Espesyal na ulam sa bawat handaan ang crispy pata recipe na tampok natin ngayon. Ito ang isa sa mga pinakamatagal lutuin na ulam pero “worth the wait” dahil sa sarap nito. Madalas itong makikitang inihahanda ng mga Pinoy sa iba’t ibang okasyon gaya ng kaarawan, kapistahan, at iba pa.
Mababasa sa artikulong ito:
- Paano naimbento ang Crispy Pata recipe
- Health warning ng mga eksperto
- Mga sangkap sa pagluluto ng Crispy Pata
- Ang proseso sa pagluluto nito
Larawan mula sa iStock
Paano naimbento ang Crispy Pata recipe?
Naimbento ang recipe noong dekada 50s ni Rodolfo Ongpauco, anak ng may-ari ng restaurant chain na Barrio Fiesta. Ibinigay ng kaniyang ina ang mga pata ng baboy na hindi na gagamitin sa pagluluto at nag-isip siya ng paraan upang lutuin ito.
Ang mga patapon na pork knuckles o pata ng baboy ay kaniyang iniluto nang deep-fry matapos pakuluan ng matagal. Ang resulta ay isang crispy at crunchy na pata na may malambot na laman sa gitna.
Isinama ng pamilya Ongpauco ang crispy pata recipe ni Rodolfo sa menu ng kanilang restaurant. Mula noon, nakilala na ang recipe sa bansa.
Health warning ng mga eksperto
Pinapayuhan naman ng mga doktor na maghinay-hinay ang mga tao sa pagkain ng dish na ito. Napakataas kasi ng cholesterol level ng crispy pata kaya maaaring magkaroon ng altapresyon o high blood ang sinumang kakain ng marami nito.
Upang mabalanse ang diet, ipinapayo rin ang pagkain ng prutas at gulay at pag-iwas sa pag-inom ng alak kasabay ng pagkain ng crispy pata.
Mga sangkap sa pagluluto ng Crispy Pata recipe
- 1 buong pata ng baboy, nilinis na
- 1 cup suka
- 3 dahon ng laurel (bay leaves)
- 1 kutsarang pamintang buo
- 1 buong bawang, minced
- 3 star anise
- 6 cups cooking oil
- 12 cups tubig
- 2 kutsaritang pamintang durog
- 2 kutsaritang garlic powder
- 6 kutsaritang asin
Para sa dipping sauce:
- 1 cup suka
- ¼ cup ng toyo
- 1 medium sibuyas, chopped
- 3 cloves ng bawang, minced
- Salt and pepper to taste
BASAHIN:
Chopsuey Recipe: Ang healthy all-veggie ulam ng pamilyang Pilipino
Baka naman: Easy Bistek Tagalog recipe
Daing na Bangus: Ang perfect fried fish partner sa anumang ulam
Ang proseso sa pagluluto ng Crispy Pata recipe
Dalawa ang proseso sa pagluluto nito: Ang paglalaga at deep-frying sa mantika. Maaari na ring lutuin sa oven o turbo broiler ang crispy pata kung ayaw ng deep-frying techinique.
Pagpapakulo
- Muling linisin ang pata ng baboy bago ito pakuluin upang masigurong natanggal na ang lahat ng buhok at kuko nito.
- Sa isang malaking kaserola, pagsama-samahin ang pata ng baboy, suka, star anise, dahon ng laurel, pamintang buo, 4 na kutsaritang asin at bawang. Pakuluin ito sa medium heat na apoy sa loob ng 45 minuto hanggang 1 oras. Tanggalin ang mga scum na nasa ibabaw ng tubig nito.
- Hinaan ang apoy at takpan ang kaserola. Hayaan itong kumulo muli sa loob ng 1 1/2 oras. TIP: Magdagdag ng 1 cup ng tubig kung natutuyo na ang tubig sa kaserola kung hindi pa naluluto ang pata. Kapag malambot na ang karne, tanggalin na ito sa kaserola at i-drain. Itapon ang pinagkuluan at ilagay sa wire rack ang pata upang matuyo. Hayaan itong lumamig.
- Kapag tuyo at malamig na ang pata, lagyan ang kabuuan nito ng pamintang durog, garlic powder at natirang asin. Tiyakin na nalagyan ng pampalasa ang buong pata. Ilagay ito sa isang container na may takip at palamigin sa ref overnight. Mas malasa ang pata kapag mas matagal itong pinalamig.
Malinamnam na Crispy Pata, subukan na ang recipe na ito! | Larawan mula sa iStock
Pagpiprito
- Sa isang malaki at mataas na pot, ilagay ang 6 cups cooking oil at pakuluin. Kailangang ang temperatura nito ay nasa 35o F. Tiyakin din na sapat ang dami ng cooking oil upang malubog ng buo ang pata.
- Dahan-dahang ilagay ang pata sa mantika. I-turn sa bawat side ang pata upang pantay na maluto. Kapag golden brown na ang kulay, tanggalin na ito sa pot at i-drain muli sa wire rack. Lagyan ng baking pan o plato ang ilalim ng wire rack upang masalo nito ang mantika ng crispy pata. Ipahinga muna ito sa loob ng 5 minuto bago ilagay sa serving plate. Ihain habang mainit pa!
Paggawa ng dipping sauce
- Pagsama-samahin ang suka, toyo, sibuyas, bawang, asin at paminta at haluing maigi. Maaari ring maglagay ng siling labuyo kung nais ng maanghang na sawsawan.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!