Hindi makapaniwala ang isang pamilya mula sa Massachusetts, USA na babawian ng buhay ang kanilang bunso dahil sa komplikasyon ng flu virus (trangkaso).
Gumagaling na umano ang kanilang anak sa simpleng trangkaso nang bigla itong nagsuka ng may dugo at nanghina. Ano ang nangyari?
Bakit nagkaroon ng komplikasyon sa flu ang bata
Nagkaroon ng mataas na lagnat ang 4-taong gulang na batang babae na si Puthiraskmey Sopheak at dinala sa Lowell General Hospital ng kanyang pamilya.
Ayon sa kanyang ama na si Sopheak Paak, hindi umano isinailalim sa blood test ang kanyang anak ng doktor na tumingin sa kanya doon. Sa halip ay niresetahan lamang ito ng Tylenol at sinabing hindi nangangailangang i-admit sa ospital.
Matapos ang ilang araw, muling ibinalik sa ospital si Puthiraskmey dahil hindi bumababa ang lagnat nito at sumuka na ng dugo. Namatay ang bata dahil sa komplikasyon ng flu virus, at hindi ito matanggap ng pamilya Paak.
Si Puthiraskmey ay pangatlo na sa mga batang namatay dulot ng komplikasyon sa flu sa Massachusetts at pang-34 sa Estados Unidos ngayong taon.
Ano ang trangkaso o flu at paano aagapan ang komplikasyong dulot nito
Ang flu o trangkaso ay sanhi ng virus, at ito ay nakakahawa. Pangunahing sintomas nito ay ang pagkakaroon ng mataas na lagnat na tumatagal ng ilang araw, pananakit ng katawan at mga kasu-kasuan, sakit ng ulo, sore throat, ubo at sipon.
Kung malakas ang immune system, madaling nalalabanan ng katawan ang trangkaso.
Hinihikayat ang pagpapabakuna ng isang beses sa isang taon (6 na buwang gulang pataas) dahil ito ang unang proteksiyon natin sa flu kaya dapat na siguruhing kumpleto ang bakuna ng mga bata.
Ang mga over-the-counter na gamot para sa trangkaso ay pantulong lamang upang maibsan ang mga sintomas ng flu kaya dapat na magpatingin agad sa doktor kung nakikitaan ng senyales ng trangkaso ang isang tao.
Isasailalim sa laboratory test at physical exam ang taong may senyales ng trangkaso nang sa gayon ay mareresetahan ito ng tama base sa magiging resulta ng mga eksaminasyon.
Mga dapat gawin upang hindi mahawa ng trangkaso
Ibinahagi ni Dir. Ferchito Avelino ng DOH ang mga dapat gawin upang hindi mahawa ng trangkaso.
- Nakakahawa ang trangkaso o flu, kaya’t mas mainam na huwag nang papasukin sa eskwela o trabaho ang taong may sintomas nito. Kung ikaw naman ang may trangkaso, mabuting ikaw na ang umiwas upang hindi makahawa sa iba.
- Makabubuti rin ang pagsusuot ng face mask kapag lalabas ng bahay o pupunta sa mga pampublikong lugar upang makaiwas na mahawa sa virus.
- Tumigil sa paninigarilyo dahil nakakapagpalala ito ng mga flu symptoms. Iwasan din ang alak kung kagagaling lang sa trangkaso upang maiwasan ang pagkakaroon ng dehydration.
- Ugaliing maghugas ng mga kamay para maiwasan ang pagkalat ng virus.
- Ayon din sa American Academy of Pediatrics, may panganib na dala ang aspirin sa mga bata at teenagers. Kaya mainam na magpatingin muna sa doktor upang maresetahan ng tamang gamot sa trangkaso.
Source: Daily Mail UK, WebMD, Centers for Disease Control and Prevention
Images: Sopheak Paak Facebook, Shutterstock
BASAHIN: Trangkaso: Sanhi, sintomas, at gamot para sa flu