Anak na hindi nakuntento sa regalong BMW ng magulang, ito ang ginawa

Laki sa layaw, iyan kung maituturing ang isang binata sa India na itinulak sa ilog ang BMW na iniregalo sa kaniyang mga magulang. Ang dahilan? Mas gusto niya daw ang Jaguar. At ang regalong sasakyan ay maliit daw para sa kaniya at mga kaibigan niya.

Image from Fox News

Anak na laki sa layaw

Hindi akalain ng mga magulang ni Akashi, isang 22-year old na binata na kayang itulak sa ilog ng anak ang mamahaling sasakyan na ibinigay nila sa kaniya.

Ito ay isang white BMW na regalo nila sa anak para sa kaarawan nito.

Sa isang video makikita ang mamahaling sasakyan na lumulubog sa ilog ng Yamunanagar, Haryana sa northern state ng India.

Ayon sa police report, itinulak daw ng binata ang BMW sa ilog at saka kinunan ito ng video at inupload sa social media.

Na-disappoint daw si Akashi dahil ang gusto niya daw ay isang Jaguar at hindi BMW.

“I wanted to give my son a birthday present. We could only afford to give him a BMW, while he kept on insisting that he be given a Jaguar. He said the vehicle was too small but we thought he will be okay. We never imagined he would do anything like this.”

Ito ang pahayag ng ama ni Akashi sa isang interview.

Ayon sa mga pulis, arogante at mayabang daw ang laki sa layaw na binata na sinabing maliit daw para sa kaniya at kaniyang mga kaibigan ang iniregalong BMW ng kaniyang mga magulang. At ang mas mahal na sasakyang Jaguar ang gusto niya.

Samatala, para makuha mula sa ilog ang mamahaling kotse ay kinailangang gumamit ng crane. Inabot naman ng limang oras para tuluyang maiangat ang mamahaling sasakyan mula sa ilog.

At para hindi matulad sa laki sa layaw na binata ang iyong anak ay narito ang ilang tips o strategies na maaring gawin ng mga magulang.

Tips para hindi lumaking spoiled o laki sa layaw ang anak

1. Huwag gawing madali ang lahat sa kanila.

Ayon kay Elaine Rose Glickman, author ng “Your Kid’s a Brat and It’s All Your Fault”, hindi daw dapat laging pinapadali ang buhay ng iyong mga anak. Dapat daw ay hayaan silang mag-solve ng kanilang problema at huwag silang tulungan o bigyan ng oportunidad sa kada bagay na kanilang gagawin.

Dapat daw ay palakihin silang resourceful at masaya, at hindi pagbigyan at pasayahin sila sa kada kahilingan o gusto nila.

2. Maglagay ng limit.

Marami sa mga magulang ang hindi marunong magbigay ng limit sa anak. Madalas ang nagiging limit nila ay kapag ubos na ang kanilang pasensiya. Ngunit ito daw ay mali, ayon kay Dr. Laura Markham, isang clinical psychologist sa New York City at author ng librong “Peaceful Happy Kids: How to Stop Yelling and Start Connecting.”

Dahil kapag wala daw limit na ibinibigay ang mga magulang sa bata ay mas pinipilit nito ang gusto niya. Ngunit ang limit na itinutukoy ay hindi dapat sa pamamagitan ng marahas na paraan o punishment. Kung hindi sa isang paraan na firm at respectful parin para sa iyong anak.

3. Mag-set ng rules sa iyong anak.

Para mas mapadali ang pagseset ng limits sa iyong anak ay dapat magkaroon ka ng rules sa mga bagay o sa tuwing makikipag-usap sa kaniya. Kailangan mo ding maging clear sa values na gusto mong ituro sa kaniya at panindigan ito upang ito ay makasanayan at kaniyang kalakihan.

4. I-acknowledge ang kanilang feelings.

Kapag ang iyong anak ay malungkot o disappointed ay i-acknowledge ang nararamdaman niya. Ito ay para maramdaman nila na ikaw ay nakikinig at concern sa pinagdadaanan niya. Ngunit hindi dapat ito maging dahilan para makuha nila ang kanilang gusto. Sa halip iparamdam sa kanila ang iyong pagmamahal sa pamamagitan ng iyong pagsuporta at pagdamay sa kanila.

5. Huwag susuko o magpapadala sa pagwawala ng anak.

Kahit ano pang pagwawala ng iyong anak ay huwag na huwag susuko o ibigay ang gusto niya. Kailangan mong maging firm at strong para maisaisip niya na kahit anong gawin niya ay hindi mababali ang rules na iyong ginawa at kailangan niya itong sundin.

6. Maging role model sa iyong anak.

Ayon sa isang research, natutunan umano ng mga bata na i-regulate ang kanilang emosyon sa tulong kanilang ng mga magulang. Kapag madalas ay nagpapakita ka ng mabilis na pag-init ng ulo ay asahan mong ganoon din kabilis sumpungin ng tantrums ang anak mo. Ito ang dagdag na pahayag ni Dr. Markham.

Kaya sa susunod na uminit ang ulo mo, ay huminga muna ng malalim o magpunta muna sa ibang kwarto. Saka pakalmahin ang sarili bago humarap o makipag-usap sa iyong anak.

7. Aksyonan agad ang maling ginagawa ng anak.

Sa tuwing may ginagawang mali ang iyong anak ay dapat itama na agad ito. Tulad nalang sa tuwing sila ay nag-aaway ng kapatid niya. Mabuting makialam agad at pagsabihan sila sa kamalian na kanilang ginagawa.

8. Turuan sila ng sense of gratitude at generosity.

Ayon sa isang research, natuto ang isang bata na maging generous kapag naranasan niya ng magbigay o magbahagi ng kung anong mayroon siya sa iba. Lalo pa kung makita niya ang reaksyon o saya na idudulot nito sa iba na makakapagpa-realize sa kaniya na dapat siyang maging thankful sa kung anong mayroon siya.

Ngunit hindi dapat sila piliting gawin ito. Tulad ng pagbibigay ng mga pinaglumaan niyang damit o laruan sa ibang bata. Sa halip ay hayaan silang mag-contribute sa paraan na mararamdaman nilang nakakatulong sila sa iba.

9. Maging confident parent.

Kahit na minsan ay nakikita mong nalulungkot ang iyong anak sa pagdidisiplina na iyong ginagawa, ay hindi ka dapat bumigay. Dapat ay panindigan mo o maging confident ka sa pagdidisiplina iyong ginagawa dahil ito ay para naman sa ikabubuti niya.

10. Maging consistent sa pagdidisiplina ng anak.

Minsang kapag tayo ay pagod o kaya naman ay kokonti nalang ang oras natin sa ating mga anak ay hinayaan natin ang mga maling kinikilos nila. Hindi ito tama. Dapat ay maging consistent sa pagdidisiplina sa kanila para marealize nila na ikaw ang kanilang dapat sundin. At walang kondisyon silang pwedeng samantalahin para makuha nila ang anumang kanilang gustuhin.

 

Source: New York Post, Fox News Health

Photo: Manhattan News Group

Basahin: 4 na paraan para malaman kung spoiled ba ang iyong anak