isang Facebook post na nagsasabing mag-pinsan sila ni Kristine at hindi ito yaya. At hindi din daw totoo na kinidnap nito ang anak niya. Ito daw ay fake news at walang katotohanan. Ayon pa kay Princess, ang Facebook user na nag-post tungkol dito ay gumagamit ng dummy account at gusto lang ilihis ang ginagawang imbestigasyon.
Isang netizen naman ang nagpadala ng mensahe kay Princess na nakita daw nito ang sanggol at karga ng yaya niya sa isang jeep papuntang Montalban, Rizal. Tandang-tanda niya daw na ito ang tinutukoy na sanggol sa post ni Princess dahil kaharap niya ito sa jeep at nginingitian siya sa kanilang buong byahe. Hindi niya akalaing hindi pala nanay ng sanggol ang babaeng may hawak rito na masama rin kung tumingin sa kaniya.
Sa ngayon ayon kay Princess, ay wala pang ibang lead sa kinaroroonan ng anak niya. Kaya naman patuloy siyang humihingi ng tulong sa kung sinumang makakita sa kaniyang anak na kinidnap ng yaya niya. Kung sakaling may kahit anong impormasyong maaring makatulong sa ginagawang pagjhahanap sa bata pati na sa suspek, kontakin lang si Princess sa numerong 09171790393. O kaya naman ay ang Taguig City Police na nagsasagawa ng imbestigasyon sa pangyayaring pangingidnap sa hotline na 09395047033 at 86423582.
Source: ABS-CBN News
Basahin: Anu-ano ang mga signs na you have a bad yaya?
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!