Importante sa mga magulang na siguraduhing malayo sa kanilang mga anak ang iba’t-ibang kemikal na posibleng makalason sa kanila. Ito ay dahil likas na sa mga bata ang pagiging curious o mausisa tungkol sa kanilang paligid.
At ito na nga ang naging dahilan upang mamatay ang isang sanggol, dahil aksidente raw nitong nainom ang liquid nicotine na ginagamit para sa e-cigarette. Ano nga ba ang dalang panganib ng liquid nicotine, at ano ang magagawa ng mga magulang tungkol sa mga aksidenteng pagkalason?
Liquid nicotine, ikinamatay ng isang sanggol
Ayon sa ulat, nangyari raw ang insidente sa Australia kung saan ipinagbabawal ang ganitong klaseng kemikal. Bagama’t ipinagbabawal ang liquid nicotine sa Australia, mayroon pa ring nakakapuslit nito sa loob ng bansa.
Ginagamit ang kemikal na ito sa mga e-cigarettes bilang bahagi ng e-juice, o ang likido na ginagamit pampausok sa e-cigarette. Bagama’t safe ito sa mga matatanda, ito ay lubhang mapanganib para sa mga bata at mga sanggol. Kahit maamoy lang, o kaya malagay sa mata ng sanggol ay nakamamatay ang ganitong kemikal. Isang ml lang ng nicotine ang kinakailangan upang mamatay ang isang sanggol, kaya’t dapat itong ilayo sa mga bata.
Hindi naglabas ng iba pang detalye ang doktor na tumingin sa bangkay ng sanggol, ngunit kumpirmadong nicotine nga ang nakamatay sa bata. Dahil dito, inuudyok ng gobyerno ng Australia na mag-ingat ang mga magulang na gumagamit ng vape o kaya e-cigarettes.
Ang isa raw problema ay makulay ang balot ng mga e-juice na binebenta sa merkado. Dahil dito, inaakala ng mga bata na candy o kaya matamis ang laman nito. Isa pa ay hindi lahat ng e-juice ay nakalagay sa child-proof na lalagyan.
Dahil sa lalong pagsikat ng mga e-cigarette, mas importante na maging mapagmatiyag ang mga magulang, at mag-ingat sila kung sila ay gagamit ng ganitong klaseng mga produkto.
Paano makakaiwas sa pagkalason?
Hinding-hindi dapat binabalewala ng mga magulang ang posibilidad na malason ang kanilang anak. Kinakailangang maging maingat at siguraduhin ng mga magulang na hindi maabot ng kanilang mga anak ang iba’t-ibang mga kemikal na mahahanap sa bahay.
Heto ang ilang mga tips na makakatulong upang mapanatiling ligtas ang mga bata.
- Ilayo ang mga produkto tulad ng baby oil, sabon, shampoo, etc sa iyong anak. Ilagay ito sa matataas na lugar, o kaya sa loob ng cabinet na hindi nila mabubuksan.
- I-lock ang mga lalagyan ng mga household chemicals tulad ng bleach, muriatic acid, at drain cleaner. Siguraduhing hindi ito abot, o mabubuksan ng iyong anak.
- Isara lagi ng mabuti ang takip ng mga gamot at iba pang kemikal. Ito ay upang hindi ito aksidenteng mabuksan ng mga bata.
- Hangga’t maaari, palaging bantayan ang iyong anak upang mailayo sila sa panganib.
- Alamin ang mga ingredients ng mga produktong iyong binibili. Kung maaari, bumili ng mga produktong safe at organic upang siguradong walang masasamang kemikal na nakahalo.
Basahin: Viral photo shows 6-year-old from Laoag City using an e-cigarette