Ilang buwan din ang pagpaplanong ginawa ko, kasama ang tatlo kong anak, para sa unang trip namin na magkakasama papunta sa ibang bansa. Seoul, South Korea ang destinasyon, dahil para sa mga KPOP followers at fans tulad nilang tatlo, ito ang ultimate trip destination—ito ang “happiest place on earth” para sa kanila.
Photo from: Anna Santos Villar
Nitong mga nakaraang taon, unti-unting dumagsa ang mga turista sa Korea, at naging isa ito sa mga pinaka-paboritong puntahan sa Asia. Ang pangunahing attraction ay ang KPOP experience na pangarap at inaasam-asam ng libu-libong fans nito. Napakarami nang activities at tourist spots na nakaka-enganyo sa mga nais bumisita sa Korea, hindi lamang sa Seoul kundi pati sa mga probinsiya.
Wala akong kaalam-alam tungkol sa bansang ito, kaya’t lalo akong na-curious na lumipad patungo dito. At dahil ang trip na ito ay para sa mga anak ko, hinayaan ko silang mag-plano ng itinerary namin. Para sa isang magulang, nakagagalak malaman na malalaki na nga talaga ang mga anak ko, dahil kaya na nilang magmaneobra ng isang trip gaya nito, nang walang anumang kontribusyon mula sa nanay nila. AT talaga namang napabilib ako sa kanila, lalo sa panganay kong si Amos. Kuwento niya, laking tulong ng mga kaibigan niya (at kapwa KPOP fans) na nanggaling na sa Korea, at mga videos, mapa, at apps, sa pagpaplano at pag-navigate sa pasikot-sikot ng Seoul.
Para sa mga KPOP fans, ang makatuntong at makalakad lamang sa nilalakaran ng kanilang mga oppars ay lubos na kaligayahan na. Pero paano nga ba masusulit ang pagpunta sa KPOP haven na ito? Narito ang ilang lugar na must-visit, pagkaing must-try, at mga KPOP souvenirs na must-buy sa Seoul.
1. Bumili ng Train Card at kumuha muna ng Wifi EGG
Sa Incheon Airport pa lang, bumili na agad ng Train Card at umarkila ng Wifi Egg.
Kakailanganin mo ang train card paglabas pa lang ng airport para makasakay sa AREX, at pumunta sa iyong hotel o tirahan. Masyadong malayo ang lugar at kung gustong makatipid, subway train ang mode of travel na kailangan. Challenging at komplikado ang subway ng Seoul, pero kapag nasanay ka na, madali na itong mababagtas, sabi nga ng panganay kong si Amos.
Kung madalas kang gagamit ng voice calls at text messages, kailangan mo ng SIM card na mabibili din sa airport. Kung data naman ang kailangan para sa unlimited surfing, downloading, WiFi Egg, o portable WiFi Router, ang magagamit mo.
Malaking tulong ng EGG na ito dahil ang tanging paraan namin para malaman ang mga ruta ng tren at subway, ay sa pamamagitan ng wifi. Lalo din kung mahilig magpost sa Instagram at Facebook, mas matipid ang kakalabasan kaysa mag-roaming. Sa bawat Egg, hanggang 5 tao ang pwedeng gumamit.
Nasa 5-7 oras ang buhay ng isang fully-charged Egg, kaya’t pagdating sa hotel, siguraduhing i-charge agad para sa susunod na araw. Magdala rin palagi ng powerbank para makasigurong hindi mamamatay ang mga cellphone at Egg na dala.
Sa huling araw sa Seoul, dapat ibalik ito. Sa naarkila namin, 50,000 won ang security bond, pero buo itong nakuha pagkabalik.
2. Pumili ng guesthouse o hotel na sakto sa pangangailangan at malapit sa subway train station.
Photo from: Anna Santos Villar
Napakaraming pagpipiliang hotel at guesthouse sa Seoul, pero pinili ko ang Grape Garden House sa Seogyo-Dong, MaPo-Gu, Hongdae, Seoul, dahil sa lokasyon, presyo at disenyo nito. Dahil may budget na dapat pagkasyahin (dahil apat kaming adults), wala sa option ko ang hotel dahil sa presyo nito, lalo na sa panahon ng pagpunta namin doon.
May mga dormitory type ng accomodations para sa mga magkakaibigan na mas makakamura ka, tulad na nga ng Grape Garden. Kinuha namin ang isang kuwartong pang-apat na katao, may sariling TV at banyo. Mabait at handang tumulong sa mga tanong ang staff ng guesthouse.
