Kamakailan lang ay na-involve ang aktres na si Kris Aquino sa ilang mga legal na isyu. At dahil dito, lumabas rin ang balita na mayroong matinding karamdaman na lupus ang aktres.
Bagama’t matagal-tagal na hindi gaanong aktibo si Kris sa telebisyon, nagdesisyon siyang maglabas ng series ng mga video sa kaniyang kaarawan para sa mga fans. Nais niya sanang mag-konekta sa kanila, at ibahagi ang kaniyang mga naging karanasan sa buhay.
Ating alamin kung anu-ano ang mga naibahaging aral ni Kris Aquino.
Kris Aquino, nagbahagi ng mga karanasan sa Facebook
Ang mga nag-interview kay Kris ay ang kaniyang mga kaibigan na sina Ogie Diaz, at Dindo Balares. Ayon kay Kris, nais raw kasi niyang makasama ang kaniyang mga fans sa kaniyang kaarawan. Ngunit nag-promise raw siya sa kaniyang mga anak na si Bimby at Josh na magse-celebrate sila sa kaniyang birthday. Kaya’t nagsagawa na lang ng serye ng mga interview ang aktres para magbahagi ng mga kuwento tungkol sa kaniyang buhay.
Dito, sinagot ni Kris ang ilang mga patama sa kaniya, partikular na ang mga isyung lumabas sa nakalipas na taon. Ayon kay Kris, hindi raw naging madali para sa kaniya ang aminin na mayroon siyang karamdaman.
Ngunit napagdesisyunan niya na gusto niyang maging matapat sa kaniyang mga fans, kaya’t hinarap niya ang mga isyung ito. Naapektuhan rin daw ng kaniyang karamdaman ang mga endorsements niya, at ang ilan raw sa mga ito ay hindi na nag-renew matapos malaman na siya ay mayroong sakit. Ngunit nagpapasalamat pa rin siya sa mga taong hindi nawala ang tiwala sa kaniya.
“Weakness is not allowed”
Natanong rin ni Ogie na maraming tao ang nagsasabing baka nagsisinungaling lang daw si Kris. Ito ay dahil tila hindi nanghihina ang aktres, at mukha naman itong malusog at malakas.
Sinagot ito ni Kris at sinabing tinuruan raw siya ng kaniyang ina na “weakness is not allowed.” Ito ang dahilan kung bakit bagama’t mahirap, hindi raw niya ipapakita sa mga tao na nanghihina siya. Dagdag pa ni Kris na mayroong mga araw na talagang nanghihina siya. Sinabi rin raw ng mga doktor na kakaiba ang kaniyang mga sintomas kaya’t hindi madali ng gamutin.
Sinabi pa ni Kris na hindi raw ito naging madali para sa kaniyang mga anak. Dahil kinailangan rin nilang mag-adjust sa kaniyang naging karamdaman.
Ayaw niyang mawalan ng ina ang kaniyang mga anak
Naikwento ni Kris na hinihiling niya sa Panginoon na sana ay humaba pa ang kaniyang buhay. Para sa kaniya, hindi niya gustong mawala ng maaga bago pa lumaki ang kaniyang mga anak. Lalo na at 11-taong gulang pa lamang ang anak niya na si Bimby. Aniya, ayaw raw niyang maging alagain ng kaniyang mga anak.
Sa ngayon raw ay ginagawa niya ang lahat para maibigay ang mga pangangailangan ng kaniyang anak. Gusto rin daw niyang dagdagan ang masasaya nilang mga alala. Yun daw ang parati niyang ipinagdadasal, dahil ang kapakanan ng kaniyang mga anak ang pinakamahalaga ngayon para sa kaniya.
Basahin: Kris Aquino: “Niloko ako sa pinaghirapan kong pera.”