Kapag buntis ka, marami kang aalalahanin. Nandyan ang kaligtasan ng baby, kalusugan mo, mga kinakain, at maging mga cravings. Ang mga pimple at breakouts dapat ay hindi na problemahin. Ganunpaman, hindi dahil buntis ay kailangan nang hayaan ang pagdami ng mga pimples. Subalit, ligtas bang uminom ng Lactezin anti-acne treatment ang mga buntis?
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan, at napapanahon, ngunit, hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
Lactezin anti-acne treatment
Ang Lactezin anti-acne treatment ay isang gamot na mabibili sa mga botika tulad ng Watsons. Sa halagang P22.50 ay makakabili ng isang 100mg na capsule. Kilala ang Lactezin bilang mabisang panlaban sa tigyawat. Marami rin ang nagpapatunay na nakikita agad ang bisa nito mula sa 2 linggo pa lamang ng pag-inom. Ang maganda pa dito, hindi kailangan ng reseta para makabili ng Lactezin. Lactezin ang unang over-the-counter na gamot na anti-acne treatment sa Pilipinas.
Ang generic name ng Lactezin ay Lactoferrin + d-Alpha Tocopheryl Acetate +Zinc.
Active ingredients
Mayroong 3 pangunahing sangkap ang Lactezin. Ang tatlong ito ay ang kinikilalang active ingredients ng gamot. Ito ang mga nagta-trabaho para sa epekto ng naturang gamot.
Ang pangunahing sangkap ay ang lactoferrin. Bukod sa pagpapatibay ng immune system ng tao, mayroon itong protein na nagba-bind ng iron. Ang protein na ito ay may katangian na anti-bacterial at anti-inflammatory. Ito ang sangkap na lumalaban sa pagkakaroon ng mga pimple.
Ang nagpapanatili naman ng makinis na balat ay ang vitamin E. Pino-protektahan nito ang balat mula sa mga pinsala na maaaring idulot ng UV rays. Inaayos rin nito ang collagen at tumutulong na maiwasan ang pagkakaroon ng dry skin.
Matapos pakinisin at panatilihin ang makinis na balat, nandito naman ang zinc para lalo pang pagandahin ang balat. Mayroon itong anti-inflammatory effects at oil-regulating na katangian. Tumutulong ito para pagalingin at pasiglahin ang balat.
Tamang pag-inom ng Lactezin
Inirerekumenda na dalawang beses iinom ng Lactezin sa isang araw, isa sa umaga at isa sa gabi. Masmaganda na may pagitan na 8 hanggang 14 na oras sa bawat pag-inom ng gamot. Hindi kailangan na inumin ang Lactezin bago o pagkatapos kumain.
Kadalasan, 2 linggo pa lamang ng pag-inom ng Lactezin ay magsisimula nang makita ang epekto nito. Ganunpaman, makakabuting ipagpatuloy ang pag-inom nito para makita ang pinakabisa sa ika-8 hanggang ika-12 linggo. Inirerekumenda rin ang patuloy na pag-inom ng gamot para maiwasan ang pagbalik ng tigyawat.
Ligtas ba para sa mga buntis?
Mula 13 taong gulang ay ligtas nang uminom ng Lactezin maging babae man o mga lalaki. Ayon din sa mga pag-aaral ay ligtas ito kahit sa mga lactose-intolerant dahil sa sobrang kakaunting sangkap ng gatas ng bawat gamot. Subalit, ligtas ba ito para sa mga buntis?
Wala man pag-aaral na nagawa sa pag-inom nito ng mga buntis o nagpapasuso, ang Lactoferrin naman ay kinikilala ng US FDA bilang GRAS (generally regarded as safe). Sa totoo, ang breast milk ay may laman na lactoferrin. Matatagpuan din ito sa mga formula para sa mga sanggol.
Ang vitamin E ay ligtas na inumin ng mga buntis at maging mga nagpapa-breastfeed basta hindi lalagpas sa inirerekumendang daily allowance na 22.4 IU at 28.5 IU. Ang vitamin E sa Lactezin ay hindi lumalagpas sa inirerekumendang daily allowance. Bukod dito ay kilala din itong antioxidant at natural na natatagpuan sa mga pagkain.
Tulad ng vitamin E, ang zinc ay natural na natatagpuan sa mga pagkain. Ligtas din ito sa mga buntis at nagpapa-breastfeed basta hindi lalagpas sa 11mg hanggang 12mg araw-araw. Hindi humihigit dito ang zinc na makukuha mula sa Lactezin.
Ligtas man ito ayon sa mga pag-aaral o reasoning, makakabuti parin na magpakonsulta muna sa inyong duktor bago uminom ng ano mang gamot o kahit mga vitamins.
Basahin: Natural na lunas para sa tigyawat ng buntis