Mayron din silang staff na French nationals na marunong mag-English kaya hindi mahihirapan ang mga turistang English-speaking. Dahil sa magandang lokasyon, na-enjoy namin ang trip na ito. Kahit pa sobrang lamig, maaaliw ka pa ring maglakad-lakad sa labas dahil lahat ng gusto mong puntahan ay malapit lamang.
Dagdag pa dito na malapit ito sa Hongik Universtiy Subway Train Station, kaya’t konektado ka sa lahat ng mga key areas ng Seoul, pati na ang AREX o ang Airport Express Train na magdadala sa yo ng derecho sa Seoul Incheon International Airport at Gimpo International Airport.
3. Bagtasin ang Hongdae, Hongik University area
Ang Grape Garden ay nasa gitna ng Hongdae area, isang lugar kung saan nandun ang Hongik University, at kilala sa tawag na Hongdae (Hangul: 홍대)—abbreviation ng Hongik Daehakgyo, o Hongik University (홍익대학교).
Ang Hongik University ay isa sa top fine arts colleges sa South Korea. Kaya naman paglabas pa lang ng guesthouse, puro kabataang Koreano at iba-ibang lahi din ang makakasalubong mo. At dahil nga mga estudyante at kabataan ang market ng lugar na ito, maraming mga murang pagkain at bilihin ang makikita dito.
Halos bawat kanto din ay may 7-11 at iba pang Korean Grocery Stores, kaya sa tuwing gugutumin kami, lalabas lang kami at bibili. Sa umaga, paglabas ay kape sa 7-11 ang unang binibili ko.
Makikita ang Hongdae sa mga KPOP dramas tulad ng The 1st Shop of Coffee Prince,
Mary Stayed Out All Night, Flower Boy Ramyun Shop at A Gentleman’s Dignity.
Ang Hongdae ay may Walking Street na Main spot o gitna ng Hongdae area na isang outdoor stage para sa mga indie band performance. Halos gabi-gabi ay may mapapanuod ditong magic show o musical performance. Sa plaza area, nandun ang lahat ng makakainan ng tradisyonal at makabagong Korean dishes.
May mga hotpot, BBQ at Korean Ramyeon (ramen), at mga kapihan at inuman din. Kilala kasi ang Hongdae bilang sentro ng urban arts at indie music culture, clubs at entertainment. Kaya nga buhay na buhay pa rin ang lugar kahit disoras na ng gabi.
Sa Mural Street naman makikita ang mga paintings (mula graffiti pati artistic design), kaya’t tinawag itong ‘Picasso’s Street’ at kilalang dating spot ng mga kabataan.
Ang puntahan ng lahat ay an Hongdae Free Market tuwing Linggo, mula Marso hanggang Nobyembre sa Hongik Children’s Park, sa tapat ng main gate ng Hongik University. May mga tiyangge ng hand-made products at art exhibitions dito.
Sa paglalakad, makakarating ka sa mga flagship stores ng Etude House, Nature Republic, Innisfree, pati Cartoon Network shop, MCM bag, Adidas, Hello Kitty Cafe.,Kakao Friends, at napakaraming Korean brands ng damit, sapatos at iba’t ibang souvenirs. Hindi mawawala ang mga tindahang may mga KPOP souvenirs, CDs, at posters. Kaya naman dito pa lang ay hindi na mawala ang ngiti ng mga anak ko.
Ang unang family meal namin, sa unang araw ng taong 2018 (January 1, 2018 kami dumating sa Seoul), napili naming pumasok sa isang restawran na wala pang tao nang oras na iyon (mga alas-6 ng gabi). Halos lahat ng dine-in restaurants sa Hongdae ay hotpot at BBQ ang set-up at specialty. Sa halagang 35,000 won, kumain kami ng 3 klase ng pork cuts o Samgyeopsal, at tig-isang tasa ng kanin. Kasama na ang lahat ng gulay at sawsawan, pati sabaw, at syempre pa, ang kimchee. Kami ang nagluto sa hot-plate griller at kahit walang timpla, napakalinamnam ng bawat kagat. Mayron din chicken at beef options, para sa ayaw ng pork, at syempre pa, may mga vegetarian meals din.
