Libreng bakuna sa polio ipamimigay sa ilang mga ospital sa Maynila ngayong linggo, October 14-26. Alamin ang schedule ng iba’t ibang mga ospital na ito.
Libreng bakuna sa polio
Proteksyonan ang iyong anak laban sa sakit na polio at magpunta na sa mga ospital na nakatala dito sa mga nasabing petsa:
1. St. Luke’s Medical Center Global City, Taguig
Ang libreng bakuna sa polio ay para sa lahat ng batang wala pang limang taong gulang.
Ito ay gaganapin mula alas-9 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon sa BDO Lounge, 2nd Floor Medical Arts Building ng St. Lukes Medical Center, Global City, Taguig. Kung may mga katanungan ay maaring makipag-ugnayan sa Institute of Pediatrics and Child Health na may mga numerong 8-789-7700 ext. 7760.
2. St. Luke’s Medical Center, Quezon City
Kagaya ng branch nito sa Taguig, mamimigay din ng libreng bakuna ang St. Luke’s sa QC.
Tatlong schedule ang nilaan ng St. Luke’s Medical Center Quezon City para sa programa nitong libreng bakuna laban sa polio para sa mga batang 0 hanggang 5 taong gulang. Magaganap ito ngayong Oktubre, Nobyembre, at Disyembre, sa Physical Rehabilitation Area ng ospital.
3. Makati Medical Center, Makati
Mayroon ding libreng bakuna sa polio ang Makati Medical Center na isasagawa ngayong October 14-27 sa 1st floor ng CP Manahan sa Tower 1. Paalala: dalihin ang baby book at vaccination records ng iyong anak.
4. Asian Hospital, Muntinlupa
Para sa mga taga South, maaaring magtungo ang mga nais ng libreng bakuna sa polio sa Asian Hospital sa Muntinlupa ngayong Oktubre at Nobyembre. Magtungo lamang sa Outpatient Health Services Pediatric Clinic sa Tower 1. Dalihin ang baby book o vaccination records.
5. Fe Del Mundo Medical Center, Quezon City
Ang Fe Del Mundo Medical Center sa Banawe, Quezon City ay mayroong libreng bakuna sa polio ngayong linggo ngunit limited supply lamang ang mabibigyan. Kaya’t importante na magtungo kaagad sa ospital dala ang baby book at immunization record ng bata.
6. Manila Doctors Hospital, Manila
Para sa mga residente ng Maynila, maaaring magtungo sa Manila Doctors Hospital sa may United Nations Avenue, Ermita para sa libreng bakuna sa polio ngayong Oktubre.
7. University of Santo Tomas Hospital, Manila
Magsasagawa rin ng libreng bakuna sa polio para sa mga bata ang UST Hospital sa Sampaloc, Manila ngayong Oktubre.
8. VRP Medical Center, Mandaluyong
Ngayong linggo, mamimigay din ng libreng bakuna sa polio ang VRP Medical Center sa EDSA, Mandaluyong. Pumunta lamang sa kanilang Urgent Care Center.
Samantala, maliban sa mga ospital na nabanggit ay libre ring ipinamimigay ang bakuna laban sa polio sa mga health centers sa inyong lugar. Huwag ng mag-dalawang isip lalo pa’t ang nakataya dito ay ang kalusugan ng iyong anak.
Kahalagahan ng polio vaccine
Ang polio vaccine ay ang tanging paraan para maproteksyunan ang mga batang limang taong gulang pababa sa sakit na poliomyelitis o polio. Ito ay isang highly infectious viral disease na karaniwang umaatake sa nervous system ng isang tao na maaring magdulot ng paralysis sa katawan.
Maaring maihawa o mai-transmit ang polio sa pamamagitan ng paghawak, pagkain o pag-inom ng mga pagkaing na-contaminate ng dumi o feces ng taong may taglay ng polio virus. Dahil sa mahina pa ang kanilang immune system, ang mga batang limang taong gulang pababa ang madalas na tinatamaan ng sakit.
Ang mga sintomas ng polio ay lagnat, fatigue, pananakit ng ulo, pagsusuka, stiff neck at pananakit ng kalamnan. Sa ngayon ay wala pang lunas sa sakit na ito, kaya naman mahigpit na ipinapayo ng mga eksperto na dapat mabigyan ng bakuna laban sa polio ang mga bata. Ito ay para maproteksyunan sila laban sa sakit na maaring magdulot ng malaking pasakit o banta sa kanilang buhay.
Bakuna laban sa polio
May dalawang uri ng bakuna sa polio ang ibinibigay sa mga bata. Ito ay OPV o Oral Polio Vaccine o ang ipinapatak sa bibig. At ang IPV o Inactivated Polio Vaccine na ini-inject sa braso o legs ng isang bata depende sa kaniyang edad.
Dito sa Pilipinas, ang unang dose ng oral polio vaccine o OPV ay maaring ibigay sa pagkapanganak ng sanggol. Bagamat ito ay hindi kasama sa bilang ng polio series. Ang actual polio series ay magsisimula sa ika-6 na linggo ng sanggol na kung saan may dalawang doses itong kasunod na ibinibigay ng hindi bababa sa pagitan ng apat na linggo o isang buwan.
Sa ikatlong dose ng OPV ay saka naman sabay na ibibigay ang unang inject ng Inactivated Polio Vaccine o IPV.
Pagkatapos ng primary series na ito ay dapat paring makatanggap ng dalawa pang booster shots ang isang bata. Ang una ay sa kaniyang ika-12 to 15 month. At ang pangalawa ay sa pagitan ng kaniyag ika-4 hanggang ika-6 na taong gulang.
Iba pang impormasyon tungkol sa anti-polio vaccine
Samantala, may iilang dahilan naman kung bakit hindi maaring bigyan ng polio vaccine ang isang bata. Tulad nalang kung siya ay may severe o life-threatening na allergy. Ganoon din ang mga masama ang pakiramdam, may lagnat o sipon. Dapat ay gumaling muna sa sakit bago mabigyan ng bakuna laban sa polio.
Matapos mabakunahan ng IPV ay asahang maaring mamula o manakit ang parte ng katawan ng binakunahan. Habang may ilan naman ang nagsabing nakaranas sila ng bahagyang pagkahilo matapos mabakunahan.
Sa pagkakataong makapansin ng iba pang sintomas matapos mabakunahan ng anti-polio vaccine ay makipag-ugnayan agad sa inyong healthcare provider.
At tandaan ang libreng bakuna sa polio ay maari ninyo ring makuha sa pinakamalapit ng health centers sa inyong lugar.
Source: WebMD, CDC
Photo: Medical Daily, UNICEF
Basahin: DOH, hinihikayat ang publiko na pabakunahan ang mga anak kontra polio
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!