2-anyos, inakalang may asthma—cancer na pala

Isang 2-anyos na bata ang namatay dahil inakala ng mga doktor na ang lung cancer sa bata ay simpleng kaso lamang ng asthma.

Ayon sa inang si Kelly Clarkson, mula sa UK, nasagip raw sana ang kaniyang anak kung maagang na-diagnose ang lung cancer sa bata. Ito ay dahil kahit nagpunta na sila sa 6 na doktor, lahat raw ay sinabing asthma lang ang karamdaman ng kaniyang anak.

Paano ito nangyari, at bakit hindi agad napansin ng mga doktor ang pagkakaroon ng cancer ng kaniyang anak?

Lung cancer sa bata, inakalang asthma ng 6 na doktor

Kuwento ni Kelly, nagsimula raw ang lahat noong 6 na buwan pa lang ang kaniyang anak na si Megan. Nagkaroon raw siya ng matinding ubo, at nahirapang kumain. Habang lumalaki siya, napapansin raw ni Kelly na pumapayat ang anak, at nakalubog ang kaniyang dibdib; sintomas na nahihirapan siyang huminga.

Kaya nagdesisyon si Kelly na dalhin sa doktor ang kaniyang anak, upang malaman kung ano ang posibleng sanhi nito. Pumunta raw siya sa 6 na magkakaibang doktor, ngunit lahat raw sila ay sinabing asthma ang sakit ng anak. Ngunit kahit isa raw sa mga doktor, ay walang nagsabi na magpa-x ray si Megan.

Nguni bigla na lang raw naging masama ang kalagayan ng bata, at dinala agad siya sa emergency room. Dito, nalaman na mayroon pala siyang type three pleuropulmonary blastoma na isang rare form ng lung cancer.

Dahil sa tindi ng pagkalat ng cancer, tinanggal ng mga doktor ang isa sa mga baga ni Megan, ngunit kahit na ginawa nila ito, hindi na gumaling ang bata. Tatlong linggo matapos malaman ang kaniyang karamdaman, binawian na ng buhay si Megan.

Hindi raw naalagaan ng mga doktor ang kaniyang anak

Ayon kay Kelly, naramdaman niya na tila ay binalewala lang sila ng mga doktor na kanilang pinuntahan. Kung maaga raw sanang na-detect ang kaniyang cancer ay naagapan pa sana ito, at baka buhay pa si Megan ngayon.

Ngunit dahil inakala ng mga doktor na asthma ito, binawian ng buhay ang kaniyang anak. Dagdag pa ni Kelly, kailangan raw siguraduhin ng mga magulang na naibibigay ang tamang pag-aalaga sa kanilang mga anak. Importante raw na matutukan ng mga doktor ang mga bata dahil may mga pagkakataong ang buhay nila ay nakasalalay sa maayos na diagnosis ng mga karamdaman.

Lung cancer sa bata: Anu-ano ang mga sintomas nito?

Hindi madaling ma-diagnose ang sakit na cancer, at mas mahirap itong i-diagnose sa mga bata. Kaya mahalaga sa mga magulang na maging maingat, at alamin kung anu-ano ang mga posibleng maging sintomas ng kanser sa mga bata.

  • Madalas na pagdurugo ng ilong
  • Sugat o pasa na hindi gumagaling
  • Namamagang lymph nodes
  • Biglang pagpayat
  • Nahihirapang huminga
  • Mga di maipaliwanag na bukol
  • Pagbabago ng ugali
  • Pananakit ng ulo
  • Pagsusuka
  • Problema sa paningin
  • Pagkakaroon ng seizures o pangingisay
  • Pananakit ng mga buto at kasu-kasuan
  • Panghihina
  • Mataas na lagnat
  • Pagdurugo na hindi maipaliwanag

 

 

Source: Daily Mail

Basahin: Newborn, agad na na-diagnose ng cancer matapos ipanganak

Sinulat ni

Jan Alwyn Batara