Leptospirosis Philippines cases patuloy na dumadami. DOH nagbigay babala sa publiko na kung maari ay umiwas lumusong sa baha. At kung hindi, ay mahigpit na bantayan ang sintomas ng leptospirosis dahil sa ito ay nakakamatay.
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan, at napapanahon, ngunit, hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
Leptospirosis Philippines 2019
Maliban sa dengue ay may isang sakit pang binabantayan ang DOH ngayon sa bansa. Ito ay ang leptospirosis. Dahil sa kanilang tala ay patuloy na dumadami ang bilang ng biktima ng sakit na dulot ng madalas na pag-ulan at pagbaha.
Ayon sa ahensya, ay tumaas ng 41% ang biktima ng leptospirosis mula Enero hanggang Hunyo ngayong taon kumpara ng nakaraang taon. Mula sa mga nasabing buwan ay naitala sa bansa ang 1030 bilang ng kaso ng sakit. Habang 93 sa mga ito ang naiulat na namatay.
Sa kasulukuyan dahil sa dumadaming leptospirosis Philippines cases, ay ginawa ng leptospirosis ward ang gym ng National Kidney and Transplant Institute o NKTI sa Quezon City.
Ayon kay NKTI executive director Dr. Rose Marie Liquete, posibleng nakuha ng mga pasyente ng leptospiros ang sakit ng sila ay lumusong sa baha noong kasagsagan ng dumaang habagat. Dahil karamihan sa mga pasyente ay nagmula sa Taguig, Maynila, Caloocan at Cavite.
Kaya naman paalala ni Dr. Liquete, agad na magpunta sa ospital kapag nilagnat ilang araw o matapos lumusong sa baha dahil baka ito ay leptospirosis na. Hindi daw dapat ito isawalang bahala dahil sa una ang sintomas ng leptospirosis ay aakalaing trangkaso lang hanggang sa ito ay tuluyang lumala.
“Akala mo flu-like symptoms lamang hanggang sa hindi na sila makaihi. Nagkakaroon na ng komplikasyon sa kidney nila”, dagdag pa niya.
Ano ang leptospirosis?
Ang leptospirosis ay isang uri ng bacterial infection na nakukuha ng tao mula sa ihi ng hayop tulad ng daga, aso at iba pa.
Naililipat sa tao ang impeksyon sa pamamagitan ng pagpasok ng leptospirosis bacteria o leptospira interrogans sa sariwang sugat o galos sa balat. Maari rin itong pumasok sa ilong, bibig o kahit sa ating genitals. Bagamat, mahirap maihawa ang leptospirosis sa ibang tao, ay maari ring maipasa ito sa pamamagitan ng pakikipagtalik at pagpapasuso.
Dito sa Pilipinas, ang paglusong sa baha na may taglay ng leptospirosis bacteria ang pangunahing dahilan ng pagkakaroon ng leptospirosis.
Sintomas ng leptospirosis
Ang sintomas ng leptospirosis ay may pagkakatulad sa sintomas ng dengue. Makakaranas rin ng lagnat na maaring tumaas hanggang sa 40 degree Celsius. Mananakit din ang kasu-kasuhan na sasabayan ng pagsusuka at pagkakaroon ng rashes sa balat. Ngunit hindi tulad ng dengue, ang taong may leptospirosis ay maaring manilaw ang balat at mga mata.
Madalas ang sintomas ng leptospirosis ay lumalabas 5 hanggang 14 na araw matapos ma-expose sa infection.
Importanteng agad na malunasan ito, dahil ito ay maaring lumala at mauwi sa kidney o liver failure, respiratory distress, at meningitis na nakamamatay.
Lunas sa leptospirosis
Ang paggamot sa sakit na leptospirosis ay nangangailangan ng tulong ng doktor. Lalo pa’t ito ay isang uri ng impeksyon na kailangang gamutin ng antibiotics. Maari ring mag-rekumenda ang doktor ng ibuprofen para sa lagnat at pananakit ng katawan.
Ngunit, madalas dahil sa pag-aakalang ang leptospirosis ay simpleng trangkaso lang, lumalala ang sakit at nangangailangan ng pagkakaconfine sa ospital para malunasan.
Kaya naman ipinapaalala ng mga health experts, mas mabuting iwasan nalang ang pagkakaroon nito sa tulong ng mga sumusunod na tips:
Tips kung paano maiiwasan ang leptospirosis
- Iwasang lumusong sa baha lalo na kung may sugat o galos sa katawan.
- Kung hindi maiiwasang lumusong sa baha ay siuraduhing matatakpan ang iyong sugat ng waterproof dressing. O kaya naman ay mag-suot ng bota sa tuwing dadaan sa matutubig na lugar.
- Siguraduhing malinis ang iniinom na tubig.
- Bago mag-swimming o sumubok ng iba pang water activities lalo na sa mga freshwater areas siguraduhing walang sugat na maaring pasukan ng leptospirosis bacteria.
- Kontrolin o puksain ang mga peste sa iyong bahay tulad ng daga.
- Gumamit ng disinfectant tulad ng bleach sa paglilinis para siguradong patay ang mga bacteria.
- Huwag hahawak ng patay na hayop na walang kahit anong balot o takip sa kamay.
- Ugaliing maghugas ng kamay gamit ang tubig at sabon matapos humawak sa anumang hayop.
- Siguraduhing ang iyong alagang aso ay may anti-leptospirosis vaccine.
Kaya naman maliban sa pag-iingat sa sakit na dengue ay dapat mas doblehin pa ang pag-iingat para maiwasan ang sakit na leptospirosis. Lalo pa’t ang leptospirosis Philippines cases ay patuloy na dumarami at nadadagdagan.
Sources: DWIZ, ABS-CBN News, WebMD, Medical News Today
Basahin: Leptospirosis: sintomas, gamot, paano maiiwasan