Isang gabay para sa mga magulang tungkol sa sintomas ng leukemia at treatment para sa sakit na ito. Ano nga ba ang Leukemia?
Mababasa sa artikulong ito:
- Cancer sa ating lipunan
- Kahulugan, sintomas ng leukemia
- Mga uri ng leukemia
- Paggamot sa leukemia
Dalawang taong gulang si Angelo Renz, nang mapansin namin ang panghihina, pagiging tahimik, at pagiging matamlay ng dating aktibo at makulit na pamangkin kong ito. Ang Lolo niya ang nakapansin nito, at nagpayo sa mga magulang ni Renz na patingnan kaagad siya sa doktor para malaman kung ano ang sanhi.
Ilang buwan pagkatapos, na-diagnose si Renz na may acute lymphocytic leukemia (ALL) isang kanser sa dugo. Nilabanan niya ang karamdamang ito ng 6 na taon pa. Saka siya tuluyang binawian ng buhay bago siya magdiwang ng ika-8 kaarawan niya.
Walang nag-akala o nag-isip man lang na mangyayari ito sa pinakabatang miyembro ng aming pamilya. Wala pang nagkaro’n ng anumang uri ng cancer sa aming pamilya. Kaya’t laking pagkagulat ng lahat—mistulang gumuho ang mundo ng lahat, lalo na ng mga magulang ni Renz. Halos tumira na si Renz nuon sa Philippine Children’s Medical Center (PCMC), kung saan siya ginamot ng ilang taon.
Sintomas ng leukemia | Image from Unsplash
Mula nuon naging mulat na kami sa mga karamdaman at mga sintomas nito. Nalaman namin ang kahalagahan ng early detection at pagpansin sa mga red flags at early signs ng anumang malubhang sakit.
Ano ang leukemia at ano ang mga sintomas nito?
Cancer sa ating lipunan
Ang susi sa paglaki ng bilang ng survivors ng leukemia ay ang pagpapakalat ng impormasyon tungkol dito, at ang pagkakaroon ng mas maigting na screening efforts para magkaron ng early detection. Ito ay sa pangunguna ng Department of Health (DOH) at Philippine Children’s Medical Center (PCMC).
Mas marami na ring ospital ngayon ang may treatment para sa leukemia at mga unang sintomas nito. Ayon sa DOH at kay Dr. Julius A. Lecciones, executive director ng Philippine Children’s Medical Center (PCMC), ang pangunahing ospital para sa mga batang may malubhang karamdaman, malaki ang maitutulong ng malawak at malalim na kaalaman tungkol sa mga red flags at unang senyales at sintomas ng leukemia para mabigyan kaaagad ng nararapat na paggamot. Mas marami na rin ang nakakatapos ng therapy dahil ang mga gamot ay maaari nang makuha ng murang halaga, kundi man libre, mula sa mga government hospitals.
Ano ang Leukemia?
Ang leukemia ay isang uri ng kanser sa dugo na umaatake sa blood-forming tissues ng katawan, kasama ang bone marrow at lymphatic system.
Sa maraming uri ng leukemia, ilan sa mga ito ay karaniwang nakikita sa mga bata.
White blood cells ang karaniwang may problema sa karamdamang ito. Ang white blood cells ang lumalaban sa mga impeksiyon, kaya’t kailangan ng katawan ito. Kapag may leukemia, naglalabas ng abnormal white blood cells ang bone marrow, at hindi ito nagagawa ang dapat nitong gawing o hindi nabibigay ang dapat na proteksiyon.
BASAHIN:
Anthony Taberna, ibinahagi ang pinagdaraanan ng anak na may leukemia
Kemikal na maaaring pagmulan ng cancer, nakita sa ilang gamit ng mga baby
REAL STORIES: “After I lost my first born to leukemia in 2004, I longed to become a mom again.”
Mga sintomas ng leukemia
May mga uri ng leukemia na hindi kaagad napapansin ang mga sintomas. Kapag lumabas na ang sintomas ng leukemia, karaniwang mapapansin ay ang mga sumusunod:
- Anemia, at ilang kaugnay na sintomas tulad ng pamumutla, mataas na lagnat at minsan pa ay umaabot sa panginginig at may kombulsiyon, panghihina ng katawan at pakiramdam na palaging pagod
- Madalas at malalang mga impeksiyon tulad ng sore throat o bronchial pneumonia, pangangayayat o pagbagsak ng timbang, namamagang lymph nodes, at lumalaking atay o pali (spleen) kaya’t may pananakit sa lower ribs.
- Nariyan din ang labis na pagpapawis, lalo sa gabi, at pananakit ng buto. Madalas ding may nosebleed, pagdurugo ng gilagid, dugo sa ihi, at may mapapansing maliliit na red spots sa balat na tinatawag na petechiae
Kay Renz nuong umpisa pa lang, napansin na naming mabilis magdugo ang mga sugat niya, pati na ang pagkakaro’n ng pasa sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Mga uri ng leukemia
1. Acute leukemia
Mabilis na lumalala ang uring ito dahil ang mga abnormal blood cells ay immature at hindi nila nagagawa ang dapat nilang gawin, at mabilis ding dumadami. Kailangan ng agresibong paggamot para sa acute leukemia. Ang acute lymphocytic leukemia (ALL) ang uri na pinakakaraniwang nakakaapekto sa mga bata, bagamat nangyayari din ito sa mga matatanda.
