Isang ina ang kamakailan lang ay nagbahagi ng isang kakaibang larawan sa social media. Dito, kinuhanan niya ng letrato ang kaniyang breastmilk na nagbago ng kulay. Aniya, ang pagbabago ng kulay ng breastmilk raw ay dahil sa pagkakaroon ng sakit ng kaniyang anak.
Posible nga ba itong mangyari? Ating alamin ang mga detalye ng kwentong ito.
Pagbabago ng kulay ng breastmilk, bakit ba nangyayari?
Sa post ng inang si Jody Danielle Fisher, mula sa UK, ibinahagi niya na katatapos lang raw magpabakuna ng kaniyang anak. Dalawang araw matapos ang pagpapabakuna ng kaniyang anak, napansin ni Jody na tila iba na ang kulay ng kaniyang breastmilk.
Ito raw ay naging kulay blue sa halip na puti, at sa tingin niya ay mayroon itong kinalaman sa pagpapabakuna ng anak.
Kapag binabakunahan ang isang bata ay normal nang magkaroon sila ng lagnat, dahil naninibago pa ang kanilang katawan sa vaccine. Sa tingin ni Jody, inakala siguro ng kaniyang katawan na mayroong sakit ang kaniyang anak, kaya’t binago nito ang kaniyang gatas, at pinuno ng mga antibodies upang labanan ang sakit.
Dagdag pa ni Jody, wala raw siyang kinain na kahit ano na posibleng bigyan ng kulay ang kaniyang gatas. Ito rin daw ang dahilan kung bakit pinili niyang mag-extended breastfeeding, dahil sa mga benepisyo na bigay ng gatas ng ina sa kaniyang anak.
Mabilis na nag-viral ang post ni Jody, at maraming mga ina ang sumang-ayon sa kaniyang karanasan. Ayon sa kanila, nagbabago raw ang kulay ng kanilang gatas kapag nagkakasakit ang kanilang anak.
Posible bang magbago ang kulay ng breastmilk kapag may sakit ang baby?
Ang pagbabago ng kulay ng gatas ng ina ay hindi na bagong pangyayari. Dati nang alam ng mga doktor na nagbabago ang nutrisyon sa breast milk ng ina depende sa kung gaano kalusog ang kaniyang anak. Kaya’t hindi rin malayo na magbago ang gatas para tumulong sa paggamot ng mga batang mayroong sakit.
Kaya napakaimportante sa mga ina na magpasuso ng kanilang mga anak, dahil ito ay nakakatulong upang palakasin ang kanilang mga baby, at nakakatulong rin kapag nagkakasakit sila.
Hangga’t-maaari ay dapat breastmilk lamang ang ibigay ng mga ina hanggang sa maging 6 na buwan na ang kanilang mga baby.
Source: The Sun
Photo: Facebook.com
Basahin: Breast milk, nakakatulong panlaban sa tigdas