Ang pagbubuntis, panganganak, at pag-aalaga sa isang sanggol ay nakakapagod. Kaya hindi nakakagulat na ayaw magsex ng asawa sa kaniyang mister ilang buwan pagkatapos manganak.
Hindi lang ito dahil sa kapaguran ng isang bagong ina sa pangangalaga kay baby. Dahil din ito sa pagbabago ng hormones sa katawan na nagpapawala ng kaniyang libido. Karaniwang naiintindihan ito ng mga tatay. Maliban lang sa nakalulungkot na katwiran ng isang ama na tinanggihan ni misis, kaya ibinuhos niya ang kaniyang galit sa sanggol na walang kamalay-malay.
Mga pangyayari noong gabing iyon
Lumabas ang mga ulat tungkol sa isang batang ama na pumatay ng kaniyang anim-na-buwang-gulang na anak, dahil lang ayaw magsex ng asawa nito.
Naaresto ang 25-taong-gulang na Brazilian na si Maycon Salustiano Silva ngayong buwan dahil sa kagulat-gulat na krimen. Kinasuhan siya sa pagbaril sa sarili niyang anak pagkatapos makipag-argumento sa 20-taong-gulang niyang asawang si Jeniffer sa Luziana, Brazil.
Lubhang nasugatan ng sarili niyang ama, sinugod sa ospital si baby Michel dalawang oras matapos ang pag-atake, sabi ng mga ulat. Sa kasamaang palad, huli na ang lahat, at ang sanggol ay idineklarang patay.
Ibinunyag ng mga imbestigasyon na isang .22-kalibreng baril ang itinago sa likod ng padding ng sofa na nasa sala ng bahay ng pamilya.
Ani Silva, na ayon sa ulat ay nakainom ng alkohol at gumamit ng marijuana, “hindi niya naalala ang nangyari.”
Ang tingin ng mga imbestigador
Si Daniel Martins Ferreira ang imbestigador nakaatas sa kaso. Ayon kay David, suspetsa ng mga pulis na binaril ni Silva ang anim-na-buwang-gulang na si Michel dahil hindi nito napigilan ang kanyang galit.
“Naniniwala kaming sa galit ng suspek nang ‘di niya nakuha ang gusto niya, binaril niya nang malapitan ang kanyang anak sa pamamagitan ng pagtutok ng baril sa dibdib ng sanggol habang nakahiga ito sa kwarto ng kanyang mga magulang,” paliwanag ni Ferreira.
Dagdag niya, “ipinahayag ng ina na ginising siya ng kanyang asawa dahil sa kagustuhan nitong makipag-sex. Sinabi niyang pagod siya at ‘ayaw niya.’ Tila nairita ang lalaki at ginulpi siya sa kanilang argumento.”
Sa gitna ng kanilang pag-aaway, iniulat na umalis si Silva para kumuha ng tubig. Ngunit bumalik siyang may hawak na baril—at itinutok ito sa nangangamba niyang asawa.
Binalaan diumano ng lalaki ang asawa na papatayin niya ito. Nagmakaawa si Jennifer kay Silva na manatiling kalmado. Ngunit lalo lang lumala ang galit ni Silva.
Ayon sa imbestigador na si Ferreira, “pahayag ni Jennifer na ibinaling niya ang baril sa kanilang anak at itinutok ito sa kanyang dibdib habang sumisigaw kung naniniwala ba siyang may lakas siya ng loob na barilin ang kanilang anak. Tsaka niya diumanong binaril ang bata.”
Salaysay ng mga kapitbahay
Nabalitaan ng mga pulis ang kaganapan nang tinawagan sila ng mga kapitbahay alas-tres ng umaga matapos marinig ang mga sigaw ni Jennifer. Ngunit hindi nahanap ng mga pulis ang saktong bahay ng mag-asawa, kaya nagdesisyon silang ikansela ang paghahanap.
Pahayag ng isa sa mga kaptibahay, na ninais na huwag mapangalanan, biglang natigil ang ingay. “Desperado ang ina, narinig siyang sumisigaw at humihingi ng saklolo, nang bigla siyang tumigil, at nanahimik ang lahat,” sabi ng kapitbahay.
Humigit-kumulang sa dalawang oras matapos tinawag ang mga pulis, dumating ang isang ambulansiya sa bahay ng pamilya.
“Hindi namin alam kung bakit natagalang tumawag ng ambulansiya para sa bata, pero pahayag ng ina na matapos ang barilan, hinimatay ito at hindi niya alam kung gaano katagal itong nangyari,” dagdag ni Ferreira.
“Sinabi ni Jennifer na hindi niya maalala ang pagsigaw at naniniwala kaming siya ay nasindak. Nang siya ay nahimasmasan, napagtanto niya ang nangyari at tumawag siya sa emergency services, ngunit patay na ang kanyang anak,” ulat niya.
Unang anak nila si baby Michel.
Si Silva, na walang nakatalang krimen, ay inaresto at kinasuhan ng manslaughter at illegal possession of a weapon. Inakusahan din siya ng domestic violence.
Kawalan ng sex matapos ang panganganak: pananaw ng isang bagong ina
Gaya ng nabanggit sa unang bahagi ng artikulong ito, ang pagsilang sa isang bata ay nagdudulot ng mga emosyonal, pisikal, at hormonal na pagbabago sa isang babae. Ang lahat ng ito, kabilang ang pisikal na sakit sa paghihilom ng mga sugat (at iba pa), ay karaniwang dahilan kaya ayaw magsex ng asawa.
Para sa ibang mga babae, ang kawalan ng libido ay tumatagal lang ng ilang linggo. Nararanasan ito ng iba nang mas matagal, hanggang ilang taon. Ito ay normal. At kailangan itong maintindihan ng mga ama.
Kailangan nilang maintindihan na ang pakikipagtalik para sa isang bagong ina ay masakit, dahil sa:
- Pagkatuyo ng ari
- Masakit na penetration
- Pananakit tuwing nakikipagtalik
- Pananakit tuwing orgasm
- Pagsikip ng ari
- Pagluwag ng ari
- Pagdudugo o pangangati pagkatapos ng pagtatalik
Sa kalunos-lunos na balita ng pagkamatay ng isang sanggol, malinaw na kailangan ang mas malawak na kamalayan tungkol sa mga isyung postpartum na hinaharap ng mga bagong ina. Ang kamalayang ito ay dapat ding maibahagi sa mga ama.
Nakikiramay ang theAsianparent sa inang nawalan ng kanyang anak.
References: Journal of Family Health,Mirror
Isinalin mula sa wikang Ingles ni Diona Valdez
Basahin: Paano lalabanan ang postpartum anxiety
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!