Isang 7-anyos na bata ang natagpuan na mayroong buhay na linta sa ilong. Hindi pa gaanong sigurado ang nanay ng bata kung bakit ito napunta sa ilong ng anak. Ngunit hinala nga ina ng bata ay baka pumasok raw ito habang naglalaro ang kanilang anak sa labas.
Buhay na linta, natagpuan sa ilong ng bata
Nangyari ang insidente sa Xaignabouli sa bansang Laos. Kuwento ng bata, naglalaro raw siya sa putikan malapit sa kanilang bahay nang makaramdam ng bagay na pumasok sa ilong niya. Pinagwalang-bahala lang niya ito, ngunit matapos ang insidente ay sumakit ang ilong niya.
Sinabi niya ito sa kaniyang ina, na sinabing itulog na lang raw ng bata at baka bukas mawala na ang sakit. Ngunit habang natutulog raw ay nahihirapang huminga ang bata, kaya’t dinala na ng ina sa ospital upang matingnan ng doktor.
Napag-alaman na mayroong pumasok na linta o leech sa loob ng ilong ng bata. Ayon pa sa mga doktor, hinihigop raw nito ang dugo ng bata, kaya’t ito ay lumaki habang nasa loob.
Dahil dito, kinailangang tanggalin ng mga doktor ang leech upang hindi malagay sa panganib ang bata. Sa kabutihang palad ay agad naman itong natanggal, at hindi nahirapan ang nurse sa paghugot nito.
Ayon sa ina ng bata, hindi na raw niya hahayaang maglaro sa may putikan ang anak. Ito raw ay dahil baka maulit nanaman ang insidente.
Panoorin dito ang video ng pagtanggal ng linta sa ilong ng bata:
Mapanganib ba ang mga linta?
Ang mga leech o linta ay isang uri ng parasitic worm. Sila ay kadalasang matatagpuan sa mga matubig o kaya basa at maputik na lugar.
Madalas ay kumakapit ang mga leech sa mga hayop, kung saan iniinom nila ang dugo ng mga ito. Ngunit kung mapadpad ang isang tao sa matubig na lugar, posibleng kumapit rin sa kaniya ang mga leech.
Sa katotohanan ay hindi mapanganib ang mga ganitong klaseng hayop. Kung tutuusin nga ay hindi napapansin ng mga tao na may nakadikit na pala sa kanilang linta. Madalas ay dumudugo ang lugar kung saan kumapit ang mga leech, pero hindi naman ito dapat ikabahala.
Ngunit posible rin na ang mga bacteria na nasa katawan ng leech ay lumipat sa katawan ng tao. Sa mga pagkakataong ito, ay lubhang mapanganib dahil posibleng sa dugo mismo pumasok ang bacteria.
Mahalagang mag-ingat ang mga magulang kapag naglalaro sa kung saan-saan ang kanilang mga anak. Mahalagang umiwas sa mga madudumi o kaya maputik na lugar upang hindi madikitan ng mga leech ang kanilang anak. Ang pag-iwas sa mga lugar kung saan tumitira ang mga leech ay ang pinaka-epektibong paraan upang makaiwas makagat o madikitan nito.
Source: Daily Mail
Basahin: Common parasite infections all parents should know about
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!