Nag-abiso ngayon ang kompanyang Mead Johnson Nutrition ng pagbawi sa merkado ng isang batch ng infant formula na Lactum para sa edad 0-6 months. Tinukoy ang hindi tugmang milk supplement powder sa loob ng mga pakete ng nasabing isang buong batch bilang sanhi ng kanilang pagsasagawa ng Voluntary Product Recall.
Lactum, nag-recall ng isang batch ng formula milk
Batay sa pahayag ng kompanya, nakatanggap ang MJN ng inquiry tungkol sa packaging ng produkto. Sang-ayon naman sa isinagawa nilang pag-iimbestiga, natukoy na Lactum 6-12 months ang nasa loob ng mga kahong 350g ng Batch PL9GDL5B, imbes sanang pang-zero to 6 months old na kanilang powdered milk.
Kaugnay nito, kasama sa inilabas na pahayag na “MJN has notified the relevant authorities and have transparently communicated our action and measures to protect the safety of our consumers.”
Ano ang dapat gawin kapag nakabili na ng gatas na ito?
Para naman sa mga mamimiling nakabili na ng nasabing produkto, maaaring mag-request ng replacement o refund para sa kanilang mga nabili nang kahon, ito man ay bukas na (opened) o hindi pa (unopened). Maaaring gawin ang sumusunod na pamamaraan para sa replacement o refund ng Lactum:
- Ibalik sa retail outlet na pinagbilhan ang Lactum, kasama ng official receipt o OR nito.
- Makipag-ugnayan sa MJN hotline sa (02) 841-8222 mula Lunes-Linggo nang 9 a. m. hanggang 6 p. m. Maaari ring mag-email sa meadjohnson.cares4u @mjn.com at ilakip ang impormasyon ng iyong pangalan, contact number, address, at kung ilan ang produktong ipapapalit o hihingian ng refund.
- Maaaring sagutin ang Talk to Us na form ng Lactum na maa-access sa https://www/lactum3.com/help-centre, lalo na ng mga nasa malalayong lugar, kalakip ang impormasyon ng iyong pangalan, contact number, address, at kung ilan ang produktong ipapapalit o hihingian ng refund.
Sa huli, tiniyak ng kompanya ang mga mamimili na tanging ang Lactum 350g carton batch PL9GDL5B lamang ang kanilang binabawi sa merkado at hindi ang iba pang Lactum products sa ilalim ng Mead Johnson Nutrition.
Basahin: Parents’ Guide: Tamang pagtimpla ng gatas ng sanggol