Patok ngayon ang pagne-negosyo ng mga desserts gaya ng leche flan recipe na ibabahagi ko sa inyo ngayon. Marami kasi sa mga pinoy ang mahilig sa pagkain ng matatamis. Hindi nakapagtataka na noong 2020 ay nasa Top 20 most-searched ng Google ang recipe nito.
Sa artikulong ito malalaman:
- Ang pinagmulan ng leche flan recipe
- Mga sangkap sa paggawa nito
- Ang proseso sa pagluluto ng leche flan
Ang pinagmulan ng leche flan recipe
Isa ang leche flan sa mga pinakamatandang recipe sa mundo. Nagmula ang recipe sa mga sinaunang Griyego.
Kalaunan, natutunan ito ng mga Romano na siyang nagbahagi ng recipe sa iba’t ibang bahagi ng Europa. Naiwan sa mga bansang nasakop nito ang kanilang cuisine kasama ang leche flan.
Ang salitang flan ay nagmula sa mga sumusunod na salita na ang ibig sabihin ay “flat cake”:
- Old French word na flaon
- Late Latin word na fladon,
- at Old High German na flado
Ang flan ay iniluluto noon bilang isang savory dish o ulam. Hinahaluan ito ng eel at paminta bilang pampalasa noon. Ang mga Romano ang unang gumawa ng panghimagas na bersyon ng flan sa pamamagitan ng paglalagay ng honey bilang pampatamis.
Honey ang unang pampatamis na ginamit sa panghimagas na flan. | Larawan mula sa iStock
Nakarating ang recipe sa Espanya, na siyang nagdala naman nito sa mga bansang sinakop nito gaya ng Mexico at Pilipinas. Ginamit naman ng mga Kastila ang tinunaw na pulang asukal o caramel bilang pampatamis ng flan imbes na honey. Tinawag nila itong flan de leche o milk flan sa Ingles. Kalaunan ay naging leche flan ang tawag nito sa Pilipinas.
Mula noon, naging staple dessert na ito ng bansa. Isinasama na rin ito sa ibang desserts gaya ng halo-halo, graham cake, puto leche flan, at marami pang iba.
Sa araw na ito, ibabahagi ko sa inyo ang simpleng leche flan recipe ng aming pamilya.
BASAHIN:
Buko salad recipe: Masarap na panghimagas sa salu-salo
Crispy Pata Recipe: Ang crunchy crispy pork knuckle na love ng mga Pinoy!
Camote Cue (Kamote Cue): Masustansiyang meryenda
Mga sangkap sa paggawa:
- 1 cup asukal
- 1 can condensed milk (14 oz)
- 12 large eggs (14 piraso kapag medium eggs)
- 1 can evaporated milk (12 oz)
- 1 teaspoon vanilla extract
Ang proseso sa pagluluto ng leche flan:
- Kunin ang lahat ng itlog at ihiwalay ang yolk sa puti. Ang egg yolk ang gagamitin natin sa recipe na ito. Ilagay ang mga egg yolk sa isang malaking bowl na paghahaluan natin ng mga sangkap. Batilin ang mga egg yolk gamit ang egg beater o tinidor.
- Ilagay ang condensed milk at haluing maigi. Isunod ang evaporated milk at vanilla extract. Gamit ang manipis na mesh o pinong salaan, salain ang mixture upang matanggal ang mga naiwang puti ng itlog. Itabi muna ito. Note: Ang vanilla extract ang magtatanggal ng amoy ng itlog sa ating leche flan. Kailangang salain ang mixture para maging smooth ang ating mga flan.
- Kunin ang mga llanera o mold ng leche flan. Isalang ng low heat sa kalan at lagyan ng asukal ang mga llanera. Hayaang matunaw o mag-caramelized ang asukal. Kapag naging kulay honey na ito, ihango ang mga llanera at itabi.
- Dahan-dahang ibuhos ang egg mixture sa mga llanera. Huwag punuin ang mga llanera dahil aalsa ang mixture kapag naluto na. Takpan ng aluminum foil ang ibabaw ng mga llanera.
Oven-baking:
- Ilagay ang mga llanera sa isang oven-safe dish o malapad na baking pan na may tubig (water-bath technique). Note: Tiyakin na nasa 1 inch ang taas ng tubig sa baking pan upang hindi ito matuyo sa oven.
- I-bake sa oven sa temperaturang 375 F sa loob ng 50 minutes. Mag-toothpick test upang malaman kung luto na ang custard. Kapag malinis ang toothpick, luto na ito. Tanggalin ang mga llanera sa oven at tanggalin din ang mga aluminum foil. Palamigin ito sa room temperature bago ilagay sa ref. Kung kakainin na ang leche flan, itaob ang llanera sa isang plato para lumabas ang custard. Serve and enjoy!
Steam-baking:
- Ilagay ang mga llanera sa steamer at i-steam ang mga ito sa loob ng 30 minuto. Pagkatapos, palamigin ang mga llanera sa room temperature bago ilagay sa ref. Kapag kakainin na ang leche flan, itaob lang ang llanera sa isang plato para lumabas ang custard. Serve and enjoy!
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!