Noong hindi pa ako nanganganak akala ko arte-arte lang ang postpartum depression. Nakikita ko lang ‘yon sa mga social media, ‘yong mga nababalitang halos mabaliw after giving birth.
Ngayong nakapanganak na ako napagtanto ko na totoo pala, tunay nga pala kasi nakaramdam ako ng pagkalungkot na halos gabi-gabi umiiyak ako nang ‘di ko malaman ang dahilan kung bakit? Ito ang kwento ng postpartum depression na naranasan ko noon.
Siguro dahil lagi ko pa rin naiisip ang anak ko na nagkasakit siya dahil sa akin. Nagkasakit kasi ako noong ipinagbubuntis ko siya. Halos parang mabaliw-baliw na ako kaiisip ng hindi ko naman alam ang aking iniisip.
Nakakaloka hindi ba? Gusto ko na lang iiyak lahat ng sakit na nasa dibdib ko pero hindi ko alam kung papaano mawawala ito.
Kwento ng naranasan kong postpartum depression
June 4, 2020 ipinanganak ko ang aking baby at sa ‘di inaasahang pangyayari ay na-confine siya sa NICU at naiwan sa Hospital almost 1 week.
But now she’s healthy and thanks be to God! Dito nagsimula ang depression ko ng na-confine siya, halos gabi-gabi nag-iisip ako na baka bumalik ang sakit ng anak ko ano na lamang gagawin ko?
Isa rin akong breastfeeding mom and as a first time mom. Nahirapan ako magbreastfeed bukod sa nagsugat ang nipple ko naranasan ko rin lagnatin noong mga panahon na babago-bago pa lang ako nagpapadede.
CS mom din ako kaya doble ang kirot na nararamdaman ko.Yes, CS mom ako at siguro marami sakin makaka-relate na mommies.
Bukod sa opera kong kumikirot ay nahirapan ako magpadede kay baby kasi left breast lang nadededehan niya sakin dahil inverted ‘yong right nipple ko kaya ayaw niya dumede.
Nang nag-one year old na si baby malimit siya madapa at maumpog ang ulo. Madalas siyang masaktan dahil malikot na siya. One time tumalsik siya at napaumpog ang may bandang likod ng ulo niya. Sinabi ng iba na masama ang pagkakaumpog niya, delikado raw ito lalo na baby pa siya.
Sobrang lakas ng talsik niya dahilan para mag-alala ako ng husto. Sobra rin ang takot ko at umiyak ako ng umiyak hanggang sa isip na lang ako ng isip kung anong dapat kong gawin.
BASAHIN:
Mom confessions: “Sinabi ng nanay ko na kaartehan lang ang postpartum depression ko.”
Nilapatan ko siya ng paunang lunas ang pagdadampi ng yelo sa kanyang ulo. Inobserbahan ko muna siya kung may kakaiba sa kanya hanggang kinabukasan naalala ko pa rin ‘yong ulo niya
Gusto ko na siya dalhin sa ospital para mapa-check sa pedia niya. Pero okay naman siya at wala ng dapat ikabahala, ngunit ‘di pa rin mawala sa isip ko ang pangamba na baka may namuong dugo sa kanyang ulo.
Overthinking na talaga ako simula ng magka-baby, kung pwede lang sana hindi na siya magkasakit at ako na lang.
Kung minsan nawawalan na ako ng kumpiyansa sa sarili. Naiiinggit ako sa iba na may trabaho na at successful na sa buhay nila. Graduate ako ng BS in Industrial Education kaya lang hindi pa ako makapag-take ng LET dahil walang mag-alaga sa baby ko.
Kaya kung minsan naiisip ko na wala na akong pag-asa na makapasa sa board exam kasi hindi rin naman ako makapag-review. Sa sobrang stress ko kung ano-ano na naiisip ko.
Ang hirap pala ng may anak na. Pero naisip ko din kung wala akong anak ngayon wala akong rason para ipagpatuloy ang aking buhay dahil siya ang inspirasyon ko.
May mga tao rin na nagsasabi na bakit hindi ako magkapagturo sa school or mag-work sa office at ibang company. Bakit daw hindi ako mag-take ng LET sayang daw ako.
Pero hindi nila alam ang kalagayan ko. Ang mga tao talaga sa paligid natin minsan sila talaga ang dahilan kung bakit ka nada-down kung bakit bumababa ang tingin mo sa sarili mo. Ang totoo wala naman silang alam tungkol sa ‘yo, tungkol sa buhay na mayroon ka.
Kahit ganoon malaki ang pagpapasalamat ko sa pamilya ko
Mabuti na lang nandito palagi ang pamilya ko para i-motivate ako, para palakasin ang loob ko. Kaya ngayon happy na ako at hindi ko na iniisip kung ano man sasabihin ng iba sa akin.
Basta okay at masaya ako basta walang nagkakasakit sa aming pamilya. Una kasing maaapektuhan ang anak ko kung mag-iisip ako ng kung ano-ano pa.
Kaya inaalagaan ko ngayon siya nang mabuti para hindi na magkasakit pa. Para naman sa mga Nanay na tulad ko na nade-depress din at nakakaranas ng postpartum depression kaya ‘yan! Huwag kayo sumuko kasi ang mga anak natin sa atin ‘yan kumukuha ng lakas.
Kaya kung mahina tayo, mahina rin sila. Just live your life without fear. Kay Lord lang tayo matakot at ituro rin natin sa ating mga anak na matakot kay Lord. Si Lord ang unang-una na makakaintindi ng pinagdadaanan natin, sunod ay ang sarili natin at ang ating pamilya.