Legit online jobs in the Philippines, ways to identify if it is really legit.
Legit online jobs in the Philippines
Isang bagong modus ang natuklasan ng DOLE o Department of Labor and Employment na ginagawa ng masasamang loob. Ito ay sa pamamagitan ng online job postings na nakakapambiktima ng maraming Pinoy na dahil sa pagnanais na makapagtrabaho.
Ayon sa DOLE, may mga Facebook page na ginagamit ang pangalan ng kanilang ahensya at nag-aalok ng trabaho. Ang mga trabahong inaalok umano ng Facebook page na ito ay hindi lamang sa loob ng bansa kung hindi pati narin sa mga bansa tulad ng Canada, Austria, London at Singapore.
Base sa isa sa mga nagrereklamo sa ahensya, nahingan daw siya umano ng isa sa mga dummy DOLE Facebook account ng P1,000 reservation fee para sa posisyon na kaniyang inaapplyan. Ngunit matapos magbayad ay hindi na ma-kontak umano ang taong nagpakilala sa kaniya na taga-DOLE. At natuklasan niyang wala namang online job posting sa Central Office ng DOLE sa Intramuros.
Kaya naman paalala ng DOLE huwag basta magpapaloko sa mga modus na ito. At tumangkilik sa mga websites na pagmamay-ari ng gobyerno tulad ng Philjobnet.com. Kung gusto naman magtrabaho abroad ay mas mabuting magpunta o maghintay ng mga job posting o announcement mula sa POEA o Philippine Overseas Employment Agency.
Samantala, kung nag-aapply naman ng trabaho online sa mga nagpapakilalang kompanya ay narito ang ilang tips kung paano malalaman kung legit o totoo nga ba ito.
5 Tips para malaman kung legit ang isang online job posting
1. Mag-research tungkol sa inaapplyang trabaho at sa kompanyang nag-aalok nito.
Simulan ang pagreresearch sa pamamagitan ng paghahanap ng kanilang website. Kung mayroon ay tingnan ang mga impormasyong makikita rito. Kung wala o kaya naman ay hindi tumutugma ang sinabi ng online job post sa mga impormasyon mula rito ay isa na itong palantandaan na ang job posting at kompanya nito ay maaring hindi legit o totoo.
Pagmasdan ding mabuti ang itsura ng kanilang website. Dahil ang mga legit na kompanya ay naglalaan ng budget para mapaganda ang website nila. Kung hindi mukhang professional looking ang website ay mas mag-research ka pa tungkol sa kanila para maiwasang mabiktima.
2. Magtanong tungkol sa detalye ng trabaho.
Bago mag-apply o mag-commit sa isang online job post ay tanungin muna ang mga importanteng detalye na dapat malaman mo. Tungkol sa ano pa ang dapat mong gawin o job description, paano ang proseso ng pagbabayad at kung per hour o fix ba ang salary mo. Kung medyo alanganin o tingin mo ay hindi ka makakasigurado sa mode of payment ay palatandaanng scam narin ito.
3. Huwag magbabayad ng kahit ano kapalit ng sinasabing trabaho.
Ang mga kompanya o employers na naghahanap ng empleyado ay hindi pinagbabayad ang mga applikante nila. Dahil sa kung tutuusin sila ay may kailangan sayo.
4. Mag-ingat sa mga “too good to be true” na pangako sa trabaho.
Oo ngat’ masarap kumita ng malaki, ngunit hindi madaling kitain ito. Kaya naman kung ang job posting ay masasabing “easy breezy” na trabaho habang ang sweldo nito ay napakalaki. Mag-isip na muna bago pumatol dito. Dahil isa ito sa mga paraan ng mga scammers para maka-attract ng kanilang bagong bibiktimahin.
5. Magtanong-tanong sa mga kakilala o online friends tungkol sa mga job sites na subok at pinagkakatiwalaan na.
Sa ngayon ay usong-uso na ang mga freelancing jobs at karamihan rito ay maapplyan online. Kaya naman dumarami narin ang mga grupo ng mga Pilipinong mas pinipili ang job setting na ito. Kaya kung gustong makakakuha ng mga legit online jobs in the Philippines list, magtanong sa mga may karanasan na sa ganitong set-up. At humingi ng payo tungkol sa mga trusted websites na makakapagbigay ng legit online job sayo.
Source: ABS-CBN News
Photo: Freepik
Basahin: 10 home-based jobs na puwedeng gawin ng mga nanay