Sintomas ng leukemia | Image from Unsplash
2. Chronic leukemia
May iba’t ibang uri pa ng chronic leukemia, at ang iba ay nagpo-prodyus ng maraming cells at ang iba naman ay kaunti lang napo-prodyus. Mabagal naman ang pagdami ng blood cells kaya’t nagagawa pa ng mga ito ang dapat nilang gawin. Ito ang uri na hindi nakikitaan kaagad ng mga sintomas, hanggang lumipas ang mahabang panahon kaya’t hindi kaagad nada-diagnose. Ang chronic lymphocytic leukemia (CLL) ang pinakakaraniwan na chronic adult leukemia na hindi kaagad nakikitaan ng sintomas at hindi nangangailangan ng paggamot kahit ilang taon pa ang lumipas.
3. Lymphocytic leukemia
Naapektuhan naman ng uring ito ang lymphoid cells (lymphocytes) mula sa bone marrow.
4. Myelogenous (my-uh-LOHJ-uh-nus) leukemia
Ito ang uri ng leukemia na nakakaapekto sa myeloid cells, na nagpapadami ng red blood cells, white blood cells at platelet-producing cells. Mayron ding acute myelogenous leukemia (AML), na karaniwang nakakaapekto sa mga adults. Ang chronic myelogenous leukemia (CML) ang uri na mga matatanda lang ang naaapektuhan at hindi nakikitaan ng sintomas kahit ilang buwan o taon pa ang magdaan, bago tuluyang lumala.
Sino ang karaniwang nagkakaro’n ng leukemia?
Ang mga pangunahing risk factors ng cancer na ito ay kapag nakaranas na ng cancer treatment, lalo ang mga sumailalim na sa chemotherapy at radiation therapy para sa ibang cancer, mga may genetic disorders tulad ng Down syndrome, kapag na-expose sa mga uri ng chemicals, tulad ng benzene, paninigarilyo (na konektado sa acute myelogenous leukemia), at higit sa lahat, ang pagkakaro’n ng family history ng leukemia.
Nuong unang na-diagnose si Renz ng leukemia, sinabi ng doktor na namamana ito o nasa dugo. Maaari daw nakuha niya ito sa isa o ilang miyembro ng pamilya na mayrong cancer. Nagtaka kami dahil nga wala ni isang mayro’n sa amin ang nagkaro’n ng cancer. Ilang taon pagkatapos kaming iwanan ni Renz, na-diagnose ang nanay ko ng breast cancer. Dito namin nalaman na ang cancer na hindi pa lumalabas kay Mama ay naka-apekto na sa kaniyang apo.
Ayon sa mga espesyalista ng DOH, maraming may karaniwang risk factors ang hindi nagkakaron ng leukemia, at maraming may leukemia na hindi nakikitaan ng mga nabanggit na risk factors.
Kumunsulta sa doktor
Payo ng DOH, ikunsulta kaagad sa doktor ang anumang paulit-ulit na sintomas, kahit pa hindi sigurado. Walang mawawala kung magtatanong at magpapatingin, lalo na kung bata ang may karamdaman.
Ang mga sintomas ng leukemia ay madalas na katulad ng mga sintomas ng influenza at iba pang karaniwang sakit, kaya hindi kaagad napapansin. Minsan pa ay nakikita ito sa mga blood tests para sa ibang kondisyon.
Malalaman lang kung leukemia nga ang karamdaman pagkatapos sumailalim sa mga physical examination, blood tests, biopsy, at imaging tests. Inaalam din ng doktor ang medical history ng pasyente at pamilya nito.
Sa oras na makapagbigay ang doktor ng diagnosis, aalamin kung anong stage na ng cancer ang kinalalagyan ng pasyente. Dito kasi malalaman ang outlook o kahihinatnan ng cancer.
Sintomas ng leukemia | Image from Unsplash
Paggamot sa leukemia
Sa paggabay at pag-aalaga ng isang hematologist-oncologist, aalamin ang uri at stage ng cancer. Saka bibigyan ng karampatang treatment o paggamot. May mga leukemia na mabagal ang paglala, at hindi kaaagad kailangan ng paggamot.
Karaniwang ang ito ang mga susunod na hakbang:
1. Chemotherapy
Ito ang paraan para patayin ang leukemia cells. Ito ay gumagamit ng mga gamot na pupuksa sa leukemia, depende sa kung anong uri ito.
2. Radiation therapy
Ito ang paggamit ng high-energy radiation para sirain ang leukemia cells at pigilin ang pagdami at paglaki pa nito. May partikular na bahagi lang ng katawan ang ineexpose sa radiation, hindi ang buong katawan.
3. Stem cell transplantation o bone marrow transplant
Ito ang pag-alis ng apektado at mahinang bone marrow, at saka pinapalitan ng malusog na bone marrow.
4. Biological o immune therapy
Ito ang treatment na nagpapalakas sa immune system para “makilala” nito at sirain ang mga cancer cells.
5. Targeted therapy
Ito ang paggamit ng mga gamot tulad ng imatinib (Gleevec), na ginagamit laban sa CML.
Katulad ng sa anumang karamdaman o kondisyon, ang pag-alam at early diagnosis ng leukemia ay makakatulong na makakuha ng sapat at tamang paggamot lalo para sa mga sintomas nito. Makakatulong ito para sa mas malaking tiyansa ng recovery.
Tandaan na ang bawat pasyente ay maaaring may kakaibang sitwasyon. Kaya’t mas mainam na kumunsulta agad sa doktor at mga espesyalista.
SOURCES:
Department of Health – Philippines (www.doh.gov.ph), healthline.com, WebMD.com
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!