4. Tikman ang Street Food
Photo from: Anna Santos Villar
Kilala ng lahat ang napakasarap nilang street food na nagtitinda ng iba’t ibang inihaw at piniritong pagkain. Mayron ding sabaw—na pinakanagustuhan namin dahil na rin sakto sa napakalamig na winter weather noong nagpunta kami.
Kaya’t pagkatapos maglakad-lakad, tumititigil kami sa food stands at nagmemeryenda ng Gimbap (parang sushi rolls ng Japan), Twigim (parang tempura) o deep-fried vegetables, Tteokbokki (rice cakes na nakababad sa maanghang na sauce), at ang malinamnam na Fish Cakes/ Odeng/Uhmook, na may kasamang mainit na sabaw.
May mga fried squid din at hotdog (na parang corn dog), at samu’t sari pang kakainin na tamang tamang pang-madaliang kainan.
Pero sa Myeong-Dong namin natikman ang ilan pa sa mga pinakamasasarap na street food tulad ng egg-bun, lobster cake, at Korean sausage. Dapat ding matikman ang Korean beer na bagay sa mga maaanghang na pagkain nila. Pero banana milk ang paborito ni Ally.
Tinikman din namin ang sikat na Beef Bulgogi, at Bibim Naengmyeon, at Budae jjigae (see photo), na pawang maaanghang. Ang Samyetang o ginseng chicken soup (parang tinola) ang paborito ko dahil bagay sa lamig ng panahon noon.
5. Mag-shopping sa Myeong-Dong
Hindi maaaring hindi pumunta sa underground shopping mall na ito sa Myeongdong subway station, dahil nandito ang lahat ng KPOP merchandise sa Seoul. Nakatatlong balik kami sa lugar na ito, halos bawat araw, hanggang sa huling araw, ay namimili pa rin ang mga anak ko ng KPOP souvenirs nila. Mula medyas, key chains, notepads, magnets, postcards, stickers, payong, pamaypay, kalendaryo, libro—lahat ay nandito. Dito rin ako namili ng mga Korean souvenirs tulad ng magnets at bookmarks.
Napakaraming mabibili rin para sa bata at mga mahilig sa damit, sapatos at make-up. Pati mga kilalang Korean snacks tulad ng Honey Butter Almond at Wasabi Almond, salted seaweed snacks o Gim, at Pocky at kung anu-ano pa.
Ang Myeong-dong ang main shopping at tourism district ng Seoul. Pag-akyat sa kalye mula sa subway, itutuloy pa rin ang pamimili dahil mas malalaking tindahan ang nandun, tulad ng Uniqlo, Olive Young, Line Friends, Missha, The Face Shop, at mga malls tulad ng Lotte Department Store, Shinsegae Department Store, Migliore, M Plaza, and Noon Square.
Sa bawat sulok, at lang hakbang, makakakita ng tindahan ng KPOP at K-Drama items. May mga silicone bracelets, cut-out dolls, unan, coin banks, tumblers, posters, CDs, CD/DVD-cases, mini notepads at notebooks, pati ballpen, at mga damit at jacket.
Sa Nature Republic sa Myeong-Dong madalas nagkakaraon ng EXO fan signings, at kung saan din madalas namamasyala ng mga miyembro ng EXO. Nasa third floor, ang music store na palaging fully stocked ng lahat ng album ng Kpop bands pati na rin boxed seasons ng K-dramas.
6. Puntahan ang SM COEX Artium
Ito ang isa sa highlight ng biyahe namin. Para silang napunta sa isang magical place, nang marating namin ito. Tahimik at nanlalaki ang mga mata, at makikita mo ang saya nila. “Ito ang Disneyland ng mga KPOP fans,” paliwanag ng mga anak ko. “The happiest place on earth, indeed,” sabi nila.
Ang COEX Artium ay lugar isang napakalaking musicial performance hall na may capacity na higit sa 800 seats. Dito rin makikita ang SMTOWN na tinaguriang Theme Park in the City ng Korea at KPOP fans. Sa ibaba, sinalubong na kami ng isang munting memorial para sa kamamatay lang na miyembro ng KPOP band na SHINee, na si Jonghyun.
Mga bulaklak at post-it notes mula sa mga nagdadalamhating fans ang nakapaskil sa dingding ng entrance. Sa itaas naman mapupuntahan ang SUM Celebrity Shop, kung saan makakabili ng mga bagay na sinuot at ginagamit ng mga KPOP celebrities, tulad ng make-up, damit, bag, sapatos, kasama na rin ng mga personal logos nila, posters, at samu’t saring merchandise.
