Isang lalaki mula sa Dumaguete ang walang awang pinatay ang buntis na asawa gamit ang isang unan. Paano kaya ito nagawa ng suspek, at ano ang nagdala sa kaniya upang gawin ang krimen?
Selosong asawa, pinatay ang buntis na misis
Ang biktima ay isang buntis na public school teacher na si Virginia Montesor. 7 buwang buntis raw ang ina nang siya ay patayin ng asawa na si Ronald Montesor.
Ayon sa ulat ng pulis, humihingi raw ng counseling ang mag-asawa mula sa isang pastor na malayong kamag-anak ni Ronald. At kinailangan daw na matulog ng mag-asawa sa compound ng simbahan dahil bahagi ito ng counseling na ginagawa sa kanila.
Ngunit noong umaga daw ay nakita na lang ng pastor ang walang buhay na katawan ni Virginia. Nang makita raw ang bangkay ay humingi ng tulong sa pulis ang pastor, at pinigilan nitong tumakas ang suspek.
Di nagtagal ay nakarating din ang mga pulis sa simbahan, at nahuli rin ang suspek.
Selos daw ang naging dahilan para sa karumal-dumal na krimen. At ayon sa pulis, inamin din ng suspek ang kaniyang ginawa, ngunit ayaw sabihin kung saan nagmula ang pagseselos. Gumamit daw siya ng unan para takpan ang mukha ng asawa at pigilan ang paghinga nito.
Naka-detain ngayon si Ronald sa Dumaguete City Police Station, at kakasuhan ng murder.
Away mag-asawa, hindi dapat hayaang lumala
Bahagi na ng buhay mag-asawa ang pagkakaroon ng hindi pagkakaunawaan. Ito ay dahil magkaiba kayong tao ng iyong asawa, at hindi palaging nagtutugma ang inyong mga opinyon tungkol sa mga bagay-bagay.
Ngunit hindi dapat ito maging dahilan upang magkaroon ng malaking lamat ang inyong pagsasama.
Mahalagang pag-usapan muna ang mga bagay, at huwag paunahin ang init ng ulo. Kapag mayroon kayong hindi pagkakaunawaan, ugaliing pakinggan muna at intindihin kung ano ang gusto niyong iparating sa isa’t-isa. Hindi naman dapat maging kompetisyon ang pag-aasawa, at hindi kailangan na mayroong “manalo” sa mga diskusyon.
Ang mahalaga ay hinaharap ninyo ng maayos ang inyong mga problema, at hindi ito hinahayaang lumaki.
Hindi rin dapat umabot sa sakitan, o gantihan ang mga away ng mag-asawa. Walang mabuting maidudulot ang ganitong pag-uugali, bagkus lalo pa itong makakasama sa inyong samahan, at posibleng makasama sa inyong mga anak.
Source: Yahoo
Basahin: Lalaki, pinatay ang anak dahil ayaw makipag-sex ni misis
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!