Natagpuan na patay ang isang 4 na taong gulang na bata at ang kaniyang ama na si Rhandyl Cruz sa kanilang bahay sa Tondo, Manila. Hinihinalang pagka lason ang naging dahilan ng pagkamatay ng bata, habang suicide naman ang itinuturong dahilan ng pagkamatay ng ama.
Lason sa relasyon: Pagseselos
Noong nakaraang taon, umuwi si Pauline Cruz sa bansa matapos maging overseas Filipino worker sa Qatar. Bagaman hiwalay na sila at nakatira na sa magkaibang bahay, nagpapakita pa rin ng matinding selos si Rhandyl sa kaniyang asawa.
Ayon kay Pauline, hindi nagugustuhan ng asawa tuwing may nagla-like at nagko-comment na mga dati nitong katrabaho sa mga larawan nito sa Facebook. Pinaghihinalaan ni Rhandyl ang kaniyang misis na mayroong ibang karelasyon.
Dahil sa pagka lason sa isip na ipinagpalit siya ng kaniyang misis sa iba, tinutukan ni Rhandyl si Pauline ng kutsilyo at pinagbantaang sasaksakin. Napigilan ito ng kanilang 17-anyos na anak na lalaki.
Ngunit isang araw makalipas ang pagbabanta sa buhay ng misis, tila napagbuntunan naman ni Rhandyl ng kaniyang galit ang kanilang 4 na taong gulang na anak na lalaki.
Lason ang ginamit sa pagpatay
Kahapon, Marso 11, ay nakita na lang na patay ang mag-ama sa kanilang kuwarto.
Ayon sa initial na imbestigasyon ng mga pulis, hinihinalang pina-inom ni Rhandyl ang kaniyang anak ng lason dahil sa nakitang kalahating bote ng muriatic acid sa tabi ng kama ng bata.
Ang katawan naman ni Rhandyl ay nagtamo ng tatlong saksak sa dibdib. Hinihinala naman ng mga pulis na siya mismo ang gumawa nito sa sarili.
Natagpuan ang bangkay ng dalawa ng kapatid ng biktima at ng tiyahin nito.
Ayon sa pulisya, magsasagawa ng autopsy sa mag-ama.
Panoorin ang report dito:
Lamat sa relasyon
Hiwalay man ang mag-asawa, hindi nito ibig sabihin na hindi na maaaring magkaroon ng maayos na relasyon, mas lalo na kung may anak o mga anak.
Hindi man naging happy ending ang pagsasama ninyo, hindi ibig sabihin na hindi kayo puwedeng maging magulang sa inyong anak. Ang importante ay magkaroon ng mabuting komunikasyon sa isa’t isa.
Mahalagang pag-usapan muna ang mga bagay, at huwag paunahin ang init ng ulo. Kapag mayroon kayong hindi pagkakaunawaan, ugaliing pakinggan muna at intindihin kung ano ang gusto niyong iparating sa isa’t-isa. Hindi naman dapat maging kompetisyon ang pag-aasawa, at hindi kailangan na mayroong “manalo” sa mga diskusyon.
Ang mahalaga ay hinaharap ninyo nang maayos ang inyong mga problema, at hindi ito hinahayaang lumaki.
Hindi rin dapat umabot sa sakitan, o gantihan ang mga away ng mag-asawa. Walang mabuting maidudulot ang ganitong pag-uugali, bagkus lalo pa itong makakasama sa inyong samahan bilang magulang, at posibleng makasama sa inyong mga anak.
Sources: Yahoo, ABS-CBN News