May mga exhibit halls na puno ng larawan at protraits ng mga KPOP stars, pati costumes na ginamit nila sa mga MTV at concerts. Sa ikatlong palapag, nandun ang SMTOWN Studio kung saan madalas nagrerecording ang mga KPOP stars ng mga kanta nila. Dito pwedeng mag-vocal training, dance training, magpa-hair at makeup, styling, pictorial, at recording, kahit hindi ka celebrity.
Ang paborito ko ay ang SUM Cafe at Market kung saan pwede kang umupo at magkape, at pumili ng cupcake na naka-disenyo sa paboritong mong KPOP band o artist. Ang mga puting upuan ay may autograph ng mga pinakasikat na KPOP stars din kaya’t umiikot ang mg anak ko at naghahanap ng upuan na may paborito nilang artist. May mga tinda ring chocolates, nuts, at iba pang pagkain sa mini market, na sinasabing pili at paborito ng mg KPOP stars.
Sa pinakaitaas makikita ang theater, kung saan makakapanood ng mga KPOP concerts ng libre, at may bayad din. May mga hologram at live musicals at concerts na ginaganap sa SMTheater. Nasa labas ang Panavision na may mga upuan din, para magpalipas ng oras habang nanonood ng mga paboritong music videos.
Dito rin ginaganap ang mga fan meetings at showcases ng mga KPOP stars. Nag-enjoy ako sa malaking selfie studio kung saan pwede kang magpakuha ng picture na may disenyo ng napiling KPOP band o artist, sa halagang 5,000 won. Naka-print ito sa isang 8x10in na photo paper, na sulit nang souvenir naming apat.
7. Mamasyal sa Gyeongbokgung Palace, 161, Sajik-ro, Jongno-gu, Seoul
Itinayo noong 1395, ang Gyeongbokgung Palace ay nasa gitna ng lungsod, at kilala sa tawag na Northern Palace. Hindi na namin narang ang Changdeokgung (Eastern Palace) at Gyeonghuigung (Western Palace) Palace, pero ang tatlong ito ang mga palasyong dapat puntahan kapag nasa Seoul. Ayon sa marami, ang Gyeongbokgung Palace ang pinakamaganda at pinakamalaki.
Nakamamangha ang makasaysayang lugar na ito, na naging seat ng Emperor noong Joseon Dynasty. Dito rin makikita ang National Palace Museum of Korea (sa Heungnyemun Gate) at National Folk Museum (sa eastern side).
Di nakakapagtaka na ito ang karaniwang lokasyon ng mga K-drama, lalo na kapag romantic o historical, lalo kapag ang setting ay noong Joseon era, tulad ng historical time-travel drama na Deserving of the Name na pinagbidahan nina Kim Nam Gil at Kim Ah Joong.
Kungdi lang malamig ay nagsuot na rin sana ako ng Hanbok, ang tradisyonal na costume ng mga Koreano. Kapag suot mo ang Hanbok, libre ang pagpasok sa Gyeongbokgung. Maraming mga rentahan ng Hanbok, paglabas pa lamang ng subway sa Bukchon, di-kalayuan sa Gyeongbokgung Palace.
Dito kami nagtagal dahil na rin sa pagkuha ng mga litrato, lalo na ni Alden, na siyang mahilig sa photogrpahy. May café at souvenir shop kung saan pwede magpahinga, at kung saan kami umupo lang at nagmasid sa ganda ng lugar. Malinis din ang mga mga toilet nila kaya’t walang problema kung abutin ng matagal sa loob.
Sa huling araw, sinulit pa rin namin ang Seoul dahil sa loob pa lamang ng Incehon International Airport, parang isang napakalaking mall na. May sinehan, lahat ng luxury brands, at lahat ng klase ng pagkain at meryenda sa loob. May mga activities din madalas para sa mga KPOP fans tulad ng mga concerts at music festivals.
Napakasaya ng naging bakasyon na ito. Pinili naming pumunta ng winter dahil nga sawa na sa init at ulan ng Maynila. Ayon sa mga Koreano, magandang pumunta ng spring para makita ang pamumukadkad ng mga bulaklak at puno, at hind gaanong malamig.
“Surreal”, sabi nga ni Ally, dahil parang panaginip lang. Marami pa kaming hindi napuntahan kaya’t plano pa naming bumalik para mas marami pang madiskubre at maranasan sa napakagandang bansa na ito.
READ: Taeyang and Min Hyo Rin just got married!
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!