Isang bagong panganak na sanggol ang madaling nabigyan ng passport, dahil kinakailangan niyang pumunta sa US upang magpagamot.
Bagama’t hindi pa siya gumagaling sa sakit, nagbigay ng pag-asa sa kaniyang mga magulang ang mabilis na pagproseso ng kaniyang passport.
Ang kuwento ni baby Sevy
Ang sanggol na si Mavrick Sevrin Co, ay bunso sa kanilang magkakapatid. Ngunit nang siya ay ipinanganak, na-diagnose siya ng Acute Lymphoblastic Leukemia.
Ang epekto ng sakit na ito ay sumosobra ang mga white blood cells na binubuo ng katawan ni baby Sevy, at kulang ang platelets sa kaniyang dugo. Dahil rin dito, kinakailangang salinan ng O+ na dugo kada walong oras upang hindi siya mamatay.
Noong nakaraang linggo ay humingi ng tulong ang mga magulang ni Sevy na si Don at Ria Co, at nagbabakasakaling may paraan upang mabilis na mabigyan ng passport ang kanilang anak.
Ito ay dahil plano nila siyang dalhin sa US upang sumailalim sa matinding gamutan. Nagmamadali sila dahil kritikal ang oras pagdating sa gamutan ni Sevy.
Dagdag pa nila, sagot daw ng St. Jude Reseach hospital sa US ang gamutan, at kinakailangan lamang nila ng passport at Visa application para sa anak.
Agad namang rumesponde ang DA
Sa kabutihang palad ay noong araw din na iyon ay nagpadala ng isang consular team ang DFA patungo sa Manila Doctor’s Hospital kung saan nakaconfine ang sanggol.
Sila pa mismo ang nagdala ng equipment para makuhanan ng letrato si Sevy, at sila na ang nag-asikaso ng mga kinakailangang papeles. Mabilis na nakuha ang passport ni baby Sevy, at nadagdagan ang pag-asa ng pamilya na gagaling ang kanilang anak.
Sa kasalukuyan, naghahanda na ang pamilya upang makakuha ng Visa para makapunta sa US. Ayon sa kaniyang mga magulang, nakahanda na lahat ng kinakailangan nilang mga papeles, pati ang rekomendasyon mula sa ospital sa US.
Ang kinakailangan na lamang nilang gawin ay mag-apply, at umasang madaling maasikaso ng US Embassy ang kanilang magiging application.
Bagama’t malaki ang pag-asa na gumaling si Baby Sevy, hindi pa rin basta-basta makakahinga ng maluwag ang kaniyang pamilya. Ito ay dahil hanggang ngayon ay umaasa pa rin siya sa mga blood transfusion, at hindi madaling makahanap ng O+ na dugo.
Sa mga nagnanais na magbigay ng donasyon para sa sanggol, maaring kontakin ang kaniyang mga magulang na si Don at Ria sa cell number na : 09988642500
Anu-ano ang mga sintomas ng leukemia sa sanggol?
Heto ang mga sintomas ng leukemia sa sanggol na dapat alamin ng mga magulang:
- Anemia, at ilang kaugnay na sintomas tulad ng pamumutla, mataas na lagnat at minsan pa ay umaabot sa panginginig at may kombulsiyon, panghihina ng katawan at pakiramdam na palaging pagod
- Madalas at malalang mga impeksiyon tulad ng sore throat o bronchial pneumonia, pangangayayat o pagbagsak ng timbang, namamagang lymph nodes, at lumalaking atay o pali (spleen) kaya’t may pananakit sa lower ribs.
- Nariyan din ang labis na pagpapawis, lalo sa gabi, at pananakit ng buto. Madalas ding may nosebleed, pagdurugo ng gilagid, dugo sa ihi, at may mapapansing maliliit na red spots sa balat na tinatawag na petechiae
Kung sakaling mayroong mga sintomas na ito ang iyong anak, mahalagang dalhin agad sila sa doktor. Hindi dapat balewalain ang mga sintomas na ito dahil hindi birong sakit ang leukemia.
Kapag mas maaga itong na-diagnose, mas mataas ang posibilidad na ito ay magagamot.
Source: Inquirer
Basahin: How a simple sore throat and rash could be warning signs of leukemia
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!