Nakararanas din ba uri ng depresyon ang mga daddy—na parang post partum depression ng mga mommy—matapos isilang ang kanilang anak? Ilang bagong pag-aaral ang nagsasabi na naaapektuhan din daw ang mga daddy ng postnatal depression.
Dad depression
Sinuri ni Dr. Erika Cheng, at ilang kasamahan niya sa Department of Pediatrics ng Indiana University School of Medicine, ang dami ng tatay na nakararanas ng postnatal depression. Ito ay isang uri ng depresyon na nararanasan ng mga ama matapos isilang ang kanilang anak.
Kinumpara nila ito sa percentage ng postnatal depression na nararanasan ng mga nanay. Ang resulta ay nailathala sa JAMA noong July 23, 2018. Bahagi ng pagsusuri sa naturang uri ng depresyon ang pagkontak ni Dr. Chen sa 5 community health care centers sa Indianapolis, Indiana, kung saan sinuri ang mga magulang ng mga batang nasa 15 buwang gulang pababa. Ang mga sinuri ay ang mga rumesponde mula sa 9,572 clinic visits. Ang 30.8% o 806 sa pagbisitang ito ay
mga tatay, na sumagot sa questionnaire.
Sa mga tatay na sumagot sa questionnaire, 4.4% ang nakitang positibo sa depresyon. Katumbas nito ng 5% ng mga nanay nakitang positibo rin sa parehong uri ng depresyon. Ang resulta ng pagsusuri mas mababa sa 9.4% ng mga kababaihan na nakararanas ng depresyon at 5.4% ng mga kalalakihan na nakararanas nito, base sa report ng CDC noong 2015 hanggang 2016.
Ipinaliwanag ni Dr. Cheng ang pagkakaiba ng mga datos sa isang panayam sa Psychology Today. Aniya alam niya na ang resulta ng kanyang survey ay mas mababa sa general population at
marami pang ibang pag-aaral ang dapat gawin para alamin ang dahilan. Sinabi rin niya na mula sa resulta ng kanyang pagsusuri, napag-alam niyang halos parehong ang dami ng ama at inang nade-depress matapos isilang ang kanilang anak, at ang mga pediatrician ang madalas unang nakaka-diagnose at nagbibigay-lunas ganitong uri ng depresyon.
Anu-ano ang mga posibleng dahilan ng depresyon ng mga tatay?
Nang tanungin si Dr. Cheng, sinabi niya na maaaring stressed ang mga ama ng isang sanggol dahil nakaaapekto sa pagtulog nila kung umiiyak ito sa madaling araw, dagdag pa ang financial pressure na dulot ng pagkakaroon ng anak.
Maaaring dahilan din ng depresyon sa mga tatay ang limitadong pagkakataong makipag-sex sa kanilang asawa (ang vaginal tissues ng isang ina ay maaaring traumatized pa matapos ang pagkapanganak) at kulang na ang atensiyong nakukuha nila mula asawa (dahil mas pinatutuunan na nila ng pansin ang bagong silang nilang anak).
Bukod dito, maaari ring iugnay ang depresyong nararanasan ng mga tatay sa depresyong nararanasan ng kanilang asawa.
Sa isang pag-aaral noong 2010, sinasabi na may positibong pagkakaugnay ang uri ng depresyon na nararanasan ng parehong ama at ina.
Sino ang maaaring sumuri sa mga ama kung nakararanas ito ng depresyon at bakit ito importante?
Dahil madalang ang pagkonsulta ng mga ama sa kanilang primary care physicians, kailangang suriin din ito ng pediatrician kung may postnatal depression ang mga ama at ina sa tuwing dadalhin nila ang kanilang anak para sa well-child care visit.
Sa kasamaang palad, sabi ni Dr. Cheng, may ilang pag-aaral na 80% ng pediatric residents ang walang sapat na training para i-manage ang uri ng depresyon na nararanasan ng mga magulang. Gayunman, diniin niya na ang pagsusuri at paggamot sa postnatal depression sa parehong ama at ina ay napakaimportante para sa mental health ng mga bata.
Ilang research article ang nirebyu ni Michael Yogman at kanyang mga kasamahan, na inilathala sa Pediatrics (June 2016). Nalaman nila mula rito na ang mga nanay ay may posibilidad na ma-depress sa unang tatlong buwan matapos ang kanilang pagpanganak, samantalang ang mga ama naman ay nag-uumpisang ma-depress kapag umabot na ng isang taon ang kanilang anak.
Sinabi rin ni Yogman na iba-iba ang paraan ng pagpapakita ng depresyon ng mga babae at lalaki.
Ang mga lalaki ay mas madalas na iniiwasang maging emosyunal kumpara sa mga babae, itinatanggi ang pagiging mahina, umiinom ng alak, madaling magalit, nagiging defensive, compulsive, antisocial, at ayaw humingi ng tulong.
Mas malaki rin ang posibilidad sa mga depressed na ama ang saktan ang kanilang anak at hindi maintindihan ang mga pangangailangan nila. May ibang pag-aaral din na ang postpartum depression na nararanasan ng mga tatay ang magdudulot ng matindi at madalas na pag-iyak ng mga sanggol.
Sa sample ng 12,884 na tatay (The Avon Longitudinal Study of Parent and Children) nakita na ang uri ng depresyon na nararanasan ng tulad nila ay may kaugnayan sa pagtaas ng problema sa pag aasal ng mga batang edad tatlo hanggang lima, hindi pa kasama rito ang epekto ng maternal depression.
Ayon naman sa 2006 article ni WT Boyce at kanyang mga kasamahan, ang Journal of American Academy of Child and Adolescent Psychiatry, nakasaad na kung mas maalaga ang mga ama, mas madalas makipag-usap at makipaglaro sa kanilang mga anak, mas mababa ang posibilidad na makitaan ng mental health problem ang bata hanggang sa edad na siyam na taon.
Kung susumahin ang lahat ng mga nabanggit na pagsusuri at pag-aaral, masasabi na importante ang maagap na pagka-diagnose at paggamot ng depresyon sa mga ama, iminumungkahi rin na magkaroon ng sapat na oras ang mga ito sa kanilang mga anak upang maiwasan ang pagkakaroon ng problema sa asal ng mga bata at magkaroon ng emotional balance sa kanilang pamilya.
SOURCE: Psychology Today
Basahin: How does depression manifest in men?
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!