Ano ang postpartum depression sa tagalog at paano nga ba ito ipapaliwanag? Una sa lahat, nakakatakot maging isang ina. Mahirap aminin pero totoo at walang inang hindi naramdaman ito, kahit gaano pa siya katapang. Biruin mong pagkatapos mong pagdaanan ang lahat ng pagbabago sa katawan at emosyon mo sa loob ng 9 na buwan, ang pag-aalaga naman sa napakaliit na sanggol mong tangan ang haharapin mo. Paano mo masisiguro na masaya siya at malusog, walang sakit, at ligtas? Self-doubt ang mamamayani at habang lumilipas ang araw, habang wala kang tulog, pagod sa pagpapatahan at pagpapasuso, pagpapalit ng lampin, at pag-aalala, lalong lumalala ang anxiety.
Ano ang postpartum depression sa tagalog o layman term?
Image from Freepik
Baby blues ang layman term nito at ito ay ang pag-aalala at lungkot na nararamdaman ng mga bagong panganak na ina. Pero ang postpartum anxiety ay ang labis labis na pag-aalala, at dala ito ng napakalaking pagbabago sa buhay ng isang babae, kasama pa ang hormonal changes at pisikal na pagkapagod mula pagbubuntis hanggang sa panganganak. Sa mga pag-aaral, labis sa 80 percent daw ng mga bagong ina ang nakakaranas nito. Ang baby blues at postpartum anxiety ay kusang nawawala o nareresolba ilang linggo o ilang buwan, basta’t may suporta at gabay para sa mga ina. Bagamat sa isang pag-aaral sa University of British Columbia, nakita na ang anxiety at labis na pagkalugmok ay nakakaapekto sa 15 percent ng mga nagbubuntis, at 17 percent naman ng mga kababaihan na nasa mga unang linggo ng pagkapanganak ay nakakaranas ng postpartum anxiety.
Mga unang hudyat ng anxiety
Ano ang postpartum depression sa tagalog o layman term? May iba’t ibang partikular na dahilan ang bawat ina kung bakit sila nag-aalala. May mga hindi nakakatulog dahil nakatitig lang sa sanggol dahil takot sa SIDS; mayrong hindi na makakilos at walang ibang iniisip kundi ang kaniyang sanggol, na hindi na siya lumalabas ng bahay o nakikipag-usap sa ibang tao.
Maraming ina ang nagsasabing para kang nababaliw—ito ang pakiramdam.
Malawak at malalim ang kahulugan ng “anxiety”. Pero may mga karaniwang sintomas na maaaring hanapin para malaman kung ito ay postpartum anxiety nga.
- Palaging takot at nag-aalala, kahit sa maliliit na bagay, na ito na lang ang laging laman ng isip.
- Iritable, laging inis o galit, di mapakali, biglang sumisigaw dahil sa galit kahit maliit na bagay lang, na pati mga anak ay nasisisgawan na rin,
- Mabilis lagi ang tibok ng puso at may palpitations – minsan ay may panic attack
- Di makatulog.
- Umiiyak ng walang dahilan.
- Nagtatago sa lahat ng tao at ayaw makipag-socialize, at kung lalabas man, palaging takot at nakangiti pero hindi naman talaga masaya.
- Kahit nagpapahinga, stressed pa rin ang nararamdaman.
Ayon kay Cindy-Lee Dennis, isang propesor ng nursing at medicine sa department of psychiatry ng University of Toronto, sa isang artikulo sa OB GYN journal ng UOT, kadalasan nagsisimula ang anxiety habang nagbubuntis pa lang, at nagpapatuloy pagkapanganak.
Naaalala kong binasa ko ang autobiography ni Brooke Shields noon, at ni Drew Barrymore, tungkol sa pinagdaanan nilang postpartum anxiety, na napunta sa depression. Saka ko lang napagtanto na ‘yun din pala ang nararanasan ko noong bagong panganak ang bunso ko. Mababasa din ang mga kwento nina Gwyneth Paltrow, Amanda Peet at Courteney Cox, pati mga Pinoy celebrity moms na sina Toni Gonzaga, Mariel Padilla, Rufa mae Quinto at Melai Cantiveros. Pati nga si Princess Kate Middleton ay nagbahagi na rin ng kaniyang karanasan tungkol dito.
Pero ano ang kaibahan nito sa postpartum depression?
Image from Freepik
Ang anxiety at agitation ay mga hudyat ng depression. Maraming nakakaramdam ng labis na pagkalungkot, pero ang pangunahing sintomas o dahilan ay hirap na maka-concentrate, labis na pag-aalala, napakarming iniisip at hindi makatulog. Dito na papasok ang tinatawag na anxiety attacks.
Kaya’t ang dapat na pagtuunan ng pansin ay kung paano maiibsan ang takot at pag-aalala na ito, na sanhi ng lungkot. Tandaan na ikaw ang unang nag-aalaga sa iyong sanggol, kaya’t mas mabuti kung malulunasan agad at malalabanan ang anxiety para mas maalagaan mo ng mabuti ang iyong anak. Narito ang ilang strategies na subok na ng mga ina at eksperto na nakakatulong na labanan ang mild hanggang moderate anxiety.
Paano lalabanan ito?
Ayon sa COPE o Centre of Prenatal Excellence, isang organisasyon na tumutulong magpakalat ng impormasyon tungkol sa mental at physical health ng mga ina, maraming ligtas at epektibong paraan at paggamot para sa postnatal anxiety. Kailangan lang malaman kung ano ang dahilan at nagbubugso dito, para mabigyan ng karampatang treatment na tama para sa iyo. Una na dito ang history at ang severity ng anxiety.
Kung ilang sintomas lang ang nararamdaman, at hindi pa tuluyang napaparalisa ang pagtupad sa mga gawain sa araw araw, mild to moderate ito. Emotional at practical support ang makakatulong, kasama na ang counselling o psychological treatment.
Subukan ang mga sumusunod sa tuwing makakaramdam ng labis na lungkot, pag-aalala o panic attack:
- Breathing exercise: 10 malalim na paghinga (diaphragmatic breathing)
- Uminom ng isang basong tubig.
- Kumain ng protein-based snack tulad ng lean meat, mani, keso, hard boiled egg.
- Umupo, kumalma at tingnan ang paligid. Gamitin ang 5 senses at isipin o sabihin ng malakas ang nakikita, naririnig, nararamdaman at nahahawakan, naaamoy, at nalalasahan kapag kumagat sa pagkain. Palaging maghanda ng paborito mong meryenda o pagkain na madaling abutin lang at kainin kapag nakakaramdam ng hindi maayos. Siguraduhin lang na hindi puro fatty o sugary food ang kakainin. Ayon sa pag-aaral, ang dark chocolate ay nakakatulong sa pagdami ng endorphins (natural opiates) at serotonin sa ating utak, na lumalaban sa lungkot at depression (https://www.healthcentral.com/article/the-benefits-of-dark-chocolate).
- Mag-isip ng sariling“mantra” tulad ng, “Okay lang ako” o “I am going to be okay,” “I am doing the best that I can,” or “Inaalagaan ko ang sarili ko at ang baby ko nang maayos.”
- Lumabas ng bahay. Sumimoy ng hangin, mag stretching, maglakad-lakad.
- Siguraduhing umidlip sa isang maghapon. Kung maaari ay sabayan si baby habang natutulog din siya.
- Kausapin si baby, kantahan, patawanin.
- Tumawag o i-message ang isang kaibigan, kapatid, kaanak, o asawa.
* Kung madalas at nararamdamang malala ang anxiety, maghanap ng treatment options tulad ng counselling, mindfulness sessions at cognitive behavioural therapy. Mas mabuting humingi agad ng tulong o maghanap ng paraan para tuluyang labanan ang anxiety, bago ito lumala.
Support Counseling
Image from Freepik
Maraming mga grupo at indibidwal na makakatulong sa postpartum anxiety, tulad ng ADSP (Anxiety And Depression Support Philippines). Sa mga group at one-on-one sessions na ito makakahanap ng makakausap at mapaglalabasan ng nararamdaman. Malaking tulong kasi ang mabigyan ng platform at mailabas ang mga saloobin, sa harap ng mga taong nakakaranas din ng parehong karamdaman. Ang pakikinig sa pamamaraan ng coping ng ibang tao na nasa parehong sitwasyon ay makakatulong para maiyaos din ang sariling pag-iisip at makapag-reflect.
Psychological Treatments
May cognitive behaviour therapy (CBT) at Interpersonal therapy (IPT) na tinatawag, para matulungan ang mga ina na labanan ang anxiety sa pamamagitan ng pag-iisip ng mga paraan para makita at mapag-isipan kung bakit nga ba ito ang nararamdaman mo, at matulungang mag-isip ng paraan para malabanan ito.
May ibang sitwasyon na nangangailangan ng gamot, pero ito ay kinukunsulta sa doktor at medical experts at huling solusyon na binibigay. Karaniwang nararamdaman ang epekto nito pagkalipas ng isang buwan o mahigit.
Ang impormasyon ito ay hindi para maging kapalit ng isang medical o therapeutic support. Kung nakakaramdam ng malalang lumbay o anxiety, kumunsulta sa iyong OB GYN para ma-refer sa isang mental health specialist.
Basahin: Mga daddy nakakaranas din ng uri ng depresyon matapos ipanganak si baby
Nakararanas ng postpartum depression dumadami dahil sa COVID-19